Camp Birkley: The Bloody Camping
VI
Sa unang pagkakataon, maingay ang kusina ng cabin ng nag-iisang Ms. Birkley. Tahimik kasi ang kusina nito kadalasan dahil hindi maingay gumawa si Ms. Birkley. Isa pa, hindi niya gusto ang maingay na kusina.
Muli niyang hinampas ang naputol na binti ni Winslet gamit ang kutsilyong hawak-hawak. Tulad ng inaasahan, hindi rin madali ang pag-hiwa sa binti ng isang tao.
Kanina pa hiwa ang iba pang kailangan para sa lulutuin niyang ulam. Kailangan na rin niyang mag-madali dahil nagugutom na ang bihag niya.
Mabilis namang naluto ang ulam, halos kasunod lang ng sinaing. Agad hinubad ni Ms. Birkley ang suot na puting apron na halos kulay pula na ang tela dahil sa dugo. May kaunting mantsa ito ng uling at kalawang. Sumandok siya ng kanin at ulam at naglagay ng tubig sa baso. Muli niyang binalikan si Zak na sigurado siyang kanina pa itong nagugutom.
Pagkabukas ng pinto kung saan naroroon si Zak at ang nilalangaw na katawan ni Winslet, agad na bumungad ang nakakasulasok nitong amoy. Nanunuot ang amoy nito at parang dumidikit sa balat. Mabaho, nakakadiri, nakakasuka. Hindi ito nililinis ni Ms. Birkley dahil hindi niya gustong nawawala ang amoy na iyon. Gusto niyang manatili ang amoy na 'yon dahil dito niya nararamdaman ang pighati at sakit na nararamdaman ng mga biktima niya.
Lumapit siya kay Zak para subuan ito.
Nakailang beses na si Ms. Birkley sa pag-subo. Noong una, okay lang sa kaniya na itabig ito o idura dahil alam niyang walang may gustong tumikim ng luto niya kahit na masarap ito. Pero habang tumatagal, naiirita at naiinis na siya. Hindi niya gusto ang ugaling maaksaya. Sa isip-isip niya, napakabastos naman ng batang ito at hindi marunong magpahalaga sa binibigay sa kaniya.
Padabog niyang binitawan ang plato at kutsara at mabilis na hinawakan ang panga nito at diniinan.
"KAKAIN KA O KAKAIN KA?!"
Muli siyang kumuha ng kanin at ulam at sapilitang sinubo. Muling umiwas si Zak at tinabig ang kutsara gamit ang mukha. Muling natapon na naman ang pagkain sa sahig.
"Hindi ko kakainin 'yan!" sigaw ni Zak. "Hinding-hindi ko kakainin 'yan!"
Tumayo si Ms. Birkley at lumabas saglit ng kwarto. Sinundan lang ito ng tingin ni Zak at hindi na nag-isip pa ng kung ano-ano. Pagbalik nito, may dala na itong mahabang bagay na nakapulupot sa kamay niya. Isa itong latigo at may ideya na si Zak kung saan gagamitin ito.
Hinanda na niya ang sarili niya sa panibagong sakit na mararamdaman niya.
"Hindi ka kakain?" kalmadong tanong ni Ms. Birkley habang pinalilibutan ng madilim na aura. Ang mga mata niya, mas lumilikot.
"Tsk. Sinabi ko nang hin--- ugh!"
Marahas na lumapat sa bugbog niyang katawan ang magaspang na latigo. Mabilis na bumakat at sumugat ang balat nito dahilan para mapadaing siya sa sakit.
Muli siyang hinampas. Muli na naman siyang napadaing. Mas bumibilis ang pag-hampas ni Ms. Birkley at mas nadadagdagan ang mga sugat sa katawan niya. Muling napaubo si Zak ng dugo.
"Kung gusto mo pang mabuhay Zak," at siniksik sa nakatikom na bibig ni Zak ang karne ni Winslet. "Kainin mo ito."
Matapos niyang sapilitang pakainin ang kaniyang bihag, niligpit na lang niya ang pinagkainan dahil nawalan na siya ng gana na pakainin pa si Zak. Hindi na niya pipilitin pa ang batang hindi nakikinig. Pwede naman itong disiplinihan mamaya. Napagdesisyunan na lang niyang itabi ang ulam na natira at ipakain na lang ito sa mga kaibigan ni Zak na walang ideya kung ano ang kakainin nila.
BINABASA MO ANG
Camp Birkley: The Bloody Camping [UNDER REVISION]
TerrorHalina at magpunta sa Camp Birkley! Ang magsisilbi mong tahanan hanggang sa kamatayan! --- This story is under revision. Some chapters will unpublish to edit and revise.