KABANATA III
Ang Pinakamarikit na Simula
“Nakasalalay sa mga kamay natin ang takbo ng ating istorya. Kung paano natin S I S I M U L A N ang bawat kabanata? Tayo at tayo lang ang nakaaalam.”
HINDI magkamayaw sa ingay ang mga tao sa parke noong mga panahong iyon. Pinuno ng iba’t ibang paninda ang bawat sulok kahit saan ka man magtungo. May mga makukulay na banderitas na nakalambitin sa itaas, na nagsilbing kolorete ng parke sa hapong iyon. Mabusising hinahanap ni Sofronio si Miya sa mga nagkukumpulang tao ngunit ilang minuto na ang nagdaan ay hindi pa rin niya mahagilap ito, kahit na ang anino ng binibini.
Kung sinusuwerte ka nga naman, natiyempuhan pang pista sa kanilang baranggay.
Imbes na mainis, malungkot, mapuot, mayamot, o anumang negatibong emosyon, ay ikinatuwa pa ito ng binata sa kadahilanang makasasama pa niya nang matagal ang dalaga. Animo’y isa siyang baliw habang iniisip ang marikit nitong pagmumukha—subukan man niyang waksihin sa isip ang pigura ng dalaga, ngunit agad din namang bumabalik.
Hindi ko maikakaila, nang unang magkita kami’y gusto ko na siya, walang halong biro. Ilang palaso ba ang ipinanâ sa akin? Marapat lang bang magpasalamat ako kay Kupido? Kung siya rin lang naman ang binibining makatutuluyan ko sa huli, Diyos ng Pag-ibig, kahit ilang palaso pa iyan ay buong puso kong tatanggapin!
Kung naaabot lang siguro ang langit, malamang, lampas na roon ang mga ngiti ni Sofronio. Kitang-kita ang mapuputi nitong mga ngipin sa tuwing may makikitang kakilala, malayung-malayo sa dating Sofronio na bihira lamang magpakita ng emosyon sa karamihan. Maging sa balintataw ng binata’y bumabalot ang kakaibang saya.
Sa gitna ng paglalakad, mayamaya pa’y may tumapik sa kaniya. Nilingon niya ito at nagtama ang kanilang mga mata. Ito ang pinakapaboritong senaryo ng binata—ang pagtatama ng kanilang mga mata na animo’y may mensaheng nagkukubli sa likod ng mala-holen at nakababatubalani nilang mga balintataw, habang may kung anong kulay tsokolateng nakapalibot sa mga ito.
“Ginoong Sofronio, kanina ka pa ba? Pasensiya na, a?” anito habang kakamut-kamot sa ulo. Ngumiti ito nang pagkatamis-tamis na nagpalundag sa dibdib ng lalaki.
“A, e, Sofronio na lang, binibini. Hindi, kararating ko lang din,” palusot niya. Bahagya siyang namula nang mautal siya. Ipinilig niya ang ulo upang hindi makita ng dalaga.
“Ay, mabuti na naman kung gano’n. Mabuti na lang at hindi kita pinaghintay nang matagal,” wika ng dalaga. Kasabay niyon ay ang pag-alpas ng mahihinang hagikhik niya. Ang mga hagikhik na iyon ay musika kung ituring sa binata—paulit-ulit na bumubulong, kumikiliti, at humihimig sa kaniyang mga tainga.
“Hanap tayo ng tahimik na lugar nang makabalangkas na tayo sa nobelang gagawin natin,” pag-aaya ni Sofronio.
“Sige. Pagkatapos nito’y mamasyal muna tayo,” pagsang-ayon ni Miya.