Salvos Aptissimum

46 4 0
                                    


Mag-isa kang naglalakad sa dilim. Naghahanap ng makakain. Pagkain na pagsasaluhan ng buo mong pamilya. Tiningnan mo isa-isa ang mga lumang establisyemento na nilimot na ng panahon. Inalala mo ang mga oras na madali ang lahat ng bagay. Nanghinayang ka. Nagsisi. Maraming "sana" ang pumasok sa isipan mo. Pero alam mong wala ka nang magagawa.


Sa iyong paglalakad, nakita mo ang isang batang babae na mistulang naliligaw. Nakaramdam ka ng awa. Nakaramdam ka ng alinlangan. Pero naisip mo na hindi mo maaaring palampasin ang pagkakataong iyon. Kailangan mong kumain. Kailangan mong mabuhay. Handa ka na sanang pumatay, pero natigilan ka noong magsalita siya.


"Kuya? Nakita n'yo ba ang mama ko? Kagabi pa siya hindi umuuwi."


Naalala mo ang sarili mo noong nagsakripisyo ang iyong ina upang may makain kayong magkakapatid.


Tumalikod ka sabay sabing, "Umuwi ka na. Delikado rito sa labas." Ilang hakbang pa lamang ay naramdaman mo ang magkakasunod na pagtarak ng patalim sa iyong likod. Nang bumagsak ka sa sahig ay nakita mong nakangiti ang bata. Tumutulo ang luha mong tinanggap ang katotohanan na naging mahina ka. Mahina, dahil nakaramdam ka ng awa. Mahina, dahil nakalimutan mong nabubuhay ka sa panahong tao ang kinakain ng mga tao.

Pag Ong's Creepy TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon