Kabanata 3: Patungo sa Puno ni Mayari

30 7 2
                                    

Nagising ako ng alas tres ng umaga. Mayroon kasi kaming orasan na ibinigay ng isang turista noong nakaraang buwan.

Bumangon akong pawis na pawis dahil sa init. Ano kaya ang init na pumulupot sa akin kagabi? Naglakad ako patungong kusina at saka kumuha ng isang basong tubig. Uhaw na uhaw ako, at medyo pagod ang aking katawan.

Sa pagkakaalala ko, mayroon akong panaginip na kakaiba. Hindi ko maalala ang detalye ngunit naaalala ko ang buwan — sumusunod raw ito sa akin.

Kumuha na ako ng damit at tumungo sa kubeta para maligo. May gagawin nga pala kami ni Ligaya isang oras mula ngayon. Mabuti na siguro ang maging abala ako para hindi ko iniisip si Inay.

Sariwa at malamig ang tubig na aking ipinangligo. Sanay na rin naman ako at mas gusto ko ang malamig kaysa mainit. Isinuot ko ang isang kulay asul na pang itaas, at itim na madulas na pantalong pambabae para sa aking ibaba. Isinuot ko rin ang ini-regalo sa akin ni pinuno na sapatos noong siya 'y nagtungo sa bayan.

Pagkatapos kong maghanda ay nagbalot na ako ng tinapay na dadalhin ko sa aking pupuntahan. Inaabot kasi ng dalawampung minuto ang paglalakad na kailangan kong gawin patungo sa aming tagpuan.

Katahimikan ang tumambad sa akin paglabas ng bahay. Ang liwanag ng buwan ang tanging inaasahan ko para magabayan ako sa aking pupuntahan.

Mabuti na lang at malakas din ang pangamoy ko. Naaamoy ko ang kakaibang bango na ibinibigay ng bawat tao.

Tahimik ang mga yapak na nagtungo ako sa puno ni Mayari. Rinig ko ang malalalim na paghugot ng aking hininga. Anong oras na ba?

Sa kabila ng katahimikan, pakiramdam ko ay tila may nagmamasid sa akin. Hindi ako lumingon at nagpatuloy sa paglalakad. Naguumpisang lumakas at bumilis ang tibok ng puso ko. Ipinikit ko ang aking mga mata at saka sinubukang amuyin ang intensyon niya.

Masama. Pagdilat ng mga mata ko, bigla akong kumaripas ng takbo. Naamoy ko ang pagnanasa nitong makapatay.

Hindi pa ako handang sumunod kay Inay. Marami pa akong katanungan.

Sa aking pagtakbo, unti-unting lumalabo ang kapaligiran. Hindi rin kasi malakas ang liwanag na ibinibigay ng buwan kaya kailangan nakatuon talaga ang pansin ko sa daan.

"Bathala, gabayan ninyo ako," paulit-ulit kong ibinubulong sa aking sarili. Bigla akong kumaliwa at lumihis ng landas. Kailangan kong lumayo sa puno ni Mayari, hindi ko hahayaan na madamay si Ligaya.

Hindi ko na namalayan kung ilang minuto ang lumipas, pakiramdam ko kasi buong araw na akong hinahabol ng nilalang.

Narinig ko ang mahihinang huni ng mga ibon sa itaas ng mga puno. Lumalamig lalo ang simoy ng hangin at medyo nananakit na ang aking dibdib dahil sa hindi kontroladong paghinga.

Nagpasausdos ako patungo sa isang malaking bato. Basa rin kasi ang damo kaya madulas ang daan.

Nagtago ako at saka pumikit. Sana hindi ako makita ng humahabol sa akin. Naninigas na ang aking mga paa, idagdag pa ang pagsikip ng aking dibdib. Ano ba naman ito, bakit napakarami kong kailangang pagdaanan sa buhay na ito?

Nagsimulang tumulo ang aking mga luha. Hindi ko kayang mag-isa. Wala akong alam kung hindi mga gawaing bahay. Ano, magka-katulong na lang ako? Pero baka pati iyon ay hindi pa mangyari kung maaabutan ako ng taong humahabol sa akin.

Umupo ako sa likod ng bato at saka sumandal. Madilim pa rin ang paligid. Malayo na rin ako sa baryo kaya walang makaririnig kahit sumigaw pa ako ng ubod lakas.

Medyo tanga rin ako, dapat tumakbo na lang ako pabalik ng baryo.

Pilit sumasara ang mga talukap ko. Hindi ko maitulak palayo ang antok na sumasanib sa kabuuan ko. Hindi puwede, kailangan ko munang makatakas.

Ngunit bigo ako...

"Reina, gumising ka!" Nananaginip ba ako? Bakit may naririnig akong tumatawag sa akin?

"Reina!"

Napabalikwas ako ng bangon.

Nasaan ako?

Sumalampak sa lupa ang kanina 'y gumigising sa akin.

"Kanina pa kita ginigising, Reina! Ano'ng nangyari? Napakalayo mo na sa puno ni Mayari!" Sunod-sunod na bigkas ni Ligaya.

Si Ligaya...

Napahagulgol ako ulit. Niyakap ko ang mga nanginginig na tuhod ko. Ang bigat ng pakiramdam ko, masakit ang ulo ko at mga paa.

"M-may humahabol sa akin," panimula ko. Ang hirap magsalita, pakiramdam ko 'y kinain ng takot ang dila.

"Nakita mo ba kung sino?" kalmadong tanong ni Ligaya. Tumingin ako rito at saka umiling. Makikita sa kaniyang mga mata ang pag-aalala.

Umaga na pala. Buhay nang muli ang araw at maliwanag na ang buong kapaligiran. "A-anong oras na?" tanong ko.

Huminga ulit ng malalim si Ligaya. Parang kinakalma niya ang kaniyang sarili.

"Alas-sais na ng umaga. Ang tagal kong naghintay sa puno. Bumalik ako ng baryo ngunit wala ka sa inyong tahanan." Umiling-iling ito.

Ang tagal pala ng tulog ko. Mabuti na lang at hindi ako nahanap ng estranghero.

"Pasensiya ka na, Ligaya. Naabala pa kita," malungkot kong saad. Hindi ko nais paghintayin siya sa puno ni Mayari.

Nakaramdam na lang ako bigla ng kung anong sakit sa aking noo. "Aray!" sigaw ko sabay sapo rito.

Pinitik pala kasi ni Ligaya. "Sa susunod, huwag kang lalayo sa landas. Diretso lang, para maprotektahan kita."

Kumunot ang noo ko, mas maliit at mas payat sa akin si Ligaya. Paanong mapro-protektahan niya ako?

Tumayo ito at nagpagpag. "Halika na," paanyaya niya. Inilahad ni Ligaya ang kaniyang kamay para tulungan akong makatayo.

Tumingala ako rito. Kahit maliit ito at payat, napakaganda ng hubog ng kaniyang katawan. Ang mga marka sa kaniyang katawan ay bumagay sa kaniyang mukha na parating nakabusangot. Para siyang mandirigma sa kaniyang postura.

Nakatali ang itim na buhok, nakasando ng itim, at ang suot niyang maong na maluwag ay bumabagay sa itim na bota pang-sundalo. Ito'y donasyon din ng mga turistang parating bumibisita sa amin.

Kung tutuusin, nabibilang talaga si Ligaya sa magagandang dilag sa aming baryo. May hugis kasi ang kaniyang mukha, ang kaniyang mga mata na kulay berde ay mas matingkad pa sa naa-arawang dahon. Nakaka akit din ang kaniyang mga labi na parang inukit gamit ang isang mamahaling lapis.

Kasing-ganda ko kaya siya? Wala kasi kaming salamin sa baryo kaya hindi ko alam kung ano ang itsura ko. Mahirap din umasa sa repleksiyon mula sa tubig.

Kinuha ko ang kaniyang kamay. Naglakad na kami patungo sa puno ni Mayari.

Itutuloy kaya namin ang naudlot na dapat mangyari?

Ang Mitolohiya ni ReinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon