Baka Sakali

27 2 0
                                    

Sa masikip at maliit na espasyo 

kay layo pa rin ng distansya, salungat sa magkadikit nating mga braso. 

Ang pinagtagpi-tagping litrato 

sa mga mata'y saya't lungkot na pinaghalo. 


Sa bawat sulyap at palihim na pag-angat ng iyong mga labi, 

magkakatinginan ngunit mayroong maiiwang bakas ng pagsisisi. 

Sa pag-abot ng iyong kamay sa aking mukha, 

sa pagbitaw ay may nagbabadyang mga luha. 


Hindi lamang siguro maagap na napagtanto, 

kailan ma'y 'di sumagi sa isip na mundo ko'y sandaliang humihinto 

kahit sa simpleng tinig mo na aking maririnig, 

at ang puso mong tila'y lito. 


Marami mang bumabagabag sa isipan, 

nagbabaka sakaling sa tamang panahon ay mahanap ang sarili sa kalawakan, 

mabigyang depenisyon ang katanungang 'di mapagtanto ang kasagutan 

sa kabila ng magkaibang landas na kailan ma'y 'di maiwasan. 


Tatanungin ang sarili, "Huli na ba ang lahat?" 

Kailan pa nga ba mahihigitan, o kung maaari mang maging sapat 

ang inaasahang kadahilanan 

sa mga pag aalinlangang idinidiin at ipinagpipilitan? 


Maghilom man ang mga sugat, 

ihagis man ang iyong larawan sa gitna ng rumaragasang dagat, 

nais ko pa ring masiguro't malaman 

kung ano nga ba ang nilalaman ng iyong isipan. 


Sa pag angat ng ulo't pagmangha sa mga tala, 

patuloy aagos ang pinipigilang mga luha,

at itatanong sa repleksyon ng langit 

ang mga hindi masagot na "Bakit?"


Tatawirin ang marahas na alon ng tubig, 

pakikinggan ang damdamin at ang kabig ng dibdib, 

aalalahanin ang mga katagang binitawan mo sa akin, 

at pipiliting sagipin ang sarili sa nakasisilaw na dilim. 


Dahil sa oras ng iyong pag amin, 

anuman ang sambitin mo'y aking buong pusong tatanggapin. 

Palalayain ang sarili at hahayaang ikaw ang tuluyang pumili 

ng wakas ng aking patuloy na pagbabaka sakali.

Compilation of Poems (English & Tagalog)Where stories live. Discover now