CHAPTER FOUR
"Sa lahat ng 7-Eleven dito, itong branch ang walang masyadong customer," bulong ko kay Orion habang hinahanap ang bulalo flavor ng go cup noodles. Ang flavor lang kasi na 'yon ang kinakain ko at wala nang iba pa. "Alam mo kung bakit?"
"Bakit?"
"Parang hindi kasi updated ang mga paninda rito. Tingnan mo," sabi ko sa kaniya at itinuro ang iilang stall sa paligid namin, "walang masyadong laman. Kahit yung big bite hotdogs nila, iisang flavor lang ang meron."
"Oo nga, 'no," patango-tango niyang sabi. "Madalas ka rito?"
"Hindi naman. Pero kapag gusto ko nang tahimik na pagtatambayan habang kumakain nito," sabi ko sabay pakita ng nag-iisang go cup noodles na bulalo flavor na mukhang sinadyang itago dahil sa pinakadulong parte ko pa nahanap, "dito ang takbuhan ko."
Natatawa niya kong pinasadahan ng tingin. "Seryoso ka? Kakakain lang natin ng bulalo kanina tapos magbu-bulalo ka na naman?"
"Favorite ko nga," sagot ko sabay punta sa stall ng mga biskwit. Napangiti ako nang bumungad sa akin ang marami-rami pang stock ng paborito ko.
"Iced gem biscuits?" Agad akong napalingon sa gawi ni Orion nang banggitin niya ang hawak-hawak kong biskwit. "Kumakain ka ng ganyan?"
Pinanliitan ko siya ng mga mata bago sumagot ng, "Panghimagas. Saka paborito ko rin kaya 'to. Ang solid ng icing sa ibabaw."
Sa mga tingin niya sa akin, mukhang nawiwirduhan na siya. Hindi ko na iyon pinansin at dumiretso na lang sa helera ng mga fridge upang kumuha ng isang bote ng mineral water. Gusto ko sanang uminom ng mogu-mogu kaya lang bakâ magtampo naman ang sikmura ko at matae ako nang wala sa oras.
"Ayan lang bibilhin mo?" tanong ko sa kaniya habang turo-turo ang hawak niyang go cup noodles na la paz batchoy naman ang flavor at isang bote rin ng mineral water. Nang tanguan niya ako, naglakad na ako papunta sa counter at agad na ibinaba ang mga binili. "O, ayan, ako naman ang ilibre mo."
"Kung gan'to lang magpalibre mga kaibigan ko bakâ araw-araw akong nakakatipid," natatawa niyang sabi at napailing na lang ako.
Uupo na sana ako malapit doon sa may glass wall nang may maalala ako. "Ay, miss, may available na marlboro blue?"
"Meron po."
"Padagdag na rin diyan ng isang kaha. Salamat." Pagkatapos ay tuluyan na akong dumiretso sa pupuwestuhan namin. Agad kong nilapag ang helmet at ilang saglit lang, nakasunod na sa akin si Orion. "Tara, labas muna táyo at ilapag mo lang muna 'yan diyan," sabi ko, tukoy-tukoy sa helmet na hawak niya at yung isang plastik ng pinamili namin. "Hindi naman 'yan mawawala."
Nang makuha ko sa plastik ang pinabili kong yosi, nauna na akong lumabas. Mabilis naman siyang nakasunod sa akin. "Kanina pa ako yosing-yosi, e. Bawal kasi roon sa KTV bar. Gusto mo?"
Mabilis siyang umiling. "Hanggang isa nga lang ako."
"Ay, oo nga pala." Sa aking unang hithit at pagkabuga ng usok nito, muli ko siyang binalingan. "'Di ba, may sakit ka sa puso?"
"Oo, bakit?"
"'Di ba, makakasama ang yosi diyan sa puso mo? Bakit nagyoyosi ka pa rin?"
"O, bakit mo ako inalok kanina?"
Sinamaan ko siya ng tingin na siyang ikinatawa niya lang. "Nagtaka kasi ako na puwede kang mag-isang yosi sa isang araw kahit na may sakit ka. Pinayagan ka ba ng doktor mo?"
"Hindi," mabilis niyang sabi at nagulat na lang ako nang agawin niya sa akin ang kahihithit ko lang na yosi. "Ang dami na ngang bawal sa akin, pati ba naman ito?" aniya sabay walang pag-aalinlangang hithit doon sa yosi ko.
BINABASA MO ANG
The Night We Met
General FictionWhen Malcolm recently got out in a relationship, he hasn't really thought of something to do in particular. Grieve? Move on? They're out of the picture, not until he meets Orion whom he lends his hand as they seek the beauty of life together.