41

1.5K 47 2
                                    


Dhalses Casnia Sien

Lumipas ang maghapon, ang araw na pinakainaasam ko noon ay nangyari. Maghapon kaming nagkwentuhan ng mga kapatid ko. Ramdam na ramdam ko na parte ako ng pamilya ng mga oras na iyon. Ang saya lang. Muntik pa naming makalikdaan ang pagkain ng tanghalian dahil sa masarap na kwentuhan, kung hindi lang kami pinaalahanan ni Archelues ay hindi na namin maiisip na tumigil sa pag-uusap. Tawa lang kami nang tawa. Nakakataba ng puso ang mga nangyari. Sana maulit pa ito.

Nang maghapon, napagdesisyonan naming maligo sa ilog. Parte iyon ng aming lupain kaya maaari akong maligo. Hindi kami mahuhuli ng mga kawal.

Ang masarap na tunog ng pag-agos ng tubig ang nagsilbing musika sa paligid. Sabayan pa ng ilang tunog ng ibon at minsanang paglakas ng hangin at paghapansan ng ilang sanga ng puno sa isa't-isa.

"Asnia! Salo!" nabigla ako sa biglang sigaw ni Ate Dren. Nang lingunin siya ay isang papalapit na bola ang papunta sa direksyon ko.

Hindi ko iyon inasahan kaya sapol ako sa mukha. Sa lakas ng pagkakatama sa aking mukha ay natumba ako sa tubig. Hanggang dibdib lang sa pwesto ko kaya hindi ako malulunod pero dahil medyo nahilo ako ay hindi ako agad nakaalis sa tubig. Nahilo ako.

"Asnia! Anong ginawa mo, Dren!" sigaw iyon ni Ate Desna.

Naglalaro kami ng pasahan ng bola sa tubig. Medyo mabigat ang bola at dahil sa mabilis na pag-agos ng tubig kaya nakakasabik ang laro ito. Hindi madali kaya masaya.

Naramdaman ko ang pagpulupot ng matigas na braso sa aking baywang. Kumabog ang dibdib ko. Ang mga insekto sa aking tiyan ay nagwala nang makilala kung sino ang nangahas na hawakan ang aking baywang. Kahit medyo hilo ay nakita ko kung sino ito. Si Archelues.

Dahil sa linaw ng tubig ay kitang-kita ang kaniyang mukha. Ang malambot niyang buhok ay lumulutang. Ang normal na madilim na mata ay puno ng pag-aalala kaya ngumiti ako.

Mas humigpit ang kapit niya sa aking baywang at bahagyang napailing bago ako inangat.

Mabilis kong pinuno ng hangin ang aking baga nang makaahon. Ang aking mga kapatid ay nag-aalalang nakatingin sa akin.

"Tsk. Isa pa, Dhalses. Nakakailan ka na." mariin niyang sabi bago lumuwag ang pagkakapulupot ng kaniyang matigas na braso sa aking baywang. Ang kabog sa aking dibdib ay hindi na kumalma dahil sa aming paglalapit. "Palagi na lang akong pinag-aalala." matigas niyang bulong habang palayo sa akin.

Napanguso ako para pigilan ang pagngiti habang nakasunod ang tingin ko sa kaniyang malapad na likod. Nakakahiya sa mga kapatid ko kung makikita nilang akong nangingiti dahil kay Archelues.

Dahil basa siya ay kumapit sa kaniyang katawan ang suot na damit, mas kita ko ngayon ay lapad ng kaniyang likod. Simpleng damit lang ang kaniyang suot, bakat doon ang kaniyang mga masel sa likod. Lihim akong napalunok. Lahat na lang ba ng katangian ni Archelues ay walang mali? Para bang lahat ay perpekto. Bakit gano'n? Hindi patas sa ibang tao.

"Baka matunaw." bulong ni Ate Dash sa aking tainga. Nagulat ako roon. Hindi ko man lang napansing nakalapit na siya.

Napasimangot ako kunwari pero ang totoo ay pigil na pigil ang ngiti ko.

"Dalaga na talaga." rinig kong sabi ni Ate Desna habang umiiling pero natatawa.

Nangunot ang noo ko. Nangibabaw ang tawa ni Ate Dren doon na sinundan ni Ate Dash. Hindi ko sila maintindihan. Mabilis nawala si Archelues sa paningin ko.

"Bilis ng araw. Tapos tayo, wala man lang." natatawang sabi ni Ate Dash.

"Ikaw lang. Me'ron ako, 'no! Anak ng Heneral!" si Ate Dren. May pagmamalaki sa boses niya.

Newszealz Academy: Mirror of TruthTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon