Ikaw at Ako

340 30 4
                                    

Isa akong malas na tao. Kapapanganak pa lang sa akin sa mundo ay tinuring na akong salot. Kaya naniniwala ako na wala akong ibang dadalhin sa mga taong nakapaligid sa akin kung hindi sakit at pighati.

"Ikaw ang malas sa buhay ko! Sana hindi na lang kita binuhay sa mundong ito!"

Kahit sa panaginip ay dinadalaw ako ng eksenang iyon kung saan sakal sakal ako ng sarili kong ina at isinisigaw sa akin ang mga katagang iyon. Iniwan kami ng aking ama para sa iba at bumuo ng bago niyang pamilya noong ako ay anim na taong gulang pa lamang. Dala ng sakit, at paghihirap namin ay hindi nakayanan ng aking ina ang lahat ng iyon. Nabaliw ito na nauwi sa puntong sinasaktan na niya ako.

Ayaw ko siyang iwanan, mahal ko ang aking ina. Kaso, hindi na siya ang ina na aking kilala. Sa labis na takot, tumakas ako sa pamamahay na iyon hanggang sa nakarating ako sa bahay ampunan. Gutom, puno ng sugat at mga pasa, sobrang dumi. Sa awa ng mga madre sa akin ay kinupkop nila ako, nagkaroon pa ako ng kaunting trauma. Bagama't noong una ay tahimik lang ako at kinukulong ang aking sarili sa aking silid, sa huli habang ako ay lumalaki, natutunan kong gumawa ng sariling pekeng mundo. Namulat na lang ako isang araw na pinapaniwala ang aking sarili na ako ay lubusan ng masaya at malaya. Pero... gawa gawa ko lang iyon lahat, maging ang mga tawa at ngiti sa aking labi ay peke lang. Sa takot na makulong sa dilim, niloko ko hindi lang ang mga nakapaligid sa akin, kung hindi maging ang aking sarili. Lumaki akong gustong mapalapit sa lahat dahil nais ko na isalba nila ako mula sa dilim at pag-iisa.

Pero, kulang pa rin. Kahit anong tawa, ngiti, at pakikipagkaibigan ang aking gawin, madilim pa rin ang aking mundo. Walang kakulay kulay at puno ng lumbay. Kaso, sa unang pagkakataon, nakakita ako ng liwanag sa isang tao.

"A-ako nga pala si..." nauutal ito habang nagsasalita sa harapan. "Ako nga pala si Beu."

Habang tinitignan ko ito, isa lamang itong ordinaryong tao kagaya ng lahat ng nakakasalamuha ko araw-araw. Pero, ng magtama ang aming mga mata, kagayang kagaya iyon sa akin. Nangangailangang salbahin, puno ng lungkot at lumbay. Kailangan ko siyang tulungan, iyon ang naisip ko ng mga oras na iyon.

"Dito ka tumabi sa akin, Beu!"

Sa araw-araw na nakakasama ko ito, unti unti ay nakakakita ako ng kulay sa paligid ni Beu. Unti unting namumukadkad, unti unting nabubuhay. Hindi ko alam kung bakit noong nagtagal ay nawawala na ang lungkot at lumbay sa mga mata nito, kada araw na lumilipas mukhang natitibag na ang madilim na mundong mayroon siya. At habang nasa tabi ko ito, tila nawawala na rin ang pekeng mundo na mayroon ako.

Siya ang kailangan ko. Dapat lagi lang siyang nasa tabi ko.

"Iniiwasan mo ba ako, Beu?" isang araw na sabi ko dahil hindi ko alam kung bakit naging mailap siya bigla sa akin.

Hindi maari. Hindi ako papayag na talikuran ako nito at bumuo ng mundo na wala ako. Akin lang si Beu. Akin lang dapat siya.

Kaso, naging makasarili yata ako. Ng araw na nakita ko si Beu na umiiyak sa gitna ng field, naalala ko na kamalasan lang pala ang dala ko sa mga tao sa aking paligid. Natakot ako, natakot ako na muli ay magkaroon ng lungkot sa mga mata nito ng dahil sa akin. Iiwan din niya ako, kagaya ng ginawa ng aking ina noon. Kaya uunahan ko na siya, ako na kaagad ang iiwas sa kaniya.

Isang matamis na halik. Isang halik ang ibinigay ko kay Beu sa huling pagkakataon. Tila dinala ako noon sa langit at ng maghiwalay ang aming labi ay ibinalik ako noon sa impyerno. Tama nga ako, si Beu lang ang nakapagbibigay ng kakaibang pakiramdam sa akin. Unang araw palang ng makita ko ito. Sobrang saya, sobrang sarap. Kaso, natatakot ako na baka masira ko lang siya.

"Paalam Beu." ang huling katagang sinambit ko dito at hindi na ako nagpakita pa ditong muli.

"Umalis na siya Ayan."

Nawala ako sa malalim na pag-iisip habang nakatanaw lang sa madilim na kalangitan, walang bituin na nagniningning. Tumingin ako sa direksiyon kung saan nanggaling ang boses at doon ay nakita ko si Margareth na malungkot na nakatanaw sa akin. Kasama ko itong lumaki dito sa bahay ampunan. Ang una kong naging kaibigan. Ang unang naka-alam sa madilim kong nakaraan. Alam kong lagi nitong binabantayan ang mga nakapaligid sa akin, at alam kong sinabi din nito kay Beu na layuan ako. Natatakot ito na baka muli ay may manakit sa akin.

"Alam ko." walang kabuhay buhay kong sabat. "Nakita ko ang sasakiyan nila kanina habang nasa dalampasigan ako."

"Patawarin mo ako. Ng dahil sa akin—"

"Margareth, alam ko ginawa mo lang iyon para protektahan ako." tumayo ako at lumapit dito, tinapik ko siya sa kaniyang ulo. "Salamat. Kaya ko na ang sarili ko."

"Nakikita ko ang mga mata mo kapag nakatingin ka sa Beu na iyon Ayan. Mahal mo siya, hindi ba?"

Napayuko ako at dirediretso lang na umalis doon, hindi sumagot sa isiniwalat nito. Wala na rin namang patutunguhan kong sasagutin ko iyon. Wala na rin naman siya sa tabi ko, bakit ko pa sasabihin ang damdamin ko?

Nagbago ako. Simula ng araw na iyon ay nagbago na ako. Hindi kagaya dati, tahimik na ako sa paaralan at mailap sa lahat. Noong una ay nagugulat ang mga kaibigan at kaklase ko sa akin kaso, noong huli, nasanay na silang wala ako sa mundo nila. Tila naging isa na lang akong hangin.

Hanggang sa lumipas ang isang taon. Nagbalik na naman ang tag-init, oras na naman ng maaliwalas na paligid. Pero sa paningin ko, walang kakulay kulay ang  lahat ng iyon.

"May bago kayong kaklase na makakasama ngayon para sa Summer Class. Nais ko ay pakitunguhan niyo siya ng maayos." salita ng aming guro sa harapan kaso masyadong wala akong paki-alam kung sino man iyon at nakatanaw lang sa paligid na walang bakas ng luntian sa aking mga mata.

Narinig ko ang pagtahimik ng aking mga kaklase ng pinapasok na ng aming guro ang taong iyon.

"Ako nga pala si Beu." paunang sabi nito at kahit hindi ako nakatingin dito, tila may mumunting kislap akong nakita sa paligid. "Kinagagalak ko na makasama kayo ulit."

"BEU!" sabay sabay na sigaw ng lahat.

Dahan dahan akong napatingin kung saan ito nakatayo. Masaya ang lahat na tumakbo papunta dito at pinagkaguluhan siya. Pinaikutan siya ng lahat pero, kitang kita ko pa rin ang maningning nitong ngiti, ang kislap sa kaniyang mga mata. Hindi kagaya dati na puno ng lungkot, dilim, at lumbay. Sa sobrang ganda nito sa aking paningin ay tila siya na lang ang nakikita ko sa buong silid.

Ang madilim na kalangitan ay unti-unting naging bughaw. Ang walang kakulay kulay na paligid ay napuno ulit ng luntian. Narinig kong muli ang ingay ng mga tuyong dahon na nagsisilagasan sa paligid. Tila hinihele ako ng huni ng mga ibon. Naramdaman kong muli ang init ng hangin. Nais kong matikman muli ang tamis ng tunaw na ice cream. Ang amoy ng damo ay hindi na malungkot, bagkus buhay na buhay at talagang nanunuot.

Napatanga ako ng makita kong nakatingin na silang lahat sa akin, lahat sila ay nakatutop ang mga kamay sa kanilang bibig. Doon ko lang namalayan na sunod sunod na pala ang pagtulo ng mga luha sa aking mga mata. Hinawakan iyon ng aking mga daliri at natutulala na tinignan ang tubig na iyon doon. Isang panyo ang lumitaw sa aking harapan at ng tiningala ko ang may-ari niyon ay sinalubong ako ng mga mata ni Beu.

"Ayan... ang pangit mo palang umiyak." natawa ako sa sinabi nito, hindi na peke, totoong tawa na. Tila nabasag na ang pekeng mundo na aking binuo, napalitan na ng tunay at puno ng kulay. Sa wakas malaya na ako. At dahil iyon lahat kay Beu.

Hindi ko siya nasalba, siya ang sumalba sa akin.

"Beu... mahal kita." sabi ko sa gitna ng pagngiti at pagluha.

Isang ngiti ang lumabas sa mapula nitong labi. Hindi matatapatan ng aliwalas ng paligid ang tuwa sa kaniyang mukha.

"Mahal din kita, Ayan."

Isang araw sa tag-araw, nabuo ang isang kwento.
Isang kwento na binubuo ng ikaw at ako.

We started one summer, together, we will be forever.

-WAKAS-

🌈 It Started One Summer (BL Short Story) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon