Bughaw na Langit

840 36 2
                                    

Hindi ko alam kung ilang segundo, minuto, o oras na ba akong nakatulala sa bughaw na langit noon. Walang bakas ng dilim, malinaw, at walang anino ng paparating na ulan.

"Nais mo bang mag take ng summer class, anak?"

Iyon ang ekstaktong mga salita ng aking ina ang namutawi sa aking tainga. Matagal akong napatitig sa kaniyang mukha, baka mali lang ang aking pandinig. Kaso, isang simpleng ngiti ang ibinigay nito sa akin upang kompirmahin na iyon nga ang kaniyang sinabi. Hindi ko alam pero, tila nawala ang ingay sa paligid ko ng mga oras na iyon. Maging ang panaghoy ng tanghaling hangin na nagpapasayaw sa mga dahon sa puno. Isang tunog ng tubig na pumatak mula sa kung saan ang nagpabalik sa aking katinuan.

"Papayagan niyo po akong lumabas?" normal ang bawat bigkas ko ng mga salita kahit pa sa kaloob looban ko ay hindi matigil tigil ang pagsibol ng kasiyahan.

"Ngayong tag-init, pansamantalang madedestino ang trabaho ng iyong ama sa lugar malapit sa lolo at lola mo. Hindi ba at gustong gusto mo ang lugar na iyon?" aniya, tinutukoy ang lugar nila Lolo at Lola--ang ama at ina ni papa, kung saan sa mga litrato ko lang nakikita. Maganda ang lugar na iyon. Payapa at malapit sa dalampasigan. Matagal ko ng gustong makita ang lugar na iyon.

Buong buhay ko, nakakulong lang ako sa bahay. Sa bahay na rin ako nag-aaral sa tulong ng mga pribadong guro na binabayaran ng aking mga magulang. Mahina ang aking baga. Bawal akong mapagod, mapawisan. Kung kaya, maliit pa lang ay hindi na nila ako hinahayaan na ma expose sa anumang bagay na makakapagbigay atake sa akin. Mula sa bintana ng aking kwarto ay doon ko tinatanaw ang mga batang ka edad ko na naglalaro, nakasuot ng mga uniporme, tumatawa kasama ang kanilang mga kaibigan.

Inggit. Kailanman ay hindi ako nainggit sa kanila. Para sa akin din naman ito, kung kaya ay pikit mata kung tatanggapin. Kuntento na ako sa pagtanaw sa kanila, pagbabasa ng aking mga libro, at paglilibang sa aking sarili na titigan ang magagandang tanawin sa labas na hindi maabot abot ng aking mga kamay.

Pero nag-iba ang lahat magmula ng araw na iyon.

Sa unang pagkakataon ay inilabas ko ang aking kamay sa bintana ng sasakyan upang damhin ang maligamgam na hangin dala ng tag-init. Naaamoy ko na ang alat sa hangin na dala ng dalampasigan sa gilid ng daan. Ang bughaw na langit noon ay tila nakangiti sa akin.

Isa. Dalawa. Tatlo. Hindi magkamayaw ang tibok ng aking puso.

"Handa ka na ba, anak?" ang tanong ng aking ina sa akin habang inaayos ko ang aking mga gamit sa pagpasok sa eskwelahan.

Tila ba ang suot kong uniporme ay kumikiliti sa aking katawan habang hindi makapaniwala na tinitignan ko ang aking sarili sa salamin. Isang linggo. Sa loob ng isang linggo ay mararanasan kong maging normal. Sa loob ng isang linggo ay mararanasan ko ang mga bagay na hindi ko naranasan noon. Hindi ko alam kung bakit sinakop ng kakaibang dagundong ang aking pandinig. Marahan kong kinapa ang aking dibdib kung saan nanggaling ang ingay na iyon.

Singhap. Buga. Kailangan kong kumalma.

"Handa na po ako." nakangiti kong sambit sa aking mga magulang pati sa aking lolo at lola.

Sa unang pag-apak ko sa labas ng pamamahay, noon ko lang nalaman na ganoon pala ang pakiramdam ng init ng araw kapag tumatama sa iyong balat. Napapikit ako ng umihip ang hangin at sinundan ng tingin ang isang dahon na tinangay noon. Kakaibang kislap sa aking mga mata ang nanalaytay ng una kong makita kung gaano kalawak ang kalangitan. Tila dagat. Malayo sa kalangitan na nakikita ko lang mula sa bintana ng aking kwarto, doon sa amin.

"Okay, okay. Tahimik, at ako ay may sasabihin." dinig kong sabi ng guro sa loob ng silid aralan na aking papasukan sa loob ng isang linggo.

Nasa labas pa ako ng mga oras na iyon, nakayuko lang at pinapakiramdaman ang aking paghinga. Ayos lang ako. Magiging ayos lang ako. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa strap ng aking bag, maingat na pinagdidikit ang aking mga paa.

"Ayos ka lang ba, Beu?" alalang tanong ng aking ina sa aking tabi na sinamahan muna ako dito sa labas.

Nakangiti akong ini-angat ang aking paningin sa kaniya.

"Ayos lang po ako."

Isang maliit at pampublikong paaralan, ilang lakad lang ang layo sa bahay ng aking lolo at lola ang pinapasukan sa akin ng aking mga magulang. Tatlong araw bago kami pumunta dito at sinabi ni Mama na mag sumerclass ako, ay naayos na nila ang aking enrollment dito. May sampu lang yata na silid doon pero, malawak naman sa loob. May daanan na may silong, may mga upuan sa bawat sulok, at maraming puno sa paligid. Gawa sa kahoy ang bawat silid, maging ang mga upuan. Hindi ko maiwasang mamangha. Hindi man ito magarbo o de aircon gaya ng sa bahay namin, ang simplesidad ng nakapaligid sa akin ay tila nagbibigay sa akin ng kakaibang saya.

"May makakasama kayo na estudyante sa loob ng isang linggo ng inyong Summer Class. Sana ay pakitunguhan niyo siya ng maigi sa maikli niyang panunuluyan dito." narinig kong tahimik ang lahat sa loob habang nagsasalita ang guro. Maya-maya pa ay dinig ko na ang bawat yabag ng kaniyang paa papalabas ng pinto. "Maari ka ng pumasok, ijo."

Hindi ko alam kung bakit tila bumigat ang aking paa sa pagkakataong iyon at tila ay hindi ko iyon maihakbang pataas. Ilang beses akong napalunok. Kahit nagsasalita ang nagtatakang guro sa aking harapan ay tila ba napasukan na ng tubig ang aking tenga dahil parang ganoon na ang kaniyang boses sa aking pandinig. Kung hindi dahil sa isang tulak mula sa aking likuran ay hindi pa luminaw ang lahat.

"Sulitin mo ang bawat sandali, Beu. Hayaan mo ang sarili mo na maranasan ang mga bagong bagay sa maikling panahon." sabi ng aking ina na nagpakalma sa akin. Tumango ako na sinuklian niya ng ngiti.

Unti-unti, paisa isa, ay naihakbang ko ang aking mga paa. Hanggang sa nakapasok na ako sa loob, nakayuko, at hindi matignan ang mga mukha ng mga tao sa aking harapan. Hindi pa ako nakasalamuha ng ibang tao sa malapitan. Hindi ko alam ang gagawin.

"Nais ko lang ipaalam sa inyo na ngayon lang naranasan ni Beu ang makapag-aral magmula ng siya ay maliit pa. Mahina ang kaniyang baga, kung kaya nanatili lang siya sa kanilang bahay. Sana pakitunguhan niyo siya ng maigi. Sa isang linggo ay nais ko na turuan at ipakita niyo sa kaniya ang mga bagay na nagagawa ng mga kasing edad niyang gaya ninyo." mahihinang singhap at mumunting bulong ang aking narinig sa litaniya ng aming guro na iyon. Hindi ko maiwasang pumikit habang nakayuko. Alam kong wala na si Mama sa labas kung kaya't hindi na ako maari pang lumabas muli. "Magpakilala ka sa kanila, Beu."

"M-magandang araw sa inyong lahat. Ako nga pala si B-Beu, " lumunok ako ng laway sa pagtigil ko sa aking pagsasalita. Kahit ang sahig ang aking tinitignan, hindi ko pa rin maiwasang manginig sa kaba. "B-beu Terencio. Sana ay maging magkaibigan tayong lahat."

Muli ay napapikit ako, at nais ko mang takpan ang aking magkabilang tenga ay hindi ko nagawa. Doon na lang ako kumapit sa strap ng aking backpack para kahit papaano ay mabawasan ang aking panginginig.

"Sir, sa akin niyo po siya patabihin."

Sa unang pagkakataon ay inilabas ko ang aking kamay sa bintana ng sasakyan upang damhin ang maligamgam na hanging dala ng tag-init.

Naaamoy ko na ang alat sa hangin na dala ng dalampasigan sa gilid ng daan.

Sa pagkakataong iyon ng marinig ko ang boses na tila hinihele ako sa gitna ng dapithapon, ini-angat ko ang aking ulo. Sa dami ng mukha sa aking harapan ay doon pa rin dumiretso ang aking paningin sa lalaki na may itim na buhok at malayang sinasayaw ng hangin. Ang sinag ng araw na direktang tumatama sa kaniya na mula sa nakabukas na bintana sa kaniyang gilid ay rumerepleka sa malamyos niyang mga mata. Kasingkulay noon ang papalubog na araw sa dalampasigan.

"Gusto kitang maging kaibigan, Beu!"

Ang bughaw na langit noon ay tila nakangiti sa akin.

🌈 It Started One Summer (BL Short Story) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon