💥Chapter Two💥

592 37 4
                                    

"HOY BORJ, pahiram naman ng encyclopedia mo."

Tuloy-tuloy si Roni sa silid nito. Ang tunay na pangalan pala ni Borj ay "Benjamin" at ang tawag sa binatilyo ng mga magulang nito ay "Borj." Dahil mas maraming tumatawag dito ng "Borj" ay iyon na rin ang nakasanayan niyang tawag nito. Bukod sa iyon naman talaga ang pakilala ng binatilyo sa sarili.

Ngayon ay kinse anyos na sila at kapwa third year high school na. Magkaiba man ang eskuwelahan nila ay palagi naman silang magkasama. Naging best friend na niya si Borj sa paglipas ng panahon.

Wala naman siyang reklamo kay Borj. Mabait na kaibigan ito. Iyon nga lang ay talagang likas na alaskador si Borj at sa edad nilang iyon ay alam na niyang napakababaero nito. Pito na ang naging girlfriends ng best friend niya. Nagsimula itong magkanobya noong first year high school sila.

Naisip niyang iba nga yata talaga ang dating ng mga tulad nitong lumaki sa Amerika at sadyang madalas na magustuhan. Ang pananalita ni Borj ay deretso na. Noong bakasyong nagkakilala sila ilang taon na ang nakararaan ay pilit na tinuruan niya ito ng tamang pagbigkas ng mga salita.

Inabot ni Roni ang isang encyclopedia at nag lotus position sa kama ng kaibigan. Sanay na ito sa kanya. At kapag nasa bahay nila ay ganoon din naman ito. Wala namang malisya ang mga magulang nila. Palibhasa, mga bata pa lamang sila ay ganoon na sila. Iyon nga lang, sinasabihan siya ng mommy niya na bawas-bawasan ang pagsama kay Borj sapagkat nagdadalaga na raw siya.

Inignora lamang niya iyon sapagkat bale-wala naman iyon sa kanya.

"Huy, may merienda ba sa inyo?" tanong ni Borj sa kanya.

"Nagluto si Mommy ng spaghetti bago siya umalis. Gusto mo ba?" Inilabas ni Roni mula sa bulsa ang susi ng bahay. "Kumuha ka na."

Kinuha na nga ni Borj ang susi at umalis. Pagkalipas ng labinlimang minuto ay nakabalik na ito. Isang ubod-laking mangkok ng spaghetti ang dala ni Borj sa isang kamay. Nakatusok doon ang mga tinidor. Tangan nito sa isa pang kamay ang isang litro ng Coke.

Tinulungan naman kaagad ni Roni ang kaibigan. Alam niyang kulang pa sa kanila iyon. Napakalakas nilang kumain at magkasundong-magkasundo sila pagdating sa bagay na iyon. At kahit napakalakas nilang kumain ay hindi sila tumataba.

"Gusto mo ng tinapay?" tanong ni Borj.

"Tinatanong pa ba 'yon?"

Tumango si Borj at muling umalis. Nang magbalik ito ay inagaw mula sa kanya ang mangkok ng spaghetti. "Ang daya talaga nito. Ako ang kumuha, siya ang uubos."

Natawa lang si Roni at inagaw ang tinapay. Pinalamanan niya iyon ng spaghetti. Kahit puno ang bibig ay kinausap niya ito. "Salinan mo naman ako ng Coke."

Tumango lang si Borj, puno ang bibig at tumalima.

Kaya marahil ito ang best friend niya ay dahil masunurin ito sa kanya. Walang reklamo si Borj kapag nakikisuyo siya rito ng kung ano-anong bagay. Minsan pa, kapag matinding Algebra problems ang assignment niya ay si Borj ang pinagagawa niya niyon.

"Sabi ni Mommy, babalik daw kami sa States. Magtatagal daw kami roon," walang pasakalyeng sabi ni Borj.

Muntik nang hindi nalulon ni Roni ang nasa bibig niya. "Ano kamo?"

Nagkibit-balikat si Borj. "Babalik daw kami sa New Jersey."

Hindi pa man ay nakadama na kaagad si Roni ng lungkot. Parang nais niyang magprotesta. Bigla ay nais niyang mapaiyak. Nawala kaagad ang gana niyang kumain. "Kailan daw?"

"Di pa sure. Matagal pa siguro." Ngumiti si Borj.

"Pero bakit?" tanong niya kahit alam naman niya ang kasagutan. Nasa New Jersey ang mga lola at mga tiyuhin ng kaibigan. Sa katunayan ay nakabalik na ito roon nang dalawang beses dati at sa tuwing uuwi ito ay may pasalubong sa kanya.

Love Tricks, Love MagicTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon