MASAYANG pumasok si Bea sa The Garage Suite nang araw na iyon. Isang linggo na ang nakararaan mula nang maging maayos ang pakikitungo ni Slater sa kanya. Nagagawa na nilang magbiruan kahit papa'no at nagagawa na rin nitong ngitian siya. Nang minsan ay tumulong pa ito sa pagsisilbi sa mga costumers nila na ikinamangha niya maging ng pinsan niya.
Tinatanong na nga siya ng mga pinsan niya tungkol sa estado nila ng binata ngunit sa tuwina ay ngiti lang ang isinasagot niya sa mga ito. Hindi naman talaga niya alam kung tuluyan nang bumalik ang pagtingin sa kanya ni Slater at hindi rin niya alam ang estado ng relasyon nila dahil hindi nila pinag-uusapan iyon sa tuwing magkasama sila. Ang sigurado lang niya ay masaya siya dahil parang bumalik na sila sa dati.
Updated din ang mga magulang niya sa nangyayari sa kanya dahil tumawag ang mga ito nang nagdaang gabi para kumustahin siya at tanungin kung kailan siya babalik sa Amerika. Sinabi naman niya sa mga ito na huwag nang mag-alala ang mga ito sa kanya at babalik din siya kapag naayos na niya ang mga dapat niyang ayusin doon. Kinumusta rin niya ang mga ito. Mabuti na lang talaga at nalagpasan nila ang pagsubok na pinagdaanan ng pamilya nila limang taon na ang nakararaan. Sa palagay niya, mas naging close pa nga siya sa mga magulang niya dahil pareho na niyang nakakasama ang mga ito.
Binati niya ang bawat masalubong niya pagpasok niya sa Speed Café. Tinukso pa siya nina Janns na blooming siya. Nginitian lang niya ang mga ito.
Dumeretso siya sa pribadong opisina ng pinsan niya para sana kulitin ito ngunit naulinigan niyang may kausap ito. Aalis na sana siya nang maging pamilyar sa kanya ang boses ng kausap nito. Si Slater iyon.
"Adik ka, Slater. Kung may binabalak kang masama sa pinsan ko, itigil mo na iyan kung ayaw mong ibitin kita ng patiwarik." narinig niyang banta ni Kuya Zeke kay Slater.
Kumunot ang noo niya nang mapagtantong siya ang pinag-uusapan ng mga ito.
"Alam mo bang matagal ko nang balak na gantihan ang pinsan mo? Noong sinaktan niya ako, sinabi ko sa sarili ko na babalik din sa kanya ang ginawa niya sa'kin. Na gaganti ako kapag nagkita kami uli." sagot naman ni Slater na lalong nagpa-kunot ng noo niya.
"Gago ka talaga. Ibig sabihin, plano mo talagang saktan iyong pinsan ko? Gusto mong samain sa'kin?"
Parang binuhusan siya ng nagye-yelong tubig dahil sa sinabi ng pinsan niya. Ginagantihan siya ni Slater dahil sa paniniwala nitong sinaktan niya ito noon? Kaya ba bigla na lang itong bumait sa kanya dahil gusto nitong saktan siya sa huli?
"Because my mind is telling me that she deserves it. She hurt me so badly that I want to take revenge when the right time comes." Seryoso ang tinig na wika ni Slater.
Nag-init ang mga mata niya. At bago pa may ibang makakita sa kanya doon ay tahimik siyang lumayo sa opisina ni Kuya Zeke at nagmamadali siyang lumabas ng coffee shop. Nasalubong pa niya ang Kuya Zen niya na papasok naman ng Suite. Nang tanungin siya nito kung saan ang punta niya ay nagdahilan na lang siyang uuwi na siya dahil may nakalimutan siyang gawin. Halata namang hindi naniniwala sa kanya ang pinsan niya pero hindi na ito nagtanong pa at hinayaan na lang siya nito.
Kailangan muna niyang lumayo sa lugar na iyon. Ayaw na muna niyang makita o makausap si Slater. She felt betrayed. Pakiramdam niya ay sasabog siya anumang oras. Ginagawa niya ang lahat upang muli siyang mahalin ng lalaking mahal niya kahit na nagmumukha siyang tanga dahil ang totoo ay makitid lang ang utak nito at wala naman talaga silang ginagawang masama ni Jiroh noon pero ano ang ginagawa niya? Siya pa itong naghahabol kay Slater ngayon? Kung hindi ba naman talaga siya isang malaking tanga!
Ilang beses na siya nitong sinasaktan pero bale-wala lang sa kanya basta bumalik lang ito sa kanya. Dahil alam niya sa sarili niyang wala na siyang ibang mamahalin kundi ito lang pero ang marinig na ginagantihan lang siya nito? Sobra na! Alam niyang pansamantala lang ang galit at inis na nararamdaman niya kay Slater dahil hindi man lang nabawasan ang pagmamahal na nararamdaman niya para dito pero magre-recharge na lang muna siya. Babalik na lang muna siya sa Amerika para mag-isip ng ibang paraan kung paano niya muling maaakit ang nag-iisang lalaking minahal at patuloy niyang minamahal.
BINABASA MO ANG
Camp Speed Series 3: My Stupid Heart [Published Under PHR] (Completed)
Romance"The one who loses, falls." "Hindi ko kayang makita kang nasasaktan. Kahit sinabi ko sa sarili ko na naka-move na ako at hindi na kita mahal, ayaw makinig ng puso ko. My stupid heart won't stop loving you." Slater and Bea had a perfect relationship...