MASAKIT ang ulo ni Bea paggising niya kinabukasan kaya nagpasya siyang huwag na munang pumasok sa trabaho. Tinawagan na lang niya ang Kuya Zeke niya at sinabi dito ang kalagayan niya. Alam niyang pupunta ito sa bahay niya at sesermunan siya nito kaya mag-iipon muna siya ng enerhiya para matagalan niya ang magiging paglilitanya nito sa kanya.
Nang muli siyang gumising ay pasado alas-dose na ng tanghali. Kung hindi pa kumalam ang sikmura niya ay hindi siya babangon. Inayos muna niya ang sarili bago siya lumabas ng kanyang silid. Dumeretso siya sa kusina at naabutan niyang kumakain ang kawaksi niyang si Carmen.
Nang makita siya nito ay dali-dali itong tumayo. "Good afternoon, Ma'am Bea. Hindi pa po kasi kayo bumababa kaya nauna na po akong kumain. Pasensya na po kayo. Sandali lang po at ipaghahanda ko po kayo at lilipat na lang po ako---"
"Isa-isa lang, Carmen. Masakit ang ulo ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo." pigil niya dito. "Umupo ka na diyan at sabayan mo akong kumain. Ako na lang ang maghahanda ng sarili kong pagkain." utos niya dito.
Nang akmang magre-reklamo ito ay pinanlakihan niya ito ng mga mata. Tahimik na bumalik na lang ito sa pagkakaupo at kiming ipinagpatuloy ang pagkain nito. Iiling-iling naman siyang kumuha ng mga kubyertos at naghanda ng pagkain niya.
Kung minsan talaga ay hindi niya alam kung bakit masyadong nag-aalala sa kanya ang mga pinsan niya gayong kaya naman niyang alagaan ang sarili niya. Talagang kumuha pa ang mga ito ng kasambahay para may makasama siya.
Hindi siya sanay ng pinagsisilbihan simula nang tumira siya sa Amerika. Oo nga at nami-miss niya ang Yaya Mercy niya noong bata pa siya pero nang lumaki na siya ay naisip niyang dapat siyang matutong kumilos nang hindi umaasa sa ibang tao.
Nasa kasarapan na siya ng pagkain nang marinig niyang tumunog ang telepono. Agad namang tumayo si Carmen para sagutin iyon. Hindi nagtagal at bumalik din ito bitbit ang wireless phone.
"Hello." bati niya sa nasa kabilang linya nang abutin niya ang aparato.
"Bea, it's me, Slater." sagot ng baritonong tinig sa kabilang linya.
Biglang sumasasal ang tibok ng puso niya pagkarinig sa boses nito. At bigla niyang naalala ang walang emosyong mga mata nito habang nakatingin sa kanya nang nagdaang gabi.
Kinagat niya ang ibabang labi at huminga ng malalim bago muling nagsalita. "Yes?" halos pabulong lang na rumehistro iyon sa pandinig niya.
"Can you come here in the camp today? Pinuntahan kita kanina sa Café pero hindi ka daw pumasok sabi ni Zeke kaya kita tinawagan."
"Bakit? May problema ba?" bigla siyang nakaramdam ng kilig dahil sa effort nitong tawagan siya para lang papuntahin sa camp ngunit hindi niya iyon ipapahalata dito.
"I need your help. Ngayon ako naka-schedule para magturo sa mga bata sa Academy at hindi ko sila kakayaning lahat kaya kailangan ko ng makakatulong."
Parang may humaplos sa puso niya pagkarinig sa sinabi nito. Humihingi ito ng tulong sa kanya para turuan ang mga bata sa Racing Academy ng Camp Speed.
Tumikhim siya. "Wala ka na bang ibang mahihingan ng tulong diyan?" parang gusto niyang batukan ang sarili niya dahil sa pagpapakipot niya. Nag-iinarte pa siya pero sa loob-loob niya ay naghihihiyaw na ang puso niya dahil siya ang napili nitong tumulong dito.
Matagal bago ito nagsalita. Nakikini-kinita na niya ang hitsura nito sa kabilang linya. Siguradong nakakunot ang noo nito habang kagat ang isang daliri. Ganoon kasi ito kapag nag-iisip ito.
Mayamaya ay tumikhim ito bago muling nagsalita. "Nag-suggest sina Zen at Zeb na ikaw na lang ang hingan ko ng tulong since magaling ka naman mag-handle ng mga bata. Alam mo naman kung gaano ako kapalpak sa pagha-handle ng kakulitan ng mga iyon. Kaya wala akong choice kundi tawagan ka para pakiusapan. Pero kung hindi ka puwede ayos lang. Sa iba na lang ako hihingi---"
BINABASA MO ANG
Camp Speed Series 3: My Stupid Heart [Published Under PHR] (Completed)
Romance"The one who loses, falls." "Hindi ko kayang makita kang nasasaktan. Kahit sinabi ko sa sarili ko na naka-move na ako at hindi na kita mahal, ayaw makinig ng puso ko. My stupid heart won't stop loving you." Slater and Bea had a perfect relationship...