Chapter Five

3.1K 54 8
                                    

Five Years Later

HUMINGA ng malalim si Bea nang makalabas siya sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport. Tinanggal niya ang dark-rimmed glasses niya at luminga-linga sa paligid.

I'm finally back!

Hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kanya sa pagbabalik niyang iyon sa Pilipinas. Noong nasa Amerika siya, hindi siya makapaghintay na makauwi ngunit ngayong nandito na siya ay bigla namang nahaluan ng kaba ang excitement na nararamdaman niya.

Kaya mo 'yan! Hindi ka dapat matakot! Ang kailangan mo lang gawin ay i-explain ang lahat sa kanya at ipaintindi sa kanya ang lahat ng kailangan niyang intindihin. pagpapalakas niya ng loob sa sarili niya.

Ang sabi niya noon ay babalik siya kapag maayos na ang lagay ng kanyang ama. Ngayong maayos na ang kalagayan ng kanyang ama, heto na siya at nagbabalik ang pinakamamahal niyang bansa kung nasaan ang lalaking may hawak pa din ng puso niya.

Humugot siya ng malalim na hininga. Matapang siya hindi ba? Ni minsan ay hindi pa siya nakaramdam ng matinding takot at kaba sa buong buhay niya maliban sa naramdaman niya noong nalaman niyang may malalang sakit ang kanyang ama. Kaya wala siyang dapat ikatakot ngayon.

Pero pa'no kung hindi na niya ako mahal? Pa'no kung may iba na siya? tanong ng isang bahagi ng isip niya.

Nakagat niya ang ibabang labi niya at ipinilig ang kanyang ulo. Hindi siya puwedeng mag-isip ng mga negatibong bagay. Dapat siyang mag-focus sa kung anong gusto at dapat niyang gawin ngayong nakabalik na siya. Iyon lang at wala ng iba.

"Ice!"

Agad na hinanap ng mga mata niya ang pinanggalingan ng malakas na tinig na iyon. At kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya nang makita ang grupong palapit sa kanya. Ang grupong tumulong sa kanya noong nahihirapan siyang mag-adjust sa buhay sa ibang bansa. Ang mga ito lang ang tumatawag sa kanya sa palayaw na iyon kaya hindi niya maaaring maipagkamali ang mga ito sa ibang tao.

Ang mga ito ang tinawagan niya nang nakaraang araw para sumundo sa kanya sa airport. Hindi kasi niya gustong sabihin sa mga pinsan niyang tukmol ang pagdating niya dahil siguradong sasakit lang ang ulo niya.

"Kanina ka pa namin hinahanap eh." ani Casper na agad yumakap sa kanya.

Natatawang gumanti siya ng yakap dito. Ito ang maituturing niyang pinaka-malapit niyang kaibigang babae noong nasa Amerika siya. Natatakot kasi siyang makihalubilo sa mga babae sa ibang bansa dahil iba ang kultura ng mga ito sa kulturang nakasanayan niya.

"Bakit ngayon ka lang lumabas?" tanong naman ng forever supladong si Renzo. Nakapamulsa ito habang nakatingin sa kanya. Seryoso ang mukha nito ngunit kumikislap naman ang mga mata nito sa labis na tuwa.

Nginitian niya ito ng matamis. "Sorry, Kuya Renz. Natagalan ako sa pagkuha ng mga bagahe ko eh." paglalambing niya dito.

"Halika na, nagugutom na ko." yaya ni Terrence sa kanila. Agad na kinuha nito ang mga bagahe niya at basta na lang iniabot kina Kenjo at Nash pagkatapos ay kumapit na ito sa braso niya.

"Teka, nasa'n si Kuya Drake?" tanong niya sa mga ito habang naglalakad sila palabas ng airport.

"Nasa sasakyan. Doon na lang daw siya maghihintay at baka makilala pa siya ng mga fans niya." sagot ni Casper. Sumimangot ito. "Conceited talaga iyon kahit kelan."

Natawa siya. Kahit noon pa ay gano'n na talaga ang Kuya Drake niya. Hindi niya ito masisisi kung magtago ito sa mga tao lalo na sa mga kababaihan. Masyado kasi itong guwapo at madaling makaagaw ng pansin.

Camp Speed Series 3: My Stupid Heart [Published Under PHR] (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon