Chapter Four

3.1K 50 2
                                    

MAYA'T-MAYANG sinusulyapan ni Slater si Bea na nakaupo sa passenger's seat ng kanyang sasakyan. Mula nang sunduin niya ito sa bahay ng mga ito ay tahimik na ito. Ni hindi pa niya ito nakikitang ngumingiti nang araw na iyon kaya nagtataka siya. Ang maingay at masayahing si Beatrice, tahimik at hindi ngumingiti?

Hanggang sa makarating sila sa unibersidad ay hindi pa din ito nagsasalita. "Baby, are you okay?" hindi na nakatiis na tanong niya dito.

Nang hindi ito sumagot ay hinawakan niya ang kamay nito. Napaigtad ito bago siya nilingon. Mukhang ngayon lang nito na-realize na kasama siya nito.

"You're spacing out. What's going on?" tanong niya dito. Hindi siya sanay na nakikita itong gano'n.

Ilang sandali siya nitong tiningnan na para bang sinasaulo nito ang kanyang mukha. May nakita siyang lungkot at paghihirap sa mga mata nito ngunit agad din iyon nawala kaya hindi niya sigurado kung nakita nga niya iyon o namalikmata lang siya.

"Slater, paano kung isang araw, may isang taong malapit sa'kin ang magkaroon ng sakit na cancer at kailangan niya ako sa tabi niya, okay lang ba sa'yo?" biglang tanong nito.

Naguluhan siya sa tanong nito at sa ka-seryosohan sa anyo nito. Bakit nito biglang itinanong iyon? Matagal na nang mai-kuwento niya dito ang tungkol sa bagay na iyon kaya hindi na nila napag-uusapan iyon pero ano ang maaaring maging dahilan ng pagtatanong nito ngayon sa kanya?

Naikuwento niya dito ang tungkol sa ikinamatay ng lolo at lola niya na dahilan kung bakit siya na-trauma sa mga taong nagkakaroon ng sakit na cancer. Madaya ang sakit na iyon at wala iyong ginawa kundi kunin sa kanya ang mga mahal niya sa buhay. Pero alam niya sa sarili niyang naka-move on na siya sa madilim na nakaraan na iyon dahil naintindihan at napagtanto na niya ngayong lahat ng tao ay dumadating sa ganoong parte ng buhay. Maging siya ay hindi maiiwasan iyon kapag dumating na ang oras niya kaya maayos na siya ngayon.

Nang hindi siya sumagot ay umayos na ito ng upo. Isang ngiti ang iginawad nito sa kanya. "Nevermind. 'Wag mo na lang intindihin iyong tanong ko. May naiisip lang kasi ako." Hindi niya alam kung namamalikmata lang ba siya o talagang lungkot ang nababasa niya sa mga mata nito.

Bago pa siya makapagsalita ay binuksan na nito ang pinto ng passenger's seat. "Halika na at baka ma-late tayo." masiglang pagyayaya nito sa kanya. Nauna na itong lumabas ng sasakyan niya.

Humugot siya ng malalim na hininga bago lumabas ng kanyang sasakyan. May hinala siyang may pinagdadaanan si Bea na hindi nito sinasabi sa kanya kaya ito nagkakagano'n. Masyado niyang kilala ang nobya para maniwala sa masiglang ngiti at tinig nito kahit na taliwas niyon ang makikita sa mga mata nito. At hindi niya maipaliwanag ang kaba at bigat sa dibdib na naramdaman niya nang maaninag niya ang lungkot sa mga mata nito lalo na nang hindi niya nagawang sagutin ang tanong nito. Ayaw niyang nalulungkot ang babaeng mahal niya kaya hindi puwedeng matapos ang araw na iyon nang hindi niya nalalaman ang dahilan ng lungkot nito.


TAHIMIK na umiinom si Bea ng juice. Katatapos lang ng set nila sa gabing iyon. Hanggang ngayon ay hindi pa din siya mapakali dahil hindi pa din siya sigurado sa naging desisyon niya. Ayaw na ayaw niyang nakikitang nasasaktan ang lalaking mahal niya ngunit wala siyang magagawa. Kung papipiliin siya, syempre mas pipiliin pa rin niya ang kanyang pamilya ngunit hindi naman niya kayang basta iwan na lang si Slater.

Sa tatlong taong relasyon nila, wala siyang masasabi dito. Masyado itong maalaga sa kanya at wala na siyang hihilingin pang iba. Katulad ng palagi niyang iniisip, ito na ang perfect boyfriend para sa kanya dahil hindi na niya kailangan ng ibang kaibigan kapag ito ang kasama niya. Sa isa't-isa na nga umiikot ang mundo nilang dalawa.

Camp Speed Series 3: My Stupid Heart [Published Under PHR] (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon