Tuyong Dahon

265 21 3
                                    

"Hm, good. Mukhang malapit na natin ito masaulo." masayang ani ni Ayan sabay higa sa malamig na semento.

Kakatapos lang ng klase at inaya niya ako dito sa likurang bahagi ng paaralan kung saan tahimik, mahangin, at walang katao tao. Dito namin sinimulang sauluhin ang Sonneto na ibinigay ng aming guro sa amin.

"Ayan?" tawag ko sa kaniya na sinagutan lang niya ng simpleng "Hm?". "Bakit hindi natin isinama ang iba nating kaklase?" tanong ko.

Ipinikit nito ang kaniyang mga mata, tila bigla ay nawala sa malalim na pag-iisip. Doon ko lang napagmasdan ng matagal ang mukha nito. Mahaba pala ang pilikmata nito, matangos ang ilong, manipis na labi.

"Mag-iingay lang ang mga iyon kapag marami tayo dito at isa pa," pambibitin niya, ilang segundo ang pananahimik sa pagitan namin bago siya nagsalitang muli. "Gusto muna kitang masolo, Beau." sa pagmulat ng kaniyang mga mata ay direkta niya iyong sinabi sa akin.

Nagbaba ako ng tingin sa aking mga kamay kung saan hawak ko ang libro. Umihip ang hangin at nagsilagasan ang mga tuyong dahon sa paligid. Hindi ko alam na nakakatakot din pala minsan ang sobrang katahimikan. Dinig na dinig ko ang bawat kabog sa aking dibdib.

"H-hindi ka ba naboboring sa akin? Hindi ako katulad nila Ayan. Wala akong alam na mga kwento ng karanasan, mga laro na pagpapawisan ka, mga katatawanang bagay--wala ako nun."  malungkot kong saad, naramdaman kong natahimik siya.

"Hmm...siguro nga, tama ka." napatingin ako sa kaniya dahil sa sinabi nito. "Pero mas gusto kong mapalapit sa iyo dahil doon. Gusto kong ibahagi sa iyo ang saya na natamasa ko--namin, sa iyo. Hindi ka naiiba Beu, pare pareho lang tayo." ngumiti siya ng kaylawak ng sinabi niya ang mga katagang iyon.

Tila tumigil ang oras at tanging kaming dalawa na lang ang nandirito. Tumatama ang sinag ng araw sa mukha nito. Kumikislap ang kaniyang mga mata sa pagkakangiti. Ng mga sandaling iyon naisip ko, na para sa aking mundo, si Ayan lang ang naiiba sa lahat.

Naalala ko dati noong maliit ako. Kapag nakikita ako ng mga bata na dumadaan papauwi sa mga bahay nila, nakikita nila ako sa bukana ng aming bahay. Nakatanaw sa kanila. Isang beses may bola na napunta sa paligid ng aming bahay. Pinulot ko iyon pero, ng ibinigay ko iyon sa mga bata ay yinaya nila ako na sumali sa kanila. Sobrang saya ko noon, sa unang pagkakataon may nakalapit sa akin bukod kila Mama.

Ngunit, ang aking kaligayan ay agad ding nagwakas. Dala ng init ng tanghaling tapat, pagod sa kakatakbo, inatake ako. Halos habulin ko ang aking hininga, pakiramdam ko noon ay unti unti akong kinukuhaan ng buhay. Tila may nagmamartilyo sa aking dibdib at may mga kamay na nakapaikot sa aking leeg. Ang mga bata noon ay tinignan ako ng may takot. Humihingi ako ng tulong sa kanila pero, iniwan lang nila ako doon. Ng makita ako nila Mama, doon na ako nakinig sa kanila na mas maigi na nakakulong lang ako sa kwarto. Ayaw ko ng makita pang muli na umiiyak si Mama o natatakot si Papa na baka ako ay mawala sa kanila. Wierdo. Pakiramdam ko ay ganoon akong tao. Hindi normal, naiiba sa lahat.

Pero, sa unang pagkakataon, sa kaytagal na panahon na pagtatago sa dilim, may kauna unahang tao na tumulong sa akin. Narinig niya ang tahimik kong panaghoy at pagtangis. May isang tao na hindi naglakas loob na talikuran ako at takbuhan. Kagaya ng isang dahon na natutuyo na, unti unti ay pinipinturahan ako nito ng luntian.

"Salamat, Ayan."

Ngumiti lang ito ulit at nagulat pa ako ng hilahin ako nito para mahiga sa tabi niya. Kapwa namin tanaw ang malawak, at payapa na kalangitan. Maririnig ang tunog ng mga insekto sa paligid kahit ang pag awit ng mga ibon sa kalayuan. May kinuha ito sa kaniyang bulsa at nakita ko ang isang mp4 na may nakasuksok na kulay itim na earphone. Mahilig ako sa musika at isa iyan sa nagpapatulog sa akin sa gabi man o tanghaling tapat.

Isinuksok niya ang isang earphone sa kaniyang tenga at natigilan ako ng isinuksok niya ang isa sa aking tenga.

"Sayang ang magandang panahon kung walang magandang awitin, hindi ba?" saad nito sabay tawa. Tawa pa lang niya, parang awitin na.

I see trees of green,
Red roses too
I see them bloom,
For me and you

"And I think to myself,
What a wonderful world." natawa ako ng bahagya ng sinabayan niya ang kanta habang may pakumpas kumpas pa sa kaniyang kamay. Ipinikit ko ang aking mga mata at nilunod ang sarili sa saliw ng musika at ugong ng hangin na humahalina.

I see skies of blue,
And clouds of white
The bright blessed day,
The dark sacred night

"And I think to myself,
What a wonderful world." sabay ko rin na ikinalingon niya sa akin.

"Oh~ Nice one, Beau." natutuwa nitong papuri sa akin sabay thumbs up.

The colors of the rainbow,
So pretty in the sky
Are also on the faces
Of people going by
I see friends shaking hands,
Saying "How do you do?"

Natawa ako sa kaniya ng malakas niyang kinanta ang huling linya, tila ay tinatanong para sa akin.

They're really saying
"I love you."

Nabitin sa ere ang aking tawa ng mapagtanto ko kung ano ang aking kinanta. Para lang sana iyong sagot sa kaniya pero, nakalimutan ko na iyon pala ang mga susunod na linya. Umiwas ako ng tingin sa kaniya pero naramdaman ko ang pagtapik ng kaniyang kamay sa taas ng aking ulo. Tila inaalo ako at pinapahiwatig na ayos lang iyon. Kumalma naman ako dahil naisip ko na awitin lang naman iyon, wala namang kaso sa kaniya.

"Ikaw ba si Beau?"

Tila kanina lang ang masaya naming sandali ni Ayan na iyon. Isang magandang araw na lumipas at nag-iwan ng isang masayang ala-ala. Nawala ako sa pag-alala ng sandali na iyon kahapon dahil sa boses ng babae na lumapit sa aking harapan. Wala si Ayan dito, sumabay sa iba kong kaklase na bumili ng makakain dahil break time na namin. Ani niya, sila na daw ang bibili ng para sa akin at maghintay lang daw ako dito.

"A-ako nga." nahihiya kong sabi sa kaniya.

Napakaganda niya. Mahaba ang kulay tsokolate nitong buhok. Pantay sa taas at kulot kulot sa dulo na kagaya ng alon. Maputi ang balat, parang isang perlas sa karagatan. Mahinhin ang boses, tila hindi makabasag pinggan. Hindi ko ito kaklase at napagtanto na baka sa kabilang section ito.

"Ako nga pala si Margareth, kinagagalak kitang makilala Beau."

Nasilaw ako sa mga ngiti nito at sa isiping normal na ako at hindi na naiiba, nakalimutan ko na hindi pala lahat ay kagaya sa pag-iisip ni Ayan.

"K-kinagagalak din kitang makilala."

Halos habulin ko ang aking hininga, pakiramdam ko noon ay unti unti akong kinukuhaan ng buhay. Tila may nagmamartilyo sa aking dibdib at may mga kamay na nakapaikot sa aking leeg.

🌈 It Started One Summer (BL Short Story) ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon