PROLOGUE

45 4 0
                                    

PROLOGUE

Sabi nila, malalagpasan ninyo ang lahat ng pagsubok kung magkasama kayong haharapin ito. Lalo na kung marunong kayong umunawa at may tiwala sa isa’t isa.

Pero paano kung Diyos na ang hahadlang, relihiyon na ang pipigil sa inyong relasyon. Ipaglalaban mo pa ba?

Sa inyong pag-iibigang hindi tanggap ng lahat. Sa pagmamahalang masusubok ang katatagan ninyong dalawa. Hanggang saan ka tatagal? Hanggang kailan ka mananatiling nakahawak?

 

“Sigurado ka na ba talaga?” Napatingin ako sa babaeng kaharap ko ngayon. Ilang beses na ba niyang tinanong sa akin iyan? Paulit-ulit na lang, nakakasawa na. “Pwede ba.” Kunot noo ko siyang tinignan. Buntong hininga lamang ang naging sagot niya.

“Bukas na ang kasal mo, hindi ka na ba talaga mapipigilan?” Bakit ba ang kulit-kulit niya? Kailan ba nila maiintindihan? Sawa na akong maghintay. Sawa na akong umasa sa wala. Kung hindi ko ito gagawin ngayon, kailan pa? Kung kailan ubos na ang luha ko kaiiyak? Kung kailan may pamilya na siya samantalang ako, nababaliw na sa kakahintay?

Ayaw ba nila akong sumaya.. kahit sa piling na lang ng iba?

“Mahal ko siya kaya ako magpapakasal sa kanya.”

“Pero diba mahal mo din si—“

“Ayoko ng marinig pang muli ang pangalan na iyan.” Malamig na tugon ko sa kanya. Dala-dala ang isang kahon na puno ng litrato, bumaba ako upang sunugin ito. Dito ko na kakalimutan ang mga alaalang hindi na dapat ibalik pa. Ang mga memoryang magpapagulo lamang sa aking hinaharap.

Kahit sa ganitong paraan, mabawasan man lang ang sakit kahit papaano.

Isang malaking pagkakamali ang ibigin siya, isang kasalanan ang makipagrelasyon sa kanya. Kung pwede ko lang sana ibalik ang nakaraan, hindi na sana ako nakipagkilala pa. Edi sana, hindi ako nasasaktan ngayon.

Sana.. naging tama na lang ang isang pagkakamali.

Right MistakeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon