March 26, 2005 . . .
Tulala si Novel habang nakatingin sa kabaong na sisimulan ng ilibing. Ang kabaong kung saan naroon ang katawan ni Nanay Linda. Namatay ito dahil sa brain tumor. Habang nakatingin dito ay hindi tumitigil ang pagtakas ng butil ng mga luha sa kaniyang mata. Naninikip ang dibdib niya’t pakiramdam ay hindi na makahinga nang maayos. Parang tinutusok ng bilyong karayom ang puso niya at anumang sandali ay mawawalan na siya ng buhay.
Habang nasasaktang nakatingin sa kabaong na ngayo’y tinatabunan na ng lupa, bumabalik sa kaniyang alaala ang sinabi sa kaniya bago pa nangyaring malaman nilang may brain tumor ito. Hindi niya matanggap ang pagkamatay ni Nanay Linda ngunit mas ‘di niya matanggap sa sarili na ngayon pa ililibing ito sa mismong ikalabing walong kaarawan niya.
Matapos ang libing ay wala na rin siyang balak bumalik pa sa tahanan g adopted parents. Hindi niya na kayang manatili pa sa puder ng mga kinilalang magulang na demonyong anak ang turing sa kaniya. Kapalit din kasi ng hiningi niyang pabor na ipagamot sana at ngayo’y bigyan ng maayos na libing si Nanay Linda dahil wala na rin itong pamilya, ay ang pag-alis niya na at pagputol ng komunikasyon sa mga ‘to.
Naiwang luhaan si Novel sa puntod ngayon ni Nanay Linda habang umuulan nang malakas at mag-isa na lamang siya. Nais sana siyang samahan ni Aling Mina subalit agad itong pinasakay sa van ng tinuring na ama na si Limyel. Wala siyang magagawa, siya mismo ang nanghamon na iyon ang kapalit ng hiling niya para kay Nanay Linda. Sa bawat sandali, naaalala ni Novel nang paulit-ulit ang masakit na katotohanan.
“Nanay Linda, matagal ko na pong pinag-isipan ito. Ngayong narito muli ako sa mansion, bago po sana ako bumalik bukas sa dorm ko ay nais kong malaman ang ibig niyong sabihin. Iyong tungkol po roon nang ikalabing pitong kaarawan ko. Pakiusap, nais ko na pong malaman!” Nagmamakaawang ani ni Novel habang nasa kuwarto niya sila. Tulog na ang mga tao sa oras na iyon at malapit na rin ang hating gabi.
“Handa ka na ba talaga marinig ang buong katotohanan tungkol sa iyo?” tanong ni Nanay Linda na may paninigurado. Huminga nang malalim si Novel at dahan-dahang tumango bilang tugon.
“Oh siya, sisimulan ko na ang pag-kuwento. Maliit ka pa lamang noon, dalawang taon ka. Nagsimula iyon ng nasa labas ako, nagdidilig sa may hardin. May naririnig akong nakakaawang batang umiiyak at paulit-ulit na hinahanap ang kaniyang ina. Palagay ko ay malapit lang o nasa tapat lang ng tahanan at tama nga ako. Dahil pagbukas ko ng tarangkahan ay nakita kita. Iyak ka nang iyak at mayroong bag sa may tabi mo kung saan naroon ang iilang mga gamit.
Nakita ka rin ni Madam Inna noon. Pinapasok ka niya sa bahay at nakatulog ka. Nagdesisyon sila Madam Inna na ikaw ay kupkupin kapag hindi nahanap ang mga magulang mo at iyon nga ang nangyari. Kinailangan ka ring ipa-theraphy noon bago bumalik ang sigla mo. Hanggang ayon, nangyari na ang paulit-ulit na sinasabi sa iyo nila Madam Inna. Sinisisi sa iyo ang lahat at ‘di man lang napagtanto ang kanila ring kapabayaan o ng iba pa. Simula noon ay pinapatapon lahat nila ang bagay na nakita sa bag. Nilalaman n’on ang larawan ng iyong ina at larawan mo kung saan nakalagay ang iyong kaarawan mo. Ang bracelet na maliit na may pangalan mo ay nakita rin namin nang araw na ‘yon. Walang pangalan ng ina mo na nakalagay sa larawan niya. Sa tingin ko’y nagpa-imbestiga naman sila Madam subalit kulang ang impormasyong nakalap,” mahabang kuwento nito. Pagkatapos ay may nilabas itong isang bag.
“Ito ang bag na tinutukoy ko. May tatlong damit mo lang na nakalagay diyan at nariyan na rin ang larawan. Itago mo ito at huwag ipapakita sa iba lalo na ang alam nila’y tinapon ko na talaga ito. Hiling kong sana ay matagpuan at magkaayos kayo ng mga magulang mo balang araw,” dagdag pa ni Nanay Linda.
Walang mailabas na kataga si Novel sa kaniyang bibig. Tila nagkaroon ng zipper ang bibig at nakasara iyon. Nakatitig lamang siya sa mga gamit na pinakita ni Nanay Linda. Nanginginig ang kamay niya habang unti-unting hinahawakan ang mga damit pambata. Sumunod ay natagpuan niya nga ang litrato.
Halo-halong emosyon ang nadama niya matapos makita ito. Nakaramdam siya ng tuwa matapos makita ang larawan ng ina ngunit mas nag-uumapaw ang galit sa katotohanang iniwan siya nito. Napapaisip siya, kung ‘di siguro siya iniwan ng ina basta-basta ay masaya siyang kapiling ito at hindi mararanasan ang mga mapapait niyang karanasan sa buhay.
Kaagad na binalik ni Novel ang mga laman ng maliit na bag at sinama na rin doon ang bracelets. Wala pa rin siyang masabi. Ang tanging nagawa ay umiyak nang umiyak habang nakayakap kay Nanay Linda.
“Malalagpasan mo rin ang lahat, ‘nak. Naniniwala ako roon. Magiging matagumpay ka ring manunulat balang araw. Huwag kang susuko na tuparin ang mga pangarap mo. Sapagkat kung ikaw ay susuko, ikaw rin ang talo. Subok lang nang subok! Laban lang nang laban! Darating din ang araw na tatawanan mo na lang ang mapapait mong alaala dahil nalagpasan mo ito,” wika ni Nanay Linda na nagpagaan kahit paano sa kaniyang nadarama.
“Salamat po Nanay Linda sa lahat-lahat! Hindi ko po malilimutan ang mga ginawa niyo para sa akin. Sana po ay masaya ka na kung nasaan ka man. Gabayan niyo po ako ngayon, l-lalo na mamumuhay na t-talaga akong mag-isa. Mahal ko po k-kayo . . .”
March 26, 2007 . . .
“Maligayang kaarawan sa sarili ko. Sana’y matupad ko rin ang mga pangarap ko balang araw,” hiling ni Novel at ipinikit ang mga mata.

BINABASA MO ANG
W SERIES ONE: FALLING IN LOVE WITH ISMAEL SMITH
RomanceMas naranasan ni Novel ang hirap ng buhay nang mamuhay na siyang mag-isa sa edad na 18. Subalit, para sa kaniya mas ayos na iyon kaysa manatili sa adoptive parents niya. Lagi siyang sinusumbatan ng ina-inahan sa pangyayaring 'di niya naman din ginus...