Tiningnan ko ang librong hawak ko at binasa ang mga pangalan ng mga taong nakasulat doon."Marian Rivera at Dingdong Dantes, check!" - sabi ko at saka nilagyan ng tsek ang tapat ng pangalan nila indikasyon na napana ko na ang mga puso nila at tapos na ang misyon ko sa kanila.
"Gigi Hadid at Zayn Malik, check!"
"Kim Woo Bin at Shin Min Ah, check!"
Binuklat ko ulit ang libro at nagtatalon ako nang makitang ito na ang huling misyon ko bago ako tuluyang mapromote at kapag napromote na ako ay tuluyan na akong magkakaroon ng pakpak at halo at hindi ko na kailangan maglakad pa nang mahaba. Nakakapagod ding libutin ang mundo ng mga tao at panain ang kanilang puso nang lakad, kung may pakpak na ako mas madali ko nang matatapos ang aking mga misyon.
"Arabella Louise Guzman at Benedict Perez." - basa ko sa mga pangalan ng huling misyon ko habang naglalakad.
Napatingin ako sa singsing ko nang umilaw ito ng pula at asul kaya naman napatalon ako sa tuwa. Tingnan mo nga naman at umaayon talaga sa akin ang kapalaran! Ang singsing na iyon ang tumutulong sa akin para makilala ang mga taong nakasulat sa libro. Kapag umilaw ang asul na bahagi sa singsing ko ibig sabihin noon ay malapit na ako sa lalaking sunod kong papanain at kapag naman pula, ibig sabihin malapit na ako sa babaeng kanyang kapareha. At ngayon nga ay pareho itong umilaw indikasyon na malapit lang silang pareho sa akin. Salamat naman at mukhang hindi ako mahihirapan sa huli kong misyon.
Naglakad-lakad pa ako at napansin ang mas pagkinang ng mga ilaw sa singsing ko palatandaan na mas malapit na ako sa kanila.
"Bingo!" - masayang sabi ko nang makita ang mga taong papanain ko. Kinuha ko ang pana ko at akmang papanain na sila nang makita kong nadulas si Arabella at mahulog ang mga dala-dala nyang gamit. Ang taas ba naman kasi ng suot nyang sapatos. Hindi ko rin maintindihan sa mga tao kung bakit ang masosokista nila at madalas nilang pahirapan ang mga sarili nila.
"Here, let me help you." - napasipol ako sa kilig nang makita kong mabilis na lumapit si Benedict na malapit lang sa kanya at agad na dinampot ang mga gamit ni Arabella na nahulog, tinulungan nya ding makatayo si Arabella pero mukhang masama ang bagsak nito. Ibinaba ko muna ang bow at ang arrow ko at nagpasyang panoorin muna sila. Ang cute kasi nila, at mukhang hindi na kailangan ng arrow ko.
Masyado akong nag-enjoy manood sa kanila kaya agad akong naalarma nang makitang maghihiwalay na sila kaya mabilis kong inilagay ang arrow sa bow at agad na inasinta si Benedict.
"Yes, mukhang mapopromote na ako nito!" - masayang sabi ko nang makitang sapol ito sa puso ni Benedict. Minsan kasi sa mata o kaya sa bibig ko napapana. Ayos lang naman kahit saang parte ng katawan tumama, ang kaso tuwing makikita ko sila ay natatawa akong may nakatusok na arrow sa mata or sa bibig nila. Ang masama ako lang ang nakakakita kaya wala akong kasamang matawa. Haaay, ang loner naman kasi ng trabaho kong ito.
Agad namang umilaw ang asul na bahagi ng aking singsing, indikasyon na matagumpay kong napana ang lalaki sa aking misyon.
Ngayon naman ay itinutok ko ang bow at arrow ko kay Arabella na ngayon ay paika-ikang naglalakad na papasok sa building.
Pakpak, hintayin mo ako, malapit na--
Nanlaki ang mata ko nang makitang sa halip na si Arabella ang tamaan noong arrow ay isang babaeng hindi ko alam ang pangalan na basta na lang sumulpot ang tinamaan noon. Nagulo ko ang buhok ko at hindi alam kung paano itatama ang pagkakamali.
Napatingin ako sa singsing ko nang biglang magliwanag ang ilaw nito at may lumabas na itim na kulay dito. Madalas kapag napana ko na silang pareho ay lalabas ang kulay pula at asul at magsasama ito hanggang maging lila pero ngayon ay naging itim ang kulay nito indikasyon noong kapalpakan ko.