Kabanata 5: Talitha (Ta-lit-ha)

26 7 1
                                    

"Ilang minuto na nga ba ang nakalilipas?

Patuloy ako sa paglalakad papalayo sa puno ni Mayari. Lutang pa rin ang aking isipan, hindi ako makapaniwala sa isinawalat sa akin ni Ligaya.

Kumalam ulit ang tiyan ko. Napahawak ako rito, ramdam ko ang bahagyang pagtulo ng aking laway.

Ano na nga ang sinabi ni Ligaya? Ah, kailangan kong mangaso. Pero wala akong kagamitan.

Huminto ako at saka ipinikit ang aking mga mata. Madali lang ito sa akin dahil sanay ang ilong ko sa pag amoy ng mga tao sa baryo.

Nakiramdam ako sa paligid hanggang sa unti-unti kong naamoy ang mga dahon na sinasalubong ng malakas na hangin.

Itinaas ko ang aking ulo... kailangan lumawak ang saklaw ng kakayahan ko. Tumaas-baba ang aking dibdib habang nakatuon ang atensiyon ko sa pangangamoy.

Siguro kung may nakakakita lang sa akin, natawa na ang mga ito. Pakiramdam ko kasi ay mukha akong baliw habang nakapikit sa gitna ng kagubatan at singhot ng singhot.

Napahinga ako nang malalim. Bakit wala akong maamoy? Hindi rin ako makapag-isip ng maayos dahil na rin sa pagod at gutom. Bakit kasi hindi na lang ako sinamahan ni Ligaya maghanap ng makakain?

Naglakad akong muli, bigo sa layunin kong maka-amoy ng hayop. Nagsisimula na akong malito. Hindi ko alam paanong diskarte ang kailangan kong gawin.

Biglang may sumulpot na kuneho sa aking unahan, mga tatlong hakbang ang layo. Lalo akong nainis—ni hindi ko man lang ito naamoy.

Dahan-dahan kong itinali ang hanggang baiwang na kulot at itim na buhok. Ipinikit ko ulit ang aking mga mata at sinubukang hulihin ang amoy ng kuneho.

Halo-halong amoy ang sumampal sa aking ilong. Ang damuhan, mga dahon, mga kahoy, at ang lupa. Tila nakikita ko at nakagagawa ako ng sarili kong kapaligiran na inukit sa pamamagitan ng usok. Ang usok na naka-konekta sa ilong ko ay malikot—hinahanap ang kunehong nasa harapan ko lang.

Nang biglang...

Binuksan ko ang aking nagkikislapang mga mata, ngumiti ako dahil sa tuwa.

Pinaghalong lupa at kahoy ang amoy ng kuneho. Nananakit na ang ilong ko, pero patuloy pa rin ako sa pag-amoy.

Isa, dalawa, lima, hindi—sampu! May sampung kuneho na nakatago sa matataas na damuhan. Paano ko kaya huhulihin ang mga ito?

Naalala ko ang kakaibang kakayahan ni Ligaya. Ang sijir ng kaniyang mga salita.

Inihanda ko ang sarili ko para sa isang nakabibinging sigaw. Susubukan kong utusan ang mga kuneho na lumapit sa akin.

"Lapit!" sigaw ko. Medyo pumiyok pa ako, nakakahiya.

Dalawang minuto akong naghintay pero walang lumapit. Umalis na rin ang kuneho na kanina'y nasa harapan ko.

Bagsak ang mga balikat na naglakad ako pabalik sa puno.

Ano ang sasabihin ko kay Ligaya? Wala kaming kakainin. Nakakahiya sa kaibigan ni Inay, nang dahil sa kakulangan ko, hindi siya makakakain.

Punong-puno ng mga katanungan ang aking isipan, pero hindi ko rin naman alam kung ano ang unang itatanong. Tumingala ako, medyo tirik na ang araw. Siguro'y malapit na ang alas-nuebe ng umaga.

Pagbalik ko, nakita kong nakapikit si Ligaya habang nagpapahinga sa ilalim ng puno. "Ligaya..." tawag ko rito.

Iminulat niya ang kaniyang mga mata—bakit parang gulat siya?

"Pasensiya na, wala akong nahanap na makakain natin." Hindi ako makatingin sa kaniyang mga mata.

"Eh... ano 'yan?" Tumingin ako sa kaniya at nakitang may itinuturo ito.

Dahan-dahan akong lumingon sa itinuturo niya, at laking gulat ko no'ng napagtanto ko na may limang kuneho na sumunod sa akin.

'P-papaano?" bulong ko. Ni hindi ko man lang narinig ang mga yapak nilang sumunod sa akin.

"Mahusay," ani ni Ligaya sabay palakpak nang malakas. "Nagamit mo ang dalawa sa tatlong Talitha."

Bumalik sa kaniya ang tingin ko. "Talitha?" nagtatakang tanong ko.

Tumango ito at saka humakbang papalapit sa kinaroroonan ko.

"May tatlong Talitha ang sijir. Una, ay ang Talay. Ito ay ang kakayahang makaamoy nang mas higit sa kaya ng normal na tao." Inamoy nito ang paligid. "Kapag nakasanayan mo na, malalaman mo ang pakay ng isang tao, ang amoy ng bawat nilalang, at amoy ng paparating na ulan."

Kaya pala, naamoy ko ang intensyon no'ng lalaking humabol sa akin kaninang umaga.

"Ikalawa, nagamit mo ang Tilig. Napa-sunod mo ang mga kuneho sa 'yo, ngunit ito 'y hindi mo pa nakasasanayan." Tumingin si Ligaya sa mga kuneho na parang istatwa na nakaupo lamang sa likuran ko.

"Magsilapit kayo at pumila," utos niya.

Mabilis na kumilos ang mga kuneho at pumila sa harapan ni Ligaya. Ramdam ko ang pilit paglakad ng aking mga paa—gusto ko ring makipila sa mga kuneho.

Napaubo na lamang ako para bumalik ang aking katauhan. Hindi ako puwedeng mapahiya kay Ligaya, hindi ako hamak na kuneho lang.

"Ano ang ikatlo?" tanong ko, para hindi kumawala ang ulirat ko. "Ah, mukhang alam ko na. Siguro 'y kaya rin nating makarinig nang mas malakas kaysa sa normal na tao?" Napangisi ako. Napakadali naman nito.

Napatingin sa akin si Ligaya at saka umangat ang isa niyang kilay. "Ano ka, elepante?"

Namula ako sa sinabi niya. Aba, malay ko ba.

"Lapit ka rito, Reina."

Sumunod naman ako. Umupo ako sa puno, at nakaramdam ako ng ginhawa. Pagod pa nga pala ako. Kaya tuloy parang ang sarap matulog.

"Ang ikatlong Talitha ay ang Talas."

Alam ko ang salitang 'yon... parang narinig ko na dati.

"Ah! Iyon ang para malaman mo kung nagsasabi ng totoo ang isang tao?" tanong ko.

Tumango si Ligaya. "Pero hindi lang 'yon ang kayang gawin ng Talas. Kaya mo ring makita ang susunod na gagawin ng isang tao sa susunod na limang segundo sa kaniyang buhay. Ngunit isang beses kada tao mo lang ito magagamit." Mahabang paliwanag niya.

"Ngayong alam mo na ang mga ito, lutuin na natin ang mga kuneho," nakangiting sambit ulit ni Ligaya.

Bigla akong natigilan. Kaya ko nga bang patayin at kainin ang mga kawawang kuneho?

Kinuha ni Ligaya ang kaniyang malaking balisong at saka lumapit sa unang kuneho.

"S-sandali!" Napabalikwas ako.

Tumingin siya sa akin na may bahid ng pagtataka sa kaniyang mukha.

"S-sigurado ba tayong masarap ang mga 'yan?" pagdadahilan ko. Hindi ko yata kayang makita na kinakatay ang mga ito sa harapan ko.

Ibinalik ni Ligaya ang kaniyang pansin sa mga kuneho. Itinaas niya ang balisong at inihanda ang sarili na isaksak ito sa kuneho.

"Huwag!" sigaw ko.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 07, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Mitolohiya ni ReinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon