Chapter 21 : To give up

86.2K 2.6K 199
                                    

***

Kunot na kunot ang noo ni Tonya sa pag-iisip at sa inis kay Grey.

Ano'ng sinabi nito? Hindi raw demo 'yong halik? Eh 'di ano ngayon ang gusto nitong isipin niya? Mas mabuti pa nga kung demo 'yon. Mabilis palampasin. Itatago na lang niya sa kaeng-engang baul ng alaala niya na may matamis na pangalan nito. Pero kung hindi demo ng kahit na anong mood nito ang halik, ano'ng pwede niyang isipin?

"Eh 'di ano 'yong halik mo? Trip mo lang? Nagulat ka? Bakit ang gulo mo, Goryo?!"

Hindi nakakibo agad ang lalaki. Bumuntonghininga lang ito at tumitig sa kanya.

"Let's talk tomorrow night. Nang masinsinan."

Ang sabi ng tatay niya noon, 'wag na raw ipagpabukas pa ang mga bagay na kaya namang gawin na agad. Ang usapan nila ni Grey, ang halik na hindi demo, ang mga tanong sa naguguluhang isip niya, hindi yata dapat na ipagpabukas pa.

"Bakit bukas pa? Ngayon na tayo nag-uusap," sabi niya.

"Tomorrow. Please."

Tinitigan na naman niya ang seryosong mukha ng lalaki. Nakaba-bad trip na nagniningning ang kaguwapuhan nito sa paningin niya. Gano'n yata talaga ang mga umiibig na gaya niya. Natatanga na, nagiging O.A. pa. Hindi niya mahindian ang bawat gusto nito. Pinipilit niyang maintindihan kahit hindi nagsasalita. At ang ngiting ipinagdadamot, lagi niyang gustong makita–dusa sa puso, pulutan sa mata.

Bukas daw. Lahat ba ng tanong niya, masasagot bukas? At kung masasagot naman pala bukas, bakit hindi pa ngayon? Ano'ng pagkakaiba maliban sa mahihirapan siya?

"Ang sama mo," sabi niya habang nag-iinit ang sulok ng mga mata.

Lumambot ang ekspresyon ni Grey habang nakatingin. Napalunok ito. Humakbang palapit na parang gusto siyang hawakan. Parang may sasabihin o gustong sabihin, pero hindi na nagsalita maliban sa...

"I know. I'm sorry."

Nilunok niya ang sakit na bumabara sa lalamunan para hindi siya tuluyang maiyak. Kasi isang sorry lang nito, gusto na niyang magpatawad at magtanong kung gusto pa rin nito ng kape kasi magtitimpla na siya. Hindi na lang siya nagsalita sa hiyang nararamdaman para sa sarili.

"Tomorrow. Let's meet," parang binabasa nito ang mata niya habang nagsasalita, "Please?"

Kumurap-kurap siya sa pag-iisip. Sasagot ba siya? Mag-walk out na lang kaya siya?

Iyon nga ang ginawa niya. Nagmamartsa siyang umalis. Ni hindi ito nakahabol.

***

Kinabukasan pa...

"Naiinis talaga 'ko sa kanya, Ate Tonya. Kaya kahit na araw-araw siyang magluto sa bahay, hindi talaga ko kumakain!"

Napangiti lang siya sa paglilitanya ni Portia tungkol kay Noreen. Nonstop iyon mula nang yayain siya nitong magkita sa gym. Makikisabay daw sa exercise niya. At dahil sa pag-iingay nito, marami na siyang nalaman na mas dumurog sa puso niya.

Nalaman niya na sa bahay pala ni Grey tumutuloy si Noreen mula nang dumating ito. Na si Noreen ang laging nagluluto para sa lalaki. At na tumutuloy din si Portia sa bahay ng kapatid para maging dakilang panggulo.

Namamangha rin siya kung paanong nagagawa ng mas batang babae na magalit at tumakbo sa treadmill nang magkasabay. Kung siya kasi iyon ay agad siyang mawawala sa ritmo at ililipad ng puwersa ng makina.

"Fiancee siya ng kuya mo. Bakit hindi mo siya gusto? Mabait naman siya," sabi lang niya sa babae.

Ngumuso si Portia at maarteng umikot ang mga mata. Parehas iyon sa ginagawa ni Boom, pero mas cute.

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon