Payapa ang pamumuhay namin dito sa baryo Callejo. Ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao ay ang pagsasaka, pangangaso at pangingisda. Lahat ay nagkakasundo at nagsasalo-salo at ni minsan sa labing-pitong taon na pananatili ko rito ay hindi pa ako nakarinig o nakakita ng nag-aaway. Ang isang nagbibigay-buhay din sa baryo ay ang kasiglaan at kabutihan ng mga taong nakatira rito. Matagal na raw na ganito ang pamumuhay dito. Walang problema, walang nagkakagalitan, at walang hindi nagkakasundo.
Sa kuwento ng mga matatandang nakalalabas ng baryo, ibang-iba ang itsura ng aming lugar sa labas. Para raw kaming napalilibutan ng isang sibilisasiyong nabubuhay at umaasa sa kakayahan ng teknolohiya.
Inilibot ko ang aking paningin habang ako ‘y nagpapahinga sa ilalim ng puno sa tapat ng aming maliit at gawa sa kawayan na bahay. Isa sa mga napapansin ng mga turistang napapadako sa aming lugar ay ang pare-parehong laki at kulay kayumanggi na mga kawayang bahay.
Limang talampakan ang agwat ng bawat magkakahilerang bahay. May anim na bahay kada hilera ang nakatayo.
Sa gitna ng Callejo ay may pangunahing kalsada na naghahati sa baryo sa dalawang dibisiyon. Ang unang dibisiyon ay binubuo ng mga pinuno at ang kanilang mga pamilya. Labing-dalawang pamilya ang namamahala at nasusunod sa baryo. Ang ikalawang dibisyon naman ay binubuo ng labing-walong pamilya na puro manggagawa at nagtratrabaho upang may maihanda sa lamesa ng baryo.
Sa maliit na mundo ng baryo Callejo, nakabuo ang aming mga pinuno ng sariling kultura at paniniwala na nagging panuntunan ng mga tao.
Tumingala ako sa langit. Kahit kailan ay hinding hindi ako magsasawa sa pagtitig sa buwan. Pakiramdam ko kasi ‘y hinihila ako nito papalapit. Ang liwanag na nagmumula rito ay hindi masakit sa mata katulad sa liwanag na nanggagaling sa araw.Ang nagkikislapang mga bituin ay tila umaawit sa kinang at inaalis ang pagod sa pagkayod sa buong araw.
“Magandang gabi sa iyo, Reina.” Ibinaba ko ang aking tingin.
“Magandang gabi rin sa iyo, Ligaya,” sagot ko. Madilim ang kapaligiran ngunit sa tulong na rin ng liwanag na nagmumula sa buwan, namukhaan ko agad ang dalaga.
“May handaang nagaganap ngayon sa tabing dagat. Gusto mo bang sumama?”
Umiling ako. Hindi ko puwedeng iwanan si Inay.
Napangiti ako, “Sa susunod na lang siguro, Ligaya.”
Tumango lamang ito at saka naglakad papalayo. Inaabot ng treinta minutos ang paglalakbay patungong baybay. Wala kaming kahit anong uri ng transportasiyon, na ayon sa mga turista, ito raw ay ginagamit upang mapabilis ang pagtungo sa isang lugar. Hindi na kailangang maglakad at mapagod kapag gumagamit ng tinatawag nilang transportasiyon.
Tinitigan ko lamang si Ligaya habang papalayo ito. Ang sabi sa akin ni Inay, kasing-edad ko lamang ito. Pero ang nakapagtataka ay kung paano sila naging matalik na magkaibigan. Hindi man siya palangiti pero marunong pa rin siyang makisama sa amin.
Biglang umihip nang malakas ang hangin. Lumalalim na ang gabi, kailangan ko nang pumasok at silipin si Inay.
"Nay, may gusto po ba kayong kainin?" Sinilip ko ito sa nag-iisang kuwarto namin. Limang buwan na rin ang nakalilipas noong madapuan si Inay ng malubhang sakit. Gusto ko siyang dalhin sa ospital ngunit isa sa paniniwala ng aming baryo ay ipanampalataya na lamang ito. Hindi sila naniniwala sa kapabilidad ng mga doktor.
Iminulat niya ang kaniyang mga mata at saka tumingin sa akin nang malamlam. Marahan niyang ikinaway ang kaniyang kamay kaya't lumapit ako sa kaniya at umupo sa upuan na katabi ng kaniyang kama.
Pumapasok ang liwanag na nagmumula sa buwan at sinasakop nito ang kabuuan ng kuwarto, sapat na upang maaninag ko si Inay.
"Anak..." panimula niya. Nahihirapan na siyang magsalita. Nasasaktan man ako, wala naman akong kakayahan upang suwayin ang aming paniniwala. Wala rin akong alam sa labas ng baryo.
BINABASA MO ANG
Ang Mitolohiya ni Reina
FantasySi Reina ay isang dalaga na maagang nangulila sa kaniyang mga magulang. Matapos niyang makalaya sa pagkakatali ng kaniyang mga kababayan, uumpisahan na niya ang paglalakbay at pag alam sa kaniyang pagkatao. Dala ng kaniyang paglalakbay ay ang pinagh...