Broken Trust and Broken Heart

322 8 5
                                    

Chapter 1 : Broken Trust and Broken Heart

Bumaba ako ng sasakyan suot ang puting damit na pinapangarap maisuot ng bawat kababaihan. Bumukas ang pinto ng kapilya at nakangiting sinalubong ako ng aking Ama. Noong lubos na siyang nakalapit sa akin ay saka ko napansin ang luhang umaagos mula sa kaniyang mata.

Hinalikan niya ako sa noo sabay sabing, "Anak, mag-iingat ka lagi. Huwag mong pababayaan ang sarili mo."

Gusto ko ring umiyak ngunit pinigil ko ang sarili ko. Hindi pa kasi nagsisimula ang kasal baka masira na agad ang make up ko. Ayokong maging pangit sa paningin ng mapapangasawa ko sa napakaespesyal na araw na ito. Kaya isang napakatamis na ngiti na lang ang itinugon ko sa sinabi ng aking Ama saka ako tumango. Kinuha ni Papa ang kaliwang kamay ko at ikinawit sa braso niya.

Nagsimulang tumugtog ang keyboard. Bawat bahagi ng piyesang tinutugtog ay tumatagos sa puso ko. At sa pagkakataong ito, libo-libong paruparo ang nagliliparan sa tiyan ko. Isa-isang lumakad ang mga abay, hanggang sa ako na lang at si Papa ang naiwan sa likod.

Heto na. Heto na iyong sinasabi doon sa napanood kong pelikula. Iyong pinakamagandang bahagi ng seremonya kung saan naglalakad ang babaeng ikakasal patungo sa kaniyang mapapangasawa. Lahat ng taong naroroon ay nakangiti habang nakatingin sa pinakamagandang babae sa pagkakataong iyon. Pero ang kaniyang paningin ay nakatutok lang sa iisang tao. Doon sa taong matamang naghihintay upang makasama siya sa habang buhay. At mula sa kinalulugaran kong ito ngayon, natatanaw ko ang taong iyon. Ang taong makakasama ko hanggang sa huling sandali ng buhay ko. Si Mario "Marqui" Quirino, isang cardiologist. Pero ibinigay ko ang puso ko hindi sa isang doktor sa puso kundi sa isang taong may napakalaking puso na punong-puno ng pagmamahal sa mga pasyente niya, kaibigan, pamilya, sa akin at lalong higit sa Maykapal.

Unti-unti na kaming lumalapit sa kaniya. At habang papalapit na kami nang papalapit ay unti-unti ko ring nakikita ang malungkot niyang mukha. Bakit? Anong problema? Bakit hindi siya masaya? Ayaw niya bang matuloy ang kasal namin? Biglang nabalot ng takot ang puso ko.

Noong nasa harapan ko na siya ay nakapagtatakang ibang lalaki ang kinakamayan ni Papa. Isang lalaking walang mukha. Sa kaniya inabot ni Papa ang kamay ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ako pumalag at sumama pa rin ako sa lalaking iyon. Pero hindi ko maalis ang tingin ko kay Marqui. Nakayuko siya habang nakakuyom ang mga palad. Gusto kong bumalik upang yakapin siya. Ngunit mahigpit ang hawak ng lalaking walang mukha sa kamay ko kaya hindi ko magawang kumawala. Naiiyak ako. Naguguluhan. Ano ba talagang nangyayari?

"Marqui... Marqui..." sinubukan kong tawagin ang pangalan niya pero walang lumalabas na tinig mula sa mga labi ko.

Itinaas ko pa ang malayang kamay ko na tila ba inaabot ko siya. Nakita kong itinaas din ni Marqui ang kanang kamay niya at tulad ng ginawa ko ay narinig kong tinawag niya din ako pero laking gulat ko ng ibang boses ang lumabas mula sa mga labi niya, "PS... PS..."

Pangbabaeng boses iyon. Teka... parang kilala ko kung kaninong boses iyon.

"PS... Princess Shaine Alvarez! Gumising ka! PS, Giseeeng!"

Ano raw?! Giseng? W-wait... Boses ba yun ni....

"Hoy Babae! Gising na!"

Pagkatapos noon ay may naramdaman akong malakas na tapik sa braso ko na nagpagising ng diwa ko. Napabalikwas ako ng bangon sa kama at tumambad sa akin ang isang babaeng nakataas ang isang kilay.

"Syra?!"

"The one and only. Anong drama iyon? Ano bida lang sa teleserye? may tinatawag na pangalan habang nananaginip? Tapos babalikwas ng bangon, pawisan at hinahapo and then cut! Good take-aww!" sabi ng bruhang babaeng nasa harapan ko with matching demonstration pa ng mga pinagsasasabi niya pero 'di ko na pinatapos at binato ko na ng unan para manahimik.

P.S. I Love You! (Kuwentong Pag-Ibig ng Babaeng Bakla)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon