Martes.
Tumunog ang alarm mo cellphone. Pinatay mo ito at tumingin sa oras. Alas otso na. Wala kang klase sa una at pangalawa mong subjects ngayon dahil makikipaglibing kayo sa namatay na ina ng inyong prof. Balak mo sanang hinding pumunta pero isa siya sa mga guro na hindi mo malilimutan dahil handa siyang pakinggan ka sa mga hinaing mo sa buhay.
Bumangon ka, nagtungo sa kusina, at nagtimpla ng kape. Binuksan mo ang telebisyon upang hindi pumailanlang ang katahimikan. Mag-isa ka lamang sa bahay dahil namalengke ang iyong nanay. Kumakain ka ng agahan habang nagbabasa ng kung anu-ano sa Facebook mo at habang nakikinig ng balita sa T.V.
"Suspendido na ang klase sa lahat ng antas sa Quezon City at Maynila dahil sa kaso ng COVID-19. Ilang kalapit na probinsya na rin ang nagsuspinde ng klase dahil sa pagbabanta ng naturang virus. Pinaaalalahanan ang lahat na huwag munang lumabas ng bahay kung hindi naman importante ang lakad. Magsuot din ng mask upang maproteksyunan ang sarili."
Napahinto ka saglit at napatingin sa T.V. Kasama ang probinsya niyo sa mga suspendido ang klase. Kaya pala maraming bata ang naglalaro sa kalsada kanina noong binuksan mo ang bintana.
9:30am. Kasalukuyan kayong nakaupo sa labas ng Chapel kung saan nakaburol ang patay. Ilang minuto na lang siguro ay mag-uumpisa na ang misa.
Mayamaya ay binalitaan ka ng iyong kaklase na namatay din daw ang lolo ng kaibigan nila kaya hindi ito makakapunta. Napagdesisyunan ninyo na dumaan doon pagkatapos ng libing.
10:30am. Pinipigilan mo ang iyong pag-iyak sa Eulogy ng mga anak ng namatayan. Ang bigat. Ang sakit. Yung hagulgol nila tila ba tumatama sa iyong mga mata.
Sa isip-isip mo, mas gusto mo pang maunang mawala kaysa sa mga mahal mo sa buhay. Dahil para sayo mas masakit ang maiwan kaysa ang mang-iwan.
Habang pinagmamasdan mo ang kabaong, napatanong ka na lang sa sarili mo ng "May iiyak kaya kung sakaling mawala ako?"
YOU ARE READING
Reset
Short StoryHindi ito ang istorya na palagi mong binabasa. Pero malay mo naman may makuha kang makabuluhang salita mula sa bawat pahina ng istoryang ito.