Pandora: Ang Lihim ng Wawa Dam

568 17 0
                                    

"Ate! Gising! Binabangungot ka!" sigaw ng kapatid kong si Maribeth.

Pawis na pawis akong napabalikwas. Nakita ko ang aking kapatid na sobra ang pagkataranta, kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang pag-aalala. Hinahabol ko ang aking hininga dahil sa takot na dulot ng aking panaginip. Bangungot, iyan ang mas angkop na salita upang mailarawan ang gabi-gabi kong nararanasan sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata.

"Napaginipan mo na naman ba siya ate?" tanong sa akin ni Maribeth.

Tumango lang ako bilang tugon. Ang panaginip na iyon. Paulit-ulit. Hindi ko maintindihan kung ano 'yong sinasabi niya pero malakas ang kutob ko na may gusto siyang ipahiwatig sa akin.

"Siguro, gusto niyang dalawin mo siya. Lalo na ngayon na ikakasal ka na," payo pa sa akin ng aking kapatid. Lumakas ang kabog ng aking dibdib nang marinig iyon. Gumapang ang kilabot sa aking buong katawan.

Pero bakit? Matagal na siyang patay. Matagal nang patay si Charles. Dapat ay nananahimik na siya kung nasaan man siya ngayon.

Isang buwan na ang nakalilipas nang magsimula siyang magpakita sa aking mga panaginip. Basang-basa siya at puno ng lumot ang katawan. Mag-isa, nilalamig at umiiyak. Sa huli ay isang babae ang hihila sa kanya mula sa dilim.

Sino ang babae na iyon?

Bakit paulit-ulit ang panaginip ko?

Alam kong mali dahil si Erwin na ang mahal ko, pero hindi ko maiwasan na mag-alala para sa kanya kahit na panaginip lang iyon. Para na din akong nagtataksil sa aking mapapangasawa. Aminado ako sa sa sarili ko na may naiwan na malaking puwang dito sa aking puso si Charles. Siya ang una kong minahal. Sa kanya ko din naranasan ang unang halik. Sa kanya ko unang beses naramdaman ang masaktan. Siya ang una ko sa lahat. Sa kanya umikot ang buhay ko noon. Sampung taon kaming nagmahalan, hanggang sa yayain na niya akong magpakasal. Pero isang malagim na aksidente ang pumigil sa aming pag-iisang dibdib.

"Uy. Natahimik ka na riyan? Tama naman ako hindi ba?"

Hindi ako sumagot. Tahimik lang akong nag-isip.

"Matutulog na ako, ate. Alas-tres na pala, maaga pa ang pasok ko bukas. Huwag ka nang matulog dahil baka bangungutin ka na naman. Hindi pa matuloy ang kasal ninyo ni Kuya Erwin," saad niya sa akin sabay talukbong ng kumot. Katulad ng sinabi niya ay pinilit kong huwag makatulog dahil natatakot akong baka bangungutin muli.

Kinaumagahan ay nagpunta ako sa paboritong lugar namin ni Charles.

"Ang daya mo. Kung kailan okay na ako, tsaka ka bumabalik." Nakatingin lang ako sa kawalan.

"Sorry kung magpapakasal na ako ha?"

"Naisip ko na matutuwa ka kapag nakita mo akong masaya sa buhay ko ngayon. Masaya ako, Charles. Mabait si Erwin. Inaalagaan niya ako katulad ng pag-aalaga mo noon sa akin."

"Alam ko masaya ka na riyan. Alam kong ito 'yong gusto mo, ang makabangon ako sa pagkawala mo." Hindi ko namalayan na may mga luha nang pumatak sa aking mga mata.

Pagkatapos noon ay isang malamig na hangin ang yumakap sa aking buong katawan. Hindi ko maintindihan ngunit pakiramdam ko ay niyakap at kinausap ako ni Charles.

"Tulong?" Inulit ko ang mga salitang pumasok sa aking pandinig kasabay ng hangin na iyon.

Nagsitayuan ang mga balahibo sa aking batok. Nakapangingilabot.

Hindi ko namalayan na dinala na ako ng aking mga paa sa lugar kung saan namatay si Charles. Nandito ako ngayon sa Wawa Dam sa Montalban, naghahanap ng kasagutan.

Pag Ong's Creepy TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon