Bangungot

211 7 0
                                    



Nagising ako isang gabi dahil sa ingay ng asong kanina pa umaalulong. Nakakakilabot. Hindi ko alam kung kaninong aso iyon dahil limang taon na ang nakalilipas buhat nang mamatay ang aking alagang si Tigas, ginawa itong pulutan ng aming lasinggerong kapitbahay.

Bumangon ako dahil sa narinig kong mga yabag ng pagtakbo, mukhang may gulo. Parang maraming tao ang nagtatakbuhan na animo'y may bahay na nasusunog.

Dahil sa likas na kyuryosidad ay lumabas ako upang alamin ang nangyayari. Ngunit kabalintunaan sa inaasahan ko ay walang maraming tao ang nagtatakbuhan, bagkus ay isang mapayapang prusisyon ng mga malalaking santo. Puro sila mga kababaihan na may suot na itim na belo. Halos hindi mo makita ang kanilang mga mukha. Sa pinakadulo ay may isang lalaking nakasuot ng itim. Pilit ko itong kinikilala pero hindi ko maaninag ang mukha. Nang malapit na siya sa akin ay napansin ko ang hawak nitong karit. Tumigil ito mismo sa harapan ko at binato ako ng isang napakatalim na tingin, na siyang nagbigay sa akin ng matinding kaba. Hindi ko maintindihan ngunit may kakaiba sa kanyang mga titig. Parang gusto niya akong saktan. Kung may mas malalim pang ibig sabihin ang mga titig na iyon, hindi ko alam.

Dali-dali kong isinara ang gate at tumakbo papasok ng bahay. Handa na sana akong bumalik sa pagtulog nang marinig kong umubo ang aking lolo. Nakaramdam ako ng pag-aalala sa kanya kaya't tumakbo ako sa kanyang kuwarto.

Madilim ngunit naririnig ko pa rin ang kanyang sunod-sunod na pag-ubo. Hirap na hirap na para bang hindi na makahinga. Binuksan ko ang ilaw ngunit hindi ko nakita si lolo sa kanyang higaan. Bagkus ay isang puting pusa ang nakita ko. Nakabulagta na parang isang tao. Hindi ko alam kung wala na ba itong buhay.

Hinanap ko sa paligid si lolo ngunit bigo akong makita siya. Doon ko napagtanto na na matagal nang patay ang lolo ko. Ilang taon na siyang patay kaya't baka guni-guni ko lang iyon. Natawa ako sa sarili. Kung ano-ano na ang naririnig at naiisip ko.

Lumapit ako sa kama para bugawin iyong pusang hindi gumagalaw. Kinuha ko iyong walis tambo sa gilid upang ipambugaw sa kanya. Tinusok-tusok ko 'yong bandang tiyan pero hindi pa rin gumalaw. Inilapit ko ang mukha ko upang tingnan kung humihinga pa ba pero nagulantang ako nang bigla itong tumalon papunta sa akin at kinagat ako sa mukha.

Ramdam ko ang mga kalmot at maging ang pagdiin ng mga pangil nito sa aking laman. Sigaw ako nang sigaw ngunit wala akong naririnig na boses. Buong-puwersa ko itong hinila at inihagis. Tumalsik ito malapit sa bintana ngunit parang walang nangyari at dinilaan lang nito ang mga dugo sa katawan.

Hinabol ko ito ng walis ngunit tumalon ito sa bintana't tuluyan nang nakatakas. Kinapa ko ang aking mukha, sabay tingin sa mga kamay. Punong-punong ito ng sariwang dugo. Takot na takot ako. Nanginginig.

Lumabas ako sa kuwarto ni lolo upang tawagin ang aking mga magulang pero hindi ko sila makita.

Nang biglang mapansin ko ang paggalaw ng serador ng aming pinto. Para bang may kung sino ang pilit itong binubuksan. Nagsimula nang bumilis ang tibok ng aking puso. Ramdam ko ang malakas na pagkabog nito.

Natatakot ako dahil marahas ang ginagawa niyang pagbukas. Hanggang sa tumigil na rin siya.

Ilang minuto ng katahimikan. Hindi pa rin nawawala ang kaba sa aking dibdib. Hanggang sa maalala ko ang pinto sa likod ng aming bahay. Nanlaki ang mga mata ko at saka nagsimulang tumakbo papunta roon.

Nanginig ang mga tuhod ko nang makita iyong bukas na bukas. Ramdam ko ang malamig na hangin mula sa labas na pumapasok doon.

Hanggang sa marinig ko sa aking likuran ang malalim na boses ng isang lalaki.

"Oras mo na," sabay sakal sa akin mula sa likuran gamit ang isang lubid.

Pilit kong tinatanggal ang lubid na nakapalupot sa aking leeg ngunit sadyang napakalakas niya. Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng aking mga luha, tinatanong ang sarili kung oras ko na ba talaga. Hindi pa ako handa. Hindi ko pa kaya. Kung noong una ay nakakapanlaban pa ako, unti-unti ay nauubos na ang natitira kong lakas. Hanggang sa tuluyan na akong naubusan ng hininga at bigla na lang nagblanko ang lahat.

***

Nagising akong habol-habol ang hininga. Pawis na pawis at pilit na inaalis ang masamang bangungot na naranasan. Umiiyak akong nagpasalamat na panaginip lang ang lahat ng iyon. Buong akala ko ay katapusan ko na. Para kasing totoo ang lahat.

Bumaba ako upang uminom. Uhaw na uhaw ako at sobrang pagod. Hindi ko alam pero parang naglakbay ako nang napakalayo.

Pagbaba ko pa lang ay napansin ko na ang maraming tao sa sala. May ibang namumukhaan ko at may iilang hindi ko kakilala. Hindi ko tuloy maiwasang tanungin ang sarili kung bakit ang dami naming mga bisita.

Hanggang sa mapansin ko ang matinding liwanag na nanggagaling sa aming garahe. Nagtungo ako roon at nagulat ako dahil sa isang puting kabaong. Sino ang patay? Bakit hindi ko alam? Muli ay nakaramdam ako ng matinding kaba.

Nilapitan ko si Mama na noon ay may kausap na matanda.

"Bangungot," sabi ni Mama sa kausap.

Tumingin ito sa kabaong habang umiiling at naglitanya ng, "Kung oras mo na talaga, oras mo na."

Sino ang binangungot? At bakit parang namumugto ang mga mata ni Mama? Si Kuya? Si Papa? Si Ate? Si Bunso? Sino?

Nang tingnan ko ang laman ng kabaong ay labis na gumuho ang aking mundo. Ako. Ako ang laman nito.

Pag Ong's Creepy TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon