KABANATA I
Sa Pagitan ng Dalawang Daigdig“Nilikha tayo upang lumikha ng D A I G D I G
mula sa D A I G D I G din mismo.”SILID-AKLATAN. Abala si Miya sa pagsaliksik ng aklat tungkol sa malikhaing pagsulat. Para sa kaniya, ang pagsulat ay isang pinakametikulosong propesyon sa lahat—akma sa kaniyang pagiging mabusisi’t pihikan sa mga bagay-bagay at sa anumang ganap sa buhay niya. Magmula nang mabasa niya ang aklat na obra ng ama, ay napaibig na siya sa mga kataga. Kawangis ng pagsusulat, aniya, ang pagbabasa’y isang matalinong paraan upang libangin ang sariling pag-iisip ng isang indibidwal.
“Nakaaawa namang tingnan ang sitwasyon ng mga aklat na ito,” sambit ng dalaga habang pinapagpag ang isa sa mga aklat mula sa sisidlan. Tagaktak ang kaniyang mga pawis habang sinasaliwan ito ng alikabok sa kaniyang mga pisngi. Sumilay sa kaniyang mga labi ang ngiti nang makita ang klarong pabalat ng aklat. Kulay itim na may nakakalat na kanbas na bughaw at lila. Ngunit ang nakapukaw ng kaniyang atensyon ay ang sentrong bahagi kung saan may isang imahe ng batang malamlam ang mata. Nakatakip ang kamay nito sa kaliwang bahagi ng mukha. Kung sinuman ang kumuha ng litrato sa aklat na ito, kahanga-hanga siya.
Sa sandaling iyon ay naantig siyang basahin ang pamagat ng akda.
“Samot-sari: isang antolohiya.” Sinimhut-simhot niya ang aklat na hawak-hawak. Luma na ang aklat na iyon at daan-daang mga daga’t insekto na siguro ang nagawang ihian at iputan ito. Magkagayunpama’y kakaiba pa rin ang samyo ng aklat para sa dalaga—samot-saring samyo ng mga danas at pag-ibig mula sa kumatha.
“Binibini...” Kaagad na nabitiwan ng dalaga ang hawak na aklat nang may kamay na humawak sa kaniyang balikat. Pinulot niya ito at ibinalik sa dati nitong puwesto. Kaagad niyang hinarap ang nilalang na humawak sa balikat niya, na naging dahilan ng pagtaas ng kaniyang kaliwang kilay.
“O, ikaw pala. Sinusundan mo ba ako?” Tinarayan niya ito mula ulo hanggang paa. Muli niyang hinarap ang sarili sa sisidlan ng mga aklat. Inayos niya ang laman nito.
“Maaari ko bang malaman kung ano ang pamagat ng aklat na hinahanap mo?” maginoong sambit nito sa dalaga. Bakat na bakat ang kuhubugan ng binata sa kaniyang kasuotan, sa mga sandaling iyon ay nakaramdam ng pagkaasiwa ang dalaga. Marahil nga’y hindi siya sanay na may umaaligid na ginoo sa kaniya—dagdagan pa ang nakaaakit nitong pangangatawan.