KABANATA II

62 4 0
                                    

KABANATA II
Paghanga sa Maningning na Tala


Nagkukubli sa mga M A T A ng tao ang kahanga-hanga, pinakamarikit, at pinakamaningning na T A L A sa uniberso.”

HUMAHANGOS na tinahak ni Miya ang daan patungong silid-aralan. Isang malaking pagsubok para sa dalaga ang iskedyul niyang panggabi sa klase, na kusa niyang pinili sa kadahilanang may mahahalaga siyang gagawin sa umaga.

Gusut-gusot ang kasuotan ng dalaga na hindi niya alintana. Magulo ang kaniyang buhok na singgulo ng kaniyang utak, animo’y pinamumugaran ng mga panggabing ibon. Hindi na niya nagawa pang magsuklay sapagkat mas mahalaga sa sandaling iyon ang karera’t hinaharap niya. Hindi bale nang makalbo, huwag lang mapulikat sa pagtakbo.

Paniniguro niya, sesermunan na naman siya ng kaniyang maestro sa harap ng klase. Hindi na iyon bago sa dalaga. Sa katunayan, pawikan ang bansag sa kaniya ng mga kaklase.

Nang marating niya ang paroroonan, sumilip muna siya sa bintana ng silid at hindi nga siya nagkamali ng hinala—kaagad na bumaling ang mga mata ng maestro sa siwang ng bintana, sa banda niya dahilan upang mapaurong siya’t lumuhod sa kinatatayuan. Kahihiyan ang namayagpag sa sistema ng dalaga nang dumagdag pa ang mga matang-lawin ng mga kaklase. Napasapo siya sa noo. Naglakad siyang nakayuko. Nang makarating sa pinto, marahan siyang pumasok sa silid habang pilit na nakangiti.

Heto na naman tayo sa pangkaraniwang tagpo. Bahagya siyang naasiwa.

“Señorita Miya, masyado ka naman yatang maaga para bukas…” Bigla siyang naalarma nang marinig ang binabaeng boses ng maestro. Nakarinig din siya ng mahihinang hagikhik sa loob ng silid. Huminto siya sa kinatatayuan.

“Magandang gabi, Maestro Lukas. Ipagpaumanhin mo nawa kung nahuli ako sa iyong kla—”

“Ano pa nga ba ang aasahan ka sa ‘yo, señorita? Sa klase ko’y gasgas na ang linya mong iyan. Sa susunod naman, kung maaari, panagutan at panindigan mo na lang...”

“...o siya, maupo ka sa bandang likod, doon sa tabi ng nag-iisang señorito.” Nakaramdam siya ng labis na kahihiyan matapos putulin ng maestro ang sasabihin, bagaman at malumanay lamang ang pahayag nito. Walang humpay pa rin sa mahihinang hagikhik ang klase.

Tinungo ng binibini ang likurang bahagi ng silid at umupo sa tabi ng isang ginoong humihilik. Kung tutuusin, mabuti nga ako, nahuli lang. Kaysa naman sa katabi kong ito, nasa klase nga’y nananaginip naman. Bahagya siyang napasimangot. Inayos niya ang kaniyang buhok.

Buong gabing iyon ay itinuon na lamang ng dalaga ang atensyon sa leksyon ng maestro. Aniya, bagaman at alam na niya ito, kahit papaano’y nadagdagan naman ang kaalaman niya upang mas mapayabong pa ang kaniyang propesyon.

“Señorita Miya...” Bahagya siyang nakaramdam ng kaba nang banggitin ng maestro ang pangalan niya. Nag-aalinlangan man ay tumayo siya.

“...para sa iyo, ano ang malikhaing pagsulat at ano ang maiaambag nito sa sosyedad?” Tila nanghahamon ang maestro ng dalaga. Maliban sa bukambibig siya nito, marahil nga’y gusto nitong subukin ang pagiging sobre saliente niya.

KapirasoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon