Luntian na Paligid

398 29 2
                                    

Ayan Ignacio. Iyon ang pangalan ng aking seatmate. Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang siya kalapit kaagad sa akin, pero hindi ko maiwasang matuwa sa kaniya. Ramdam ko ang kabaitang taglay niya at nakikita ko ang isang masiyahing tao sa kaniyang katauhan.

"Dahil wala ka pang libro Beu, share na lang tayo ha?" sabi nito habang nag-uumpisa na ang guro namin sa kaniyang pagtuturo.

"Mn!" masaya kong sagot sa kaniya at hindi naman ako nabigo noong sinuklian niya ako ng malawak na ngiti.

Ang noon ay maliit kong mundo ay unti unting lumalawak. Pakiramdam ko ay naglalakad na ako ngayon sa luntiang paligid mula sa pagkakakulong ng matagal sa madilim na kweba. Isang liwanag, isang liwanag ang unti unti ay umaabot sa akin.

"Kamusta ang unang araw mo sa paaralan, apo?" tanong ng aking lola sa gitna ng aming hapunan.

Lahat sila ay napatingin sa akin, nahihiya naman akong napatigil sa pagkain. Hindi ko alam kung bakit ang nakangiting muka ni Ayan ang lumitaw sa aking isipan. Ang seryoso nitong mukha habang nagbabasa. Mula sa liwanag ng araw na nanggagaling sa bintana, rinirepleka noon ang mahahaba niyang pilik mata, matangos na ilong, mapupulang labi. Hindi ko mapigilang tumitig. Kung tatanungin nila ang isang buong araw ko, kalahati noon ay patungkol lang kay Ayan ang aking isasagot.

"A-alam niyo po ba, iyong katabi ko ngayon sa upuan, g-gustong gusto akong maging kaibigan." panimula ko sa aking kwento.

Tahimik lang silang nakikinig habang may mga ngiti sa kanilang mukha. Anila ay natutuwa daw sila na sa wakas ay nakikisalamuha na daw ako ng normal kagaya ng iba. Maluha luha si Mama habang tinitignan akong masayang nagkukwento sa kanila. Inaabangan naman ni Papa ang matututunan ko sa isang linggong pagiging malaya. Walang tigil ang bilin ni Lolo at Lola na huwag ko daw kakalimutan na alagaan ang aking sarili kahit sa maikling pamumuhay sa labas ng tahanan na hindi ko nakasanayan.

Noong gabing iyon, habang tinitignan ko ang mga bituin sa langit na nakasilip mula sa bintana ng aking kwarto, hindi ko mapigilang mag-isip ng kung ano bang pwedeng mangyari sa susunod na umaga. Datirati ay ayaw ko pang mag umaga dahil paborito kong makita ang nagkikislapang butuin sa kalawakan. Ngayon, hindi na ako makapaghintay na lamunin sila ng liwanag at magsimula na ng panibagong umaga. Ito ang unang pagkakataon na nanabik ako sa pagbukas ng panibagong araw, hindi na ako makapaghintay.

Ano kaya ang gagawin namin ni Ayan bukas ng magkasama?

"Magandang umaga, Beu!" sabay sabay na sigaw ng aking mga kaklase sa aking harapan pagkapasok ko sa silid kinaumagahan.

Napatunganga naman ako sa mga mukha nila, hindi alam ang gagawin. Mula sa pagkakahawak sa magkabilang strap ng aking bag ay nakakuha ako ng lakas na hanapin ang aking boses.

"M-magandang umaga." mahina ang boses kong turan.

Ng pumadako na kami sa aking upuan ay nakita ko na wala pa si Ayan. Kunsabagay, maaga pa naman kung kaya baka maya-maya pa ito. Pagkaupo ko ay naiilang pa rin ako dahil pinapalibutan nila ako.

"Grabe ang puti puti mo, Beu. Marahil ay ngayon ka lang na expose ng ganito sa labas ano?" isa kong kaklase.

"Tama. Sayang iyang kagwapuhan mo. Sinolo ka kasi ni Ayan kahapon kung kaya ngayon lang kami nakalapit sa iyo." isa ko pang kaklase.

Ilang na ngiti at hiyang titig lang ang ibinibigay ko sa kanila. Hindi ko alam ang gagawin lalo na at sunod sunod ang tanong nila sa akin. Tila sila mga bubuyog na kumumpol sa iisang bulaklak.

"Ano itong naririnig kong sinolo ko? At bakit nakakumpol kayo kay Beu! Nakalimutan niyo na bang kailangan ng hangin niyan? Tsk, tabi!" ani ng isang boses sa likuran ng kumpulan.

Bigla ay nabuhayan ako ng loob. Boses pa lang niya ang narinig ko pero hindi ko mawari ang kakaibang bilis ng dagundong sa aking dibdib. Tila may nagkakarerahan doon bigla.

"Magandang umaga, Beu!"

Ng makita ko na ang ngiti nito na mas maliwanag pa sa sinag ng araw, tila kumislap ang aking mga mata. Tila may tunog ng mga chimes ang bigla ay namutawi sa aking pandinig. Nakayuko akong iniwas ang aking paningin sa kaniya.

"M-magandang umaga, A-ayan." mahinang mahina kong sagot, hindi ko alam kung dinig niya ba iyon.

"Sinosolo mo na naman siya, Ayan!" sigaw ng aming mga kaklase.

"Sinabi ko ng pahingahin niyo si Beu! Alis na, alis na dali!" pantataboy nito sa kanila.

"Tsk! Laro tayo minsan Beu! Masyadong gumagwardiya itong si Ayan sa iyo." nakatawa silang umalis at nagsibalikan na sa kanikanilang upuan.

Mula sa gilid ng aking mga mata ay nakita kong naupo siya sa kaniyang upuan. Ng tumingin itong muli sa aking pwesto ay tahimik lang akong yumuko. Pinaglalaruan ko ang aking mga daliri. Hindi ko man pinapahalata ngunit, masaya talaga ako dahil nandiyan siya.

"Hm? Ayos ka lang ba Beu? Namumula ang magkabila mong pisngi."

Nahugot ko ang aking hininga ng inilapit nito ang kaniyang mukha sa akin. Lumapat ang hintuturong daliri nito sa aking pisngi, marahan na dumampi doon. Sobrang lapit ng mukha niya, direkta siyang nakatingin sa aking mga mata. Bawat hinga ko noon ay dinig na dinig ko. Nabibingi ako sa ingay ng aking dibdib.

Tila ba nakakita ako ng pulang tali na unti unting nagtatali.

"Okay class, settle down!"

Ako ang unang umiwas sa kaniya ng dumating na ang aming guro. Sinabi ko na ayos lang ako at dala lang ng init kung kaya ganoon ang aking mga pisngi. Mukha namang naniwala siya at bumalik na ulit sa pagkakasandal sa kaniyang upuan.

"Kuhain niyo ang inyong mga libro at buksan sa ikalabing dalawang pahina."

Sinunod namin ang sinabi ng guro at napunta kami sa isang Sonneto. Shall I Compare Thee to a Summer's Day (1564-1616) Sonnet 18: William Shakespeare. Iyon ang ekstaktong titulo na nakalagay doon sa pahina.

"Nais kong sauluhin niyo ang Sonneto na ito at sa pagtatapos ng inyong Summer Class, ay isa isa niyo itong bibigkasin dito sa harapan." ekspleka ng aming guro at halos sabay sabay na napangiwi ang aking mga kaklase.

Tahimik lang ako. Si Ayan ay masaya ng pinag-uusapan iyon sa aming isang kaklase na nakaupo sa kaniyang harapan.

"Shall I compare thee to a Summer's Day?
Thou art more lovely, and more temperate." basa ko sa unang dalawang linya ng sonneto. Mahina lang iyon at tila ako lang ang nakakarinig sa aking boses.

"Rough winds do shake the darling buds of May,
And summer's lease hath all too short a date."

Napalingon ako sa gawi ni Ayan ng binigkas niya ang sumunod na dalawang linya na iyon. Nakatingin na rin pala ito sa akin kung kaya hindi ko maiwasang tumitig. Sa likuran niya ay makikita ang luntiang paligid, sinasayaw ng hangin. Gaya sa linya ng Sonneto ni William Shakespeare, ito ang makukumpara mong araw ng tag-init. Napakaganda, napakakalma. Mahihinang hangin ay sinasayaw ang nagtatayugang puno kapag darating ang Mayo, kahit maikli lang ang panahon na ito.

"Sabay nating sauluhin ito, Beu."

Para sa akin, maikukumpara ko si Ayan dito sa Sonneto.

"Okay."

Sa unang pagkakataon, masasabi ko na ito na ang paborito kong panahon.

Ang noon ay maliit kong mundo ay unti unting lumalawak. Pakiramdam ko ay naglalakad na ako ngayon sa luntiang paligid mula sa pagkakakulong ng matagal sa madilim na kweba. Isang liwanag, isang liwanag ang unti unti ay umaabot sa akin.

🌈 It Started One Summer (BL Short Story) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon