PROLOGO
Ang Paglaya at Paghaharap
“Sa kasawian, ang pag-eskapo sa nakaraan ay hindi nangangahulugan ng karuwagan. Senyales ito upang harapin at yakapin ang kasalukuyan. Prologo ito ng P A G L A Y A mula sa mga hinanakit; at P A G H A R A P sa panibagong mukha ng pag-ibig.”
BANAYAD ang simoy ng hangin noong gabing mapagdesisyunan ni Miya na magpahangin at magnilay-nilay sa damuhan ng kanilang hardin. May tangan itong papel de hapon at lapis. Balak nitong pag-alayan ng akda ang paligid.
Bagaman at nakatakip nang bahagya ang mga alapaap sa mala-pilak na buwan, ay hindi pa rin maikakaila ang kislap ng ilaw nitong dumarampi sa balat ng kaniyang pisngi.
Mayamaya pa’y sinandig niya ang ulo sa puno ng mangga, na para bang balikat na handang magpasandig sa oras na antukin siya.
“Ilang oras na lamang pala’y magsisimula na ang simbang gabi...” naimutawi niyang bigla nang makaramdam siya ng panggiginaw. Marahan niyang niyapos ang sarili upang makaramdam ng init sa katawan. Sa puntong iyon ay muli niyang minasdan ang buwan na ngayon ay nakabalandra na sa kaniyang harapan.
Miya, kapagka iyong nginitian ang buwan, ngingiti rin sa iyo ang tadhana. Sa gabing iyon ay bigla na lamang pumuslit ang isang boses mula sa kahapon, ang lalaking para sa kaniya, ay ang una at huling nagpatibok ng kaniyang puso.
Bahagyang nakaramdam ng lungkot ang babae ngunit nagawa pa rin niyang ngumiti sa kabila niyon, “Kung muli man at ako’y magmahal ng iba Rafael, iyo kayang matanggap ang hindi na muling pangungulila ng aking puso sa ‘yo?” bulong niya sa hangin na animo’y sumasabay rin sa bugso ng kaniyang nararamdaman. Yumuko siya at nagbakasakaling bumulong din sa hangin ang lalaki.
“Sa Panginoon ko na lamang aasahan ang sagot mo, mahal.” Mula sa pagkakayuko, marahan siyang tumingala. Binitiwan niya ang papel at panulat. Bago pa man tumayo ang dalaga, inusal niya ang tulang likha ng isip...
Batid kong nagbubunyi
ang mga alitaptap at kuliglig—
sa maaliwalas na paligid;
habang ang puso’y
tinitiis ang sikip
at bigat ng emosyong
nakabidbid.
Kaawa-awang
umiibig.At saka niya nilisan ang harding gabi-gabi niyang pinupuntahan. Harding minsang bumuhay sa binhi ng kanilang pagmamahalan.
SABIK na sabik si Miya sa pagbubukas ng simbang gabi sa kanilang lugar. Hindi na niya nagawa pang hintaying tumunog ang kampana at kapagdaka’y nagsimula nang maglakad matapos magbihis. Para sa kaniya, mas marikit ang gabing iyon kumpara sa mga nagdaang simbang gabi. Patunay na rito ang luningning ng mga bituin at kislap ng buwan na nagsilbi niyang ilawan patungong simbahan. Sabayan pa ng kaluskos ng mga dahon at himig ng mga kuliglig na nakalambitin sa mga sanga ng puno. Animo’y isa siyang reynang naglalakad patungo sa kaniyang palasyo.