"I'M MAKING progress," nakangiting sabi ni Sydney sa sarili niyang repleksyon sa harap ng salamin.
Isang semi-formal dress ang suot niya. Simple lang ang tabas niyon pero alam niya na-emphasize niyon ang best assest niya—ang kanyang dibdib. Hindi niya gustong nakahantad palagi ang kanyang cleavage na para bagang ibinebenta niya ang kanyang sarili. Sa halip pumipili siya ng mga tabas ng damit na hindi man niya ihantad ang kanyang dibdib ay alam niyang magiging magandang-magandan pa rin siya.
Tinernuhan niya ng bag at sapatos ang deep green dress. Subdued ang kanyang make-up. Gumamit lang siya ng bahagyang matingkad na lisptick dahil alam niya, kapag kumakanta siya, bukod sa katawan niya ay ang buka ng mga labi niya ang pinapansin ng nanonood sa kanya.
Nagwisik siya ng paborito niyang pabango at pinagmasdang muli ang sarili.
Simple pa rin kung tutuusin ang dating niya pero malaki na ang ipinag-iba niya sa loob ng dalawang linggo. Buhat nang manggaling sila ni Ferelli sa salon at nagpa-facial pa siya, ipinangako niya sa sarili na sisikapin niyang makapag-move on.
Mahirap dahil tuwing gigising siya ay si Paolo ang unang pumapasok sa isip niya. Pero nilabanan niya iyon. Tuwing sasagi si paolo sa isip niya ay agad niyang ipinapaalala sa sarili na pinagpalit na siya ng binata.
She improved herself. Nagpaganda siya subalit higit sa pisikal ay nagbasa siya ng self-help book at nag-yoga. Malaki raw ang benepisyo ng yoga sa may mabigat na dinadala sa dibdib kaya sinubukan niya. At pakiramdam ni Sydney ay nagtagumpay naman siya.
Kahit pumapasok pa rin ngayon sa isip niya si Paolo ay mas may puwersa ang isang bahagi ng utak niya na nagdidiktang kalimutan na niya ang binata at harapin ang bawat bukas na mas positibo ang pananaw.
Ngunit hindi rin niya maitatanggi na sa puso niya ay dama pa rin niya ang labis na pagtutol. Of course, dahil puso niya ang nagmamahal kay Paolo.
Pero mas pinaiiral na niya ngayon ang kanyang isip. At naniniwala siyang palakasin pa niya ang puwersa ng kanyang isip ay magtatagumpay din siyang ganap nang makalimutan ang binata.
Minsan pa ay hinagod niya ng tingin ang kanyang kabuuan. Isang ngiti ang ginawa niya bago dinampot ang bag at umalis na.
Ngayon ang gabi kung saan kakanta siya sa intimate dinner ng isang bagong kasal sa Oakwood Hotel.
MANGILAN-NGILAN ang tao sa lobby ng hotel nang dumating si Sydney. Habang iniinspeksyon ng guwardiya ang kanyang bag ay lumilinga siya sa hotel. Naghahanap siya ng lalaking malambot. Wala siyang nakita kaya ang makalagpas sa guwardiya ay deretso na ang kanyang hakbang sa reception desk.
Noon naman niya napansing umibis ng elevator ang isang lalaking tugma sa hinahanap niya. Halata ngang malambot subalit desente ang bihis at kagalang-galang. Lalapitan na ito ni Sydney nang matawag ng iba ang pansin nito sa iba.
"Missy, sister! Mabuti at dumating ka na. Congratulations!"
Napatda si Sydney sa kinatatayuan. Ang babaeng binati at hinalikan pa nito sa pisngi ay dili iba't ang babaeng kasama ni Paolo sa Megamall at alam niyang girlfriend nito. She was wearing an off-white knee-length dress. Tila ito isang kandidata sa pagkakatindig. At higit doon ay iba ang aliwalas na makikita sa buong mukha nito.
She looked so in love, Sydney thought painfully.
"Ako lang ba ang babatiin mo?" sagot naman ng babae. "Thanks, anyway, Ivan."
BINABASA MO ANG
WEDDING GIRLS 20 - Sydney
RomanceWG Sydney - The Singer Walong taon na ang relasyon nina Paolo at Sydney. Napakatagal na niyon kumpara sa mga relasyon ng iba na hindi nagtatagal at nauuwi lang sa hiwalayan. Kaya ang mauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon ay hindi inaasahan ni Syd...