BAGAT
- phiemharc -"Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo..."
Malapit nang magtakip-silim bago pa kami makarating sa aming pupuntahan. Naguguluhan ako kung bakit parang may masamang enerhiya akong nararamdaman habang naglalakad kami. Napagdesisyunan kasi naming mag-barkada na ihatid ang aming bagong kaibigang si Jan pauwi sa kanila.
Siya'y nakatira sa nayon kung saan matatagpuan ang gulod na pinaniniwalaang tirahan ng iba't-ibang elemento. Bantog ang lugar na iyon sa aming bayan kaya gano'n na rin ang pag-aalinlangan ko na sumama sa kanila. Subalit mapilit ang aking mga kaibigan kaya't wala na akong nagawa kundi ang tumuloy.
Naglalakad kami sa isang kakahuyan na pinalilibutan ng matataas na mga puno. Sa aming paglalakad ay panay naman ang pagpulot ni Jan sa mga maliliit na kahoy na nakaharang sa daan. Isinasandal niya naman ang mga ito sa katawan ng mga punongkahoy na aming nadadaanan.
Nakarating din kami sa bahay nila Jan bago pa magdilim ang kalangitan. Nagpahinga lang kami saglit at nagkaroon ng maikling kuwentuhan. Pagkatapos ng aming hapunan ay napagkasunduan na rin namin na umuwi dahil mahirap nang magpalipas ng gabi sa daan.
Mas lalo pang hindi naging maganda ang aking pakiramdam sa mga sumunod na mga oras sapagka't may kakaibang binubulong sa akin ang hangin. Hindi ko naman maiwasang mangilabutan mula sa isang masamang presensiya na bumabalot sa akin.
"Nararamdaman rin kaya nila?" napatanong ko.
May kung anong kakaibang hangin ulit ang bigla na lamang dumampi sa aking pisngi. Sinubukan ko nang ipinaalam sa mga kaibigan ko ang tungkol sa aking hindi magandang pakiramdam. Kaya lang hindi naman nila ako pinaniwalaan.
Hindi ako 'yong tipo ng tao na matatakutin o 'di kaya ay nakakakita ng mga ligaw na kaluluwa sa kung saan. Sadyang malakas lang talaga ang aking pandama sa masasamang enerhiya sa paligid. Mabilis din akong makadama ng kamatayan o aksidente.
Wala akong ideya kung bakit may ganito akong kakayahan. Wala rin akong alam kung saan o paano ko ito nakuha. Naramdaman ko na rin ito gaya ng dati. Nakikita ko lang sa aking vision ang mangyayari.
Some people called me a weird clairvoyant.
Isang araw.
Bigla na lang ako kinilabutan habang nagsusulat ng aking takdang-aralin. Tila may kakaibang presensiya ang hangin na dumampi sa aking balat. Alam kong may gusto itong ipahiwatig.
Doon ko naalala ang bestfriend ko. Hindi na ako mapalagay sa mga oras na iyon. Panay ang aking pagtingin sa aking cell phone habang dina-dial ang kaniyang numero.
"Sagutin mo, please," sabi ko habang tinatawagan ko siya.
Subalit hindi siya sumasagot sa mga tawag ko. Ramdam kong may masamang mangyayari sa kaniya. Kung hindi man siya ay maaaring isa sa kaniyang malalapit na kamag-anak.
Hindi ko na natapos ang ginagawa ko at dali-daling kumaripas nang takbo patungo sa kanilang bahay.
Habang ako'y tumatakbo biglang tumunog ang ringtone ng aking cell phone sa loob ng aking bulsa. Napahinto ako at agad na sinagot ang tawag mula sa numerong hindi naka-register sa aking contacts.
Isang boses ng babaeng humahagulgol ang bumungad sa akin.
Umiiyak na nagsalita ang babae sa kabilang linya. "Rico, wala na ang kaibigan mo. Patay na siya."

BINABASA MO ANG
Hindi Lahat ng Kuwento ay Masaya [Published under CLP]
Short StoryMay kaniya-kaniyang istorya ang bawat tao. Mayroong masaya, malungkot, o 'di kaya'y nakatatakot. Subalit mas masaklap ang dulot ng kuwento nang pamamaalam at paghihiganti. Ito ang mga kuwentong hindi natin inaasahan kung kailan o saan mangyayari. La...