Chapter Six

2.9K 48 1
                                    

NAGPALINGA-LINGA si Bea habang nakakubli sa likod ng pinto ng silid na pinagtataguan niya. Nagbabaka-sakali siyang makikita niya ang hinihintay niya doon.

Kasalukuyan siyang nasa loob ng Camp Seed, ang camp kung saan naglulungga ang magagaling na racers sa bansa. Mapa-international o local racers ay matatagpuan sa lugar na iyon. Maging ang mga taong ginagawa lamang past-time ang pangangarera ay doon din pumupunta, katulad ng mga pinsan niya.

Hindi nga niya alam kung paano napunta doon ang mga pinsan niya gayong hindi naman sineseryoso ng mga ito ang hilig sa pangangarera noong mga bata pa sila. Para sa mga ito, isa lang iyong hobby ngunit bukod sa pangangarera, nandoon kasi ang nag-iisang branch ng shops ng mga ito. At sa Speed Café nga siya nagtatrabaho ngayon, ang coffee shop na pag-aari ng Kuya Zeke niya.

Bakit doon niya napili? Simple lang. Dahil doon naglalagi ang taong siyang dahilan niya ng pagpasok sa camp na iyon.

Napapiksi siya nang may malakas na kumalabit sa balikat niya. Agad siyang pumihit upang tingnan kung sino iyon. Nakahinga naman siya ng maluwang nang ang nagtatakang mukha ng Kuya Zeke niya ang mabungaran niya.

"Anong meron? Bakit sumisilip ka diyan?" nagtatakang tanong nito. "Hindi mo ba alam na mukha kang stalker sa ginagawa mo?"

Sunod-sunod ang ginawa niyang pag-iling. "Wala, Kuya. Tinitingnan ko lang iyong mga costumers mo." pagdadahilan niya na inignora ang pagsasabi nito na mukha siyang stalker. Pumalatak siya. "Grabe, karamihan pala sa pumupunta dito puro may mga pera 'no?"

Ipinatong nito ang kamay sa ibabaw ng ulo niya at sumilip sa labas. "Not really. Hindi lahat ng nakakapasok dito sa Camp Seed, puro mayayaman." sagot nito.

Tumango-tango siya. Kahit paano ay may alam naman siya sa Camp Speed. Hindi lang talaga niya maiwasang mamangha sa paraan ng pagpapatakbo ng mga may-ari niyon ang buong lugar. At ayaw gumana ng nilulumot niyang utak kung paano siya makikipag-usap sa pinsan niya ngayong lumilipad ang utak niya sa kung saan.

May bago ba do'n?

Wala.

"Ano nga pala ang magiging trabaho ko dito?" mayamaya ay tanong niya sa pinsan niya. Pareho na silang nakasilip sa pinto habang nakatingin sa mga costumers sa labas ng silid.

Nagkibit-balikat ito. "Kahit ano. Ikaw ang bahala. Kung anong gusto mong gawin, gawin mo." bale-walang sagot nito.

Kunot-noong nilingon niya ito. "Anong klaseng boss ka ba naman. Hindi mo man lang ako bigyan ng specific na trabaho. Eh pa'no kung lahat gusto kong gawin, hahayaan mo lang ako?"

"Oo. Gusto mo iyan eh."

She chuckled. "Sira ulo ka talaga, Kuya. Ang bait mo kahit kailan."

"Mahal kaya kita. Kaya kung saan ka masaya, suportahan ta ka."

Tila may humaplos sa puso niya dahil sa sinabi nito. Iiling-iling na ibinalik na lang niya ang tingin sa mga costumers habang nakapaskil ang isang malapad na ngiti sa kanyang labi. Ipinakilala na siya ng Kuya Zeke niya sa mga empleyado nito at masasabi naman niyang mababait ang mga iyon. Isa pa, magaan ang pakiramdam niya sa mga ito at nararamdaman niyang makakasundo niya lahat ng mga staffs doon.

Bigla siyang nanigas sa kinatatayuan niya nang biglang bumukas ang front door ng coffee shop at pumasok ang isang lalaking nakasuot ng racing outfit. May kasama itong magandang babae na naka-abrisite sa braso nito.

"Ano bang ginagawa mo? Bakit nakatayo ka lang diyan? Subukan mo kayang puntahan." udyok ng isang bahagi ng utak niya.

Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya ngayong natatanaw na niya ang lalaking dahilan ng pag-uwi niya sa Pilipinas. Ang lalaking nagkaroon ng malaking parte sa kanyang buhay. Ang nag-iisang lalaking laman ng puso niya. Slater.

Camp Speed Series 3: My Stupid Heart [Published Under PHR] (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon