SI Tonio Stork, may-ari ng pinakamalaking Junk Shop sa bayan ng tatlong Hari. Ang Stork JunkShop Industries. Ito ang pinaka asensadong Junkshop sa buong bayan nila. Lahat ng bakal at iba pang mga kalakal ay dito napupunta upang ipagbili. Dahil sa pagiging asensado ng negosyo ni Tonio ay marami ang naiinggit sa kanya. Isa na rito si Chuck. Katunggali nya ito sa negosyo pero mas nakakalamang pa rin si Tonio dito.
May-ari din si Chuck ng isang JunkShop pero hindi nya maunawaan kung bakit mas popular pa rin ang kay Tonio kahit na nagpapapromo na si Chuck ng libreng Pork and Beans sa lahat ng mga nagbebenta sa kanya.
***
"Alam nyo na ang dapat na gawin," utos ni Chuck sa mga tauhan. "Siguraduhin nyo lang na hindi na muling aasenso pa ang kanyang negosyo." dagdag pa nya.
"Yes Boss! Kami na ang bahala!" sagot naman ng mga tauhan nya.
KINAGABIHAN ay inabangan nila si Tonio sa Junkshop nito. Nagkubli silang lahat sa isang artipsyal na halaman na may paso upang hindi sila mapansin. Mga sampu silang lahat doon. Sumilip ang isa sa mga tauhan ni Chuck mula sa halaman.
"Boss, positive. Andyan na ang Target." saad nito kay Chuck matapos makita ang papalapit na high-tech na kariton ni Tonio.
Napaka-advance ng kariton na iyon ni Tonio. Sa halip na itulak ay binubuhat ang kariton na iyon. Sadyang napakatalino rin ni Tonio upang maimbento ang imbensiyong katulad niyon. Ngayon ay hindi na mahihirapan ang mga mangangalakal na magtulak ng kanilang kariton. Bubuhatin na lamang nila ito.
"Ano pang hinihintay nyo? Sugurin nyo na sya!!" utos ni Chuck.
Sabay-sabay silang lumabas sa pinagkukublihang halaman at sinunggaban si Tonio.
"A-anong ibig sabihin nito?" pangamba ni Tonio.
"Hahaha! Ngayon ay mawawala ang ang pinakamahigpit kong karibal sa negosyo! Ngayon ay tatangkilikin na nila ang Junkshop ko, Wahaha!" ani Chuck.
"Ikaw? Kilala kita, ikaw ang may-ari ng Junkshop na nagpapa-promo ng libreng Pork and beans! Langya ka, bakit mo ginagawa sa'kin 'to?"
"Ikaw ang dahilan kung bakit hindi umaasenso ang negosyo ko kaya kailangan ka nang mawala."
"Ikaw rin mismo ang dahilan kung bakit hindi lumalago ang negosyo mo! Walang pork ang pork and beans mo! WALANG PORK!"
"HINDI TOTOO YAN! May pork rin iyon kahit na papaano, hindi lang halata!... Teka nga, hindi naman yon ang isyu dito eh," humarap si Chuck sa mga tauhan. "Sige na, dalhin nyo na 'yan." utos pa nya.
Nagpumiglas naman si Tonio. Agad namang kumuha ang isa sa mga tauhan ni Chuck ng plastic bottle ng 1.5 litro na Coke. Hinampas nito ng bote sa ulo ni Tonio.
*POK*
Nawalan ng malay si Tonio dahil sa pagkakahampas sa ulo nya.
Nang magmulat ng mga mata si Tonio ay nasa isang balkonahe na sya ng isang lumang warehouse. Doon sya ikinulong nina Chuck. Luminga-linga sya sa paligid. Panay mga bakal at tansong wires lang ang nakikita nya.
Idinikit ni Tonio ang tenga sa isang nakakandadong pinto at pinakinggan ang nangyayari sa labas.
"Alam nyo na ang gagawin sa kanya!"
"Yes boss! Bukas na bukas rin ay makikita syang lumulutang sa ilog pasig!"
"Ayoko ng nakalutang! Gusto ko na makita syang makalubog doon!"
"Yes Boss! Siguradong makikita syang nakalubog sa ilog pasig!"
"Mabuti naman! Ganyan nga ang inaasahan ko sa inyo."