Ako si Ysabella... at ito ang aming istorya.
"Maganda umaga, Binibining Ysabella."
Hindi maalis ang tingin ni Ysabella sa binatang espanyol na bumati sa kanya pagkababa nya ng hagdan. Hindi nito mabitiwan ang abot-taingang ngiti na palagi nitong ginagawa sa tuwing sila ay magkikita. Kilala nya ang binata dahil anak ito ng kanilang Cabeza de Barangay ngunit iyon ang unang beses na makakapag-usap sila.
"Anak, batiin mo si Ginoong Lorenzo," utos ng kanyang Ama na si Don Joaquin.
"M-Magandang umaga, Ginoong Lorenzo," bati nya ng may matipid na ngiti. Nalipat ang tingin nya sa mga kasama nito. "Magandang umaga rin po, Kapitan Felipe at Donya Elvira."
Alam nya kung bakit nasa kanilang tahanan ang pamilya. Kailan lang ay naging malapit ang kanyang Ama sa kapitan. Biglang isang anak na mula sa mayamang pamilya ay hindi na bago ang ganitong tradisyon. Kapalit ng karangyaang tinatamasa ay ang kanyang kalayaan na magdesisyon patungkol sa bagay na ito. Iyon ang araw na pinaka kinakatakot nya.
"Maganda siguro kung bigyan natin sila ng kahit kalahating taon para makilala ang isa't isa," mungkahi ni Donya Eleanor.
"Hmm, ayos lang naman sa akin. Kung gayon ay Abril o Mayo sa isang taon ang ating paghahandaan," tugon ni Kapitan Felipe.
Kasalo nila sa tanghalian ang pamilya Suarez. Tulad ng inaasahan nya, pag-uusapan ang tungkol sa nakatakdang pag-iisang dibdib nila ng Ginoo. Hindi man nya nais ay kailangan na nyang tanggapin ang kanyang kapalaran.
Ilang linggo pa ang lumipas, naging madalas ang pagbisita ni Lorenzo sa kanya. Ikinuwento nito ang tungkol sa hilig sa pagpipinta na tinututulan ni Kapitan Felipe. Dito na rin sa Pilipinas isinilang ang binata kung kaya't sanay ito sa pagsasalita ng wikang tagalog.
Masiyahing tao si Lorenzo at nakita nya ang kabutihang taglay nito ngunit sadyang hindi talaga ito ang lalaking tinitibok ng kanyang puso. Bagama't buo na ang desisyon nyang hiwalayan si Alejandro ay pilit na nagmumulto sa isipan nya ang lalaki. Habang-buhay na nga yata ang kanyang pagdurusa dahil sa pinairal na maling pag-ibig.
Dumaan ang mga buwan. Higit tatlong linggo na lamang ay matatali na sya sa binatang espanyol. Hindi na sya matahimik. Walang gabi na hindi sya umiiyak. Sinubukan nya naman. Alam ng langit kung paano nya pinipilit ang sarili araw-araw na mahalin ito ngunit sadyang may hangganan ang kanyang damdamin. Ang pag-ibig nya para rito ay bilang isang kaibigan lamang.
"Wala ka ba talagang tiwala sa kaya kong gawin para sa iyo, Ysabella? Hindi mo kailangang matakot dahil hinding-hindi ako mawawalan ng lakas para ipaglaban ka. Iyon lang naman ang hinihintay ko, ang sabihin mo na sige, lalaban tayo. Limang taon na akong naghihintay para sa salitang iyon. N-Ngayon ba ay handa ka nang sabihin sa akin ito?"
Muling nabuhay ang komunikasyon nila ni Alejandro. Labis ang kanilang pananabik sa isa't isa. Hindi napigilan ng binatang sabihin ang matagal nang itinatagong saloobin kay Ysabella. Sa muli nilang pagkikitang iyon ay nabuo ang isang desisyon na naging simula ng lahat. Ang kanilang pagtatanan.
Nakarating sila sa bayan ng Milagroso at doon nakilala ang isang matandang babae na nagpakilala sa ngalan na Lola Esperanza. Malalim na ang gabi at malayo na ang kanilang nalalakbay. Hindi na rin maitago ang kanilang hapo kung kaya't hindi sila nakatanggi sa alok nito na tumuloy sa kanyang tahanan. Labis ang kabutihan nito at hindi sila nagdalawang-isip na sabihin sa ginang ang kanilang problema.
"Mayroon akong maiaalok na tulong sa inyo. Iyon ay kung handa kayong magtiwala."
Inilabas ng matanda mula sa paborito nitong lamesa ang isang baraha na sa mga panahong iyon ay blangko pa. Nabuo ang pagtataka sa mga mukha nila.
BINABASA MO ANG
A Vivir Mi Vida Contigo
Historical FictionIstorya ng magkasintahang mula sa makabagong panahon, Rhys Mabini at Erika Flores, na mapupunta sa sinaunang panahon upang baguhin ang kapalaran ng dalawang tao na hinadlangan ang pag-iibigan. Sa loob lamang ng labing-apat na araw at gabi, magawa ka...