3

3.4K 104 1
                                    

"ANO ANG gagawin mo kung makakasalubong mo ang ex-boyfriend mo kasama ang current girlfriend niya?"

"Shit! Shit!" palihim na sabi ni Sydney nang makita kung sino ang makakasalubong niya. Si Paolo iyon at ang girl friend nito—na ngayon pa lang niya talaga makikita.

Kay Ferelli lang din niya nabalitaan ang tungkol sa pagkakaroon ni Paolo ng kapalit niya. At sa description ng bading na iyon ay hamak na maganda sa kanya ang babae, pang-beauty queen ang tindig at tila pinagsamang Araneta at Zobel de Ayala ang ganda ng kutis.

Well, tugmang-tugma ang description na iyon sa nakikita niyang kasama ni Paolo na ka-holding hands pa mandin ng binata.

Hindi man nais ni Sydney ay kagyat na gumapang sa dibdib niya ang insekyuridad. Confident siya sa sarili niya na maganda siya pero aminado siyang hamak ang kagandahan ng babaeng kasama ngayon ni Paolo.

And boy, that woman spell elegance and class. Habang papalapit ang distansya nila sa bawat isa ay lalo niyang napapagmasdan ang kabuuan nito. At bagaman masakit tanggapin, nagpapasalamat na rin siya na oblivious ang dalawa sa isa't isa kaya nasa kanya ang buong pagkakataon na pagmasdan pa ang babae.

She wished she was also wearing her designer clothes. Praktikal siyang tao pero hindi ibig sabihin na pawang sa tiangge at ukay-ukay galing ang kanyang mga damit. May mga pagkakataon din na isinasantabi niya ang praktikalidad at binibigyan ang sarili na makatikim ng luho.

After all, she deserved it and can afford it.

Pero sabihin man niyang mayroon siyang isang simpleng T-shirt pero may tatak at ang presyo ay mas mahal pa sa isang kinsenas na suweldo ng pangkaraniwang manggagawa, balewala iyon ngayon.

Pakiramdam ni Sydney ay taga-bitbit lang siya ng mamahalin ding tsinelas ng babaeng iyon. All right, she was wearing her favorite Guess jeans. Pero ang pang-itaas na suot niya ay isang Lycra tank top na freebie lang sa binili niyang designer bra. At hindi kalabisang sabihin na mas mahal pa ang suot niyang underwear kaysa sa pang-itaas na iyon!

Ang katwiran niya kasi ay si Ferelli lang naman ang ka-date niya. At wala siyang popormahan. Ngayon ay nagsisisi siya. She wished she had worn her DKNY black top—para naman maski paano ay may panlaban siya sa babaeng walang iniwan sa isang walking signature labels.

Mientras lumalapit ang distansya ni Sydney sa dalawa ay lalo siyang hindi mapakali. Hindi niya alam kung matutuwa siya o maiinis dahil hindi pa rin siya napapansin ng dalawa.

Bigla ay tumunog ang cellphone niya. Doon nabaling ang kanyang atensyon. Si Jenna ang tumatawag, ang wedding planner na contact niya sa mga singing stint sa kasalan siyempre pa.

"Where are you, Syd?" tanong agad nito.

"Dito sa Megamall, bakit?"

"May client ako, the wedding is set two Saturdays from now. Puwede ka ba? Alas sais ang kasal."

"Madalian yata iyan," sagot niya. Sanay siyang dalawa o tatlong buwan ang pinakamaikling preparasyon ng isang kasalan.

"Civil ceremony lang ito. Ang guests ay immediate family members at close friends. Sa isang hotel suite gaganapin ang reception, an intimate dinner. Actually, kinontak lang ako for a wedding singer. Ikaw lang ang kikita sa kasalang ito," pabiro pang dugtong ni Jenna.

"Talaga?" aniya na ang iniisip ay ang schedule niya sa naturang araw. Hindi naman puno ang commitment niya kaya walang masama na tanggapin niya iyon.

"Business associate ni Jaime ang kapatid ng bride, Syd. Since aware sila na wedding planner ako, ako na ang tinanong nila kung puwede ang wedding singer ng Perfect Wedding. Gusto kasi nila ng kaunting entertainment sa reception."

"Puwede ako for that date," sabi niya agad. "Ilang set ng kanta? Saka may request ba silang mga kanta?"

"Walang problema sa rate mo, Syd," sagot ni Jenna palibhasa ay alam nito na per set ng kanta ang bayad sa kanya. "Anything goes ang mga kanta pero tatawagan ko sila uli dahil baka nga may request sila. At huwag mong isnabin ito, Sydney. Hindi komo nasa labinglima hanggang dalawampu ang makikinig sa iyo ay babaratin ka na."

Napatawa siya. "Hindi rin naman ako mahirap kausap pagdating sa bayad. I can even sing for free pero siyempre kung willing silang magbayad at magbigay pa ng tip, bakit naman ako tatanggi?"

"At bakit nga?" ayon naman ni Jenna. "Nabubulag ang tumatanggi sa grasya. So, okay na?"

"Okay na. Ilalagay ko na sa appointment book ko. Sabihin mo na lang sa akin kung saang hotel ako pupunta at kung sino ang imi-meet ko doon."

"Oakwood Hotel. Look for Ivan dela Fuente. Siya kung kapatid ng bride. Siya rin ang busy sa maliliit na details ng kasal. I think, isa sa mga sorpresa niya sa ikakasal ay ang pagkuha sa iyo. The couple insists on having the civil ceremony and that's it. Pero malandi si Ivan. Imbyerna na siya sa civil wedding dahil kayang-kaya naman daw sana ang bonggang kasalan, at mas lalong hindi siya makakapayag na basta pirmahan lang ng papeles ay tapos na that's why he wanted to hire a wedding singer, at least."

"Malandi? imbyerna? Don't tell me, malambot si Ivan? Paano siya naka-deal ng asawa mo? Straight business ang forte ni Jaime, di ba?"

"Ivan's a proud member of the Philippine Gay Society. At huwag mong pagdudahan si Jaime. Pumasok si Jaime sa intimate apparel business na for export. Si Ivan ang in-house designer at business partner na rin niya."

"Napaka-defensive naman sa asawa," tudyo niya. "All right, tell that Ivan that I'll be coming. Mas maganda kung itatawag niya iyong mga kantang gusto nila para naman mapaghandaan kong mabuti."

"Okay." At nagpaalam na si Jenna.

Nang i-off ni Sydney ang cellphone, napansin niyang lagpas na siya sa puwesto ng Dulcinea sa bridge na nagdudugtong sa dalawang building ng mall. At noon lang din niya naalala sina Paolo at ang recent girlfriend nito.

Luminga siya sa pinanggalingan niya. Hindi na niya matanaw ang dalawa. Marahil ay pumasok na sa isang kainan o dili naman kaya ay sa isang boutique.

Isang paghinga ang pinakawalan niya. Hindi niya matiyak sa sarili kung manghihinayang siya. Bagaman hindi pa rin niya alam kung ano ang ikikilos sa sandaling magtagpo ang kanilang mga mata ni Paolo, batid niya sa sariling gusto pa rin niyang ipadama dito ang kanyang presenya. At hindi man siya kasing-ganda ng babaeng iyon, wala naman iyong laban pagdating sa tagal ng relasyon ang pag-uusapan.

Walong taon ang inabot ng relasyon nila ni Paolo—puwera pa roon ang ilang buwang pinagsamahan nila ni Paolo bilang magkaibigan at magkabanda. Samantalang ang babaeng iyon, sabihin nang buhat ng araw na maghiwalay sila ni Paolo ay nakarelasyon na ito, tatlong buwan lang iyon.

Eight years against three months, di-hamak na mas kilala nila ni Paolo ang isa't isa kaysa ito at ang babaeng iyon.

Pero kitang-kita rin niya kung gaano ka-sweet sa isa't isa ang dalawa.

Napailing siya. Masakit iyong tanggapin pero siya mismo ang nakakita.

Of course, dahil tatlong buwan pa lang sila, tila katwiran pa niya sa sarili. Kami nga noon, halos dalawang taon nang mag-on, oblivious pa rin sa isa't isa.

Minsan pa siyang bumuntong-hininga pero ngayon ay mas dama niya ang sakit at paninibugho. Hindi naman niya magawang sisihin ang sarili sa nararamdaman dahil aminado naman siyang kaya nga siya hindi pa nakaka-move on ay dahil mahal pa rin niya ang binata.

- itutuloy -

WEDDING GIRLS 20 - SydneyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon