"HUWAG mong dutdutin lang ng tinidor iyang pasta, Sydney. Kukutusan na kita, makita mo," mahina ngunit nagtataray na sabi sa kanya ni Ferelli. "Aba, luminga-linga ka lang sa bangketa at makikita mong maraming gutom na mamamayan. Ikaw naman, gaganyanin mo lang iyan? Mahal iyan. Ang magiging bill natin dito, katumbas na ng pang-grocery ko sa isang linggo. Magpasalamat ka nga at binawi ko na ang sinabi kong KKB tayo. Treat ko iyan sa iyo. Kainin mo," wika nito na tila nakalimutang huminga sa haba ng sinabi.
"Then thanks," tipid na sabi ni Sydney at ngumiti. Habang umoorder sila kanina ay nabanggit na niya sa kaibigan na nakita niya si Paolo at ang ipinalit nito sa kanya.
"Sarcastic," irap nito sa kanya.
Ibinaba niya ang hawak na tinidor at uminom ng fruit shake. "Ferelli, please understand me. Sa nangyari sa akin, sino ba naman ang magkakaganang kumain?"
Mas matalim ang irap na ipinukol nito sa kanya. "Hindi mo ine-expect na makasalubong dito sa mall si Paolo. Ine-expect mo na kakain tayo dito. So mas maganda kung excited ka sa talagang date natin. At pinakamagandang excited kang kumain. Hala, kain," tila nanay na sabi nito sa tamilmil na anak. "Ubusin mo iyan at ipagte-take out pa kita ng churros con chocolate."
"Inuuto mo ako," aniya.
"Batukan na kaya kita? Generous ako ngayon, iyan ang isipin mo. Burahin mo na sa memorya mo iyang Paolo na iyan. Pinalitan ka na niya. Di ba nga, nakita mo na ngayon ang pruweba? Hindi ka na niya love."
Lumabi siya. "Ang brutal mo namang magsalita."
"Brutal kayang magsabi ng totoo?" sabi nitong inarko ang ahit na kilay at saka sumubo ng steak. "Dalian mong kumain. Mag-shopping tayo."
"Wala akong budget," mabilis na sabi niya.
"Nagkukuripot ka na naman. Puwes kung ayaw mong mag-shopping, mag-window shopping ka na lang. basta ako, bibili kung ano ang magustuhan ko."
Hindi siya kumibo at ibinaling ang atensyon sa pagkain niya. Hindi iyon ang unang pagkakataon na kakain siya doon. Alam niyang masarap ang pagkain doon pero dala ng emosyon ay walang dating sa kanya ang pagkain. Mayamaya ay hindi rin niya napilit ang sarili at ibinaba na uli ang tinidor.
"Don't tell me, iiyak ka diyan?" madilat ang mga matang dukwang sa kanya ni Ferelli. "Tumigil ka ng kadramahan, Sydney. Face the truth. Nagkahiwalay na kayo ni paolo. May iba na siya ngayon. Ganoon talaga ang buhay. Kung ikaw naman ang naunang nagkaroon ng karelasyon, di baka si Paolo naman ang nagdudusa. Parang gulong lang ang buhay. As in, gulong ng palaaaad..." at sinabakan pa nito ng kanta ang huling pangungusap.
Pero hindi nagawang matawa ni Sydney. Hindi na siya makapagpigil pa ng emosyon at suminghot na.
"I still love him, Ferelli," hikbi niya.
"Sorry ka na lang, girl. Obviously, hindi ka na mahal ni Paolo. Nakita mo nga't may kapalit ka na, eh."
"Ipinagdidiinan mo pa, eh, ang sakit-sakit na nga!" maktol niya.
"Aba, itinatanim ko po kasi sa kukuto mo at baka sakaling mamulat ka na sa katotohanan, 'no? Sa totoo lang, masakit na throat ko sa kasasabi sa iyo niyan. Ewan ko ba naman, nabingi ka na yata."
"Kung magsalita ka, napaka-insenseitive mo. Para bang hindi mo pa naranasang ma-in love at mabigo."
"Hoooy! Na-in love na nga ako at nabigo at na-in love at nabigo and so on and so forth kaya nga marunong na ako ngayon na mag-move on. Ikaw kasi, mahigit pa sa kalahati ng buhay mo ay ibinigay mo sa Paolo na iyan kaya tingnan mo angs arili mo ngayon? Hirap na hirap ang beauty mo, girl. Mukha ka nang pindangga." Hinawakan nito ang buhok niya na parang sinalat iyon. "I have an idea, Syd. Kaysa pinipilit mong bumaha ng luha dito, magpa-parlor na lang tayo. Dry ang buhok mo. Ipa-hot oil mo o dili kaya'y hair spa. Come on, treat ko uli."
"Sinusuhulan mo ako."
"Gagah! Generous lang ako sa iyo para naman maibsan nang kaunti iyang hinagpis mo." Kinambatan nito ang waiter at inilapag na sa mesa ang credit card. Mabilis naman silang nakabayad. "Ano, tara na?"
Dahil tumayo na si Ferelli ay wala siyang nagawa kundi ang tumayo na rin. Paglabas nila ng restaurant ay nakita niyang palabas din sa kabilang restaurant si paolo at ang babae. Parang namanhid ang paa niya.
"Ferelli, ayun sila," tila sumbong niya sa kaibigan.
Dumako sa direksyon itinuro niya ang tingin ng bakla. Tiningnan nito mula ulo hanggang paa ang kasama ni Paolo bago bumaling sa kanya.
"Sorry, girl, pero mas maganda nga siya sa iyo," prangkang sabi nito.
Nanulis naman ang nguso niya at namasa na naman ang mga mata.
"Huwag kang iiyak!" saway sa kanya nito. "Iyan, iyak ka kasi nang iyak kaya mukha ka nang palaka. Maga na ang mata mo, in case you don't know. Samantalang ang Missy dela Fuente na iyon, ang ganda-ganda-ganda!"
"Laitin mo pa ako. Akala ko pa naman tunay kang kaibigan," masama ang loob na sabi niya. Nagsimula siyang humakbang at nilagpasan si Ferelli. Nakayuko siya upang hindi na mapansin ng parehang iyon.
"Tunay akong kaibigan kaya hindi kita inuuto," habol sa kanya ni Ferelli. "Look, they are happy. Ikaw naman, pasan mo ang mundo. Affected na affected ka samantalang wala naman silang kiber sa iyo. It's about time you focus on yourself, Sydney. Huwag mo nang isipin ang Paolo na iyan. Hindi ka na niya iniisip. May iba na siya."
"Walong taon kami, Ferelli," aniyang napapiyok pa.
"Kahit ba dalawang dekada ang abutin ninyo kugn magkakahiwalay kayo, eh, di iyon ang mangyayari. Mag-move on ka na, utang-na-loob!"
Lumunok siya at mabilis na pinahid ang luha. "Mag-CR muna tayo. Maghihilamos ako."
Umaliwalas ang mukha ni Ferelli. "Nice to hear that. Request lang, ha? Mag-make up nang kaunti pagkatapos. Magpaganda ka dahil talaga namang maganda ka."
"Pero mas maganda ang babaeng iyon," pasakit-bukid niya.
"Magkaiba kayo ng ganda pero pareho kayong maganda. Sosi siya, simple ka. Ganoon lang iyon."
Pero dahil kinakain na ng insecurity ang dibdib niya, pakiramdam niya ay pakunswelo lang ni Ferelli sa kanya iyon.
"Ililibre mo ba akong talaga sa salon?" tanong niya.
Gumuhit ang isang ngiti sa mga labi nito. "OO pero promise mo sa akin, you'll move on."
"I'll try my best."
"No, Syd. Do your best."
- itutuloy -
BINABASA MO ANG
WEDDING GIRLS 20 - Sydney
RomansaWG Sydney - The Singer Walong taon na ang relasyon nina Paolo at Sydney. Napakatagal na niyon kumpara sa mga relasyon ng iba na hindi nagtatagal at nauuwi lang sa hiwalayan. Kaya ang mauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon ay hindi inaasahan ni Syd...