2

7 0 0
                                    

AGAINST THE WILL
(Hindi Sweetheart Series 1)
written by JellyPm

Kabanata 2

"SA likod lang kita, Ace. Huwag ka agad-agad lulusob kung ayaw mong matalo tayo."

"Marami sila, Honey, di mo sila kaya," sabi ng payatot na si Ace sa kaniya.

Kinse anyos na silang dalawa ni Ace at parehong Grade 9 na. Heto ang laging kasa-kasama niya sapagkat iyakin ang mga kaibigan niyang babae kaya sigurado siyang hindi nila kayang makipagbakbakan sa mga ito.

Kaya, siya, si Honey Krystine Antonio ang magtatanggol sa kanila.

Ang ibang mga kaklase ni Honey at mga kaibigan at kababata niya ay mahinhin at nagsisimula nang mag-lipgloss pero siya, heto at di na pantay ang kutis niya. Likas siyang morena ngunit nagkakaroon ng puti-puti, sabi ay kamaraw raw ang tawag dito, naliligo naman siya palagi pero siguro'y dahil sa madalas niyang paggala at pagbilad sa araw ay talagang 'di maiiwasan.

May singkit na mga mata at maliit ngunit mataas na ilong si Honey. May labing mapupula, katamtaman ang laki ngunit may ngiping malalaki, mapuputi at pantay-pantay na parang naalagaan ng dentista.
Mayroon siyang malalim na dimples sa magkabilang pisngi na madalas na tinutusok ng mga kaibigan niya.

"E, ano kung marami sila?" naiinis niyang tanong sa kaibigan niya. "Malakas naman ako, hindi ko sila uurungan. Sama pa nila mga nanay nila."

"Pero kasi, Honey—"

"Pwede ba, Ace! Kung ayaw mo ko tulungan, umuwi ka na lang!" paasik niyang sabi.

Inirapan niya ito bago napagpasiyahang sumugod na. Nakatalikod sa kaniya ang grupo nila Hilary at ang mga boyfriends ng mga ito. Hindi nila alam ang pagsugod niya. Mabilis niyang hinila ang buhok ni Hilary dahilan para magsisigaw ito.

"Aray! Nyeta! Ang buhok ko!" sigaw nito habang pinipilit na inaalis ang kamay niya.

Nagulat yata ang kampo nila kaya hindi agad nakakibo kaya lalo niyang dinamihan ang buhok na sinabunot niya kay Hilary. Naka-uniform pa sila kahit uwian na. Hindi na mahintay ni Honey ang bukas, igaganti niya ang kaibigan at kapitbahay niyang si Lucy!

"Walang laban sa inyo si Lucy para pagtulungan at ipahiya sa harap ng maraming tao, tinapon mo pa mga gamit  niya sa basura. Hindi iiyak ang kaibigan kong iyon, gunggung! Kung 'di talaga siya nasaktan."

"Inagaw niya jowa ni Stella! Bitawan mo buhok ko. Guys!!!"

Doon lamang natauhan ang mga kasama niya, mabilis na hinawakan siya ng mga ito hanggang sa mabitiwan niya si Hilary. Nagpupumiglas siya habang bahala na ang tamaan sa kasusuntok niya. Mukhang may narinig siyang dumaing hanggang kinwelyuhan siya ng lalaki.

"Yabang mo, a! Sa liit mong iyan akala mo kaya mo kami!" sabi nito habang haklit-haklit ang kwelyo ng dalaga.

"Bitawan mo siya, p're..." buo at malalim na wika ni Ace habang pinipigilan nito ang kamay ng bakulaw na boyfriend ni Hilary. Mararamdaman mo ang kaseryosohan kahit napakakalmado naman nitong sinabi iyon.

Tinitigan siya ng lalaking kumikwelyo sa kaniya bago ito tumawa nang malakas kaya nagtawanan ang mga kasama nito na nagkakaintindihan sa isang titigan lang.

"Sa payatot na gaya mo, matatakot mo ako?"

"Hindi kita tinatakot, nakikiusap lang ako na 'wag mo siyang sasaktan."

"Bakit kita susundin, payatot?"

Naiinis na ang dalagang si Honey sa pang-iinsulto ng lalaking bakulaw kay Ace. Kaya naman nagpumiglas siya, dahil hindi siya mabitawan nito, kinagat niya nang buong diin ang bakulaw. Naitapon tuloy siya nito sa mabatong daan.

Hindi Sweetheart Series 1 (Against the Will)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon