Eroplanong Papel

121 7 0
                                    

Hindi ko alam kung ilang linggo na ba akong hindi lumalabas ng aking apartment. Buhat kasi nang maghiwalay kami ni Bernadette ay nawalan na ako ng ganang mabuhay. Napabayaan ko ang aking pag-aaral at piniling mabuhay nang miserable.

Umiiyak akong tinitingnan ang larawan ng dati kong kasintahan. Napakaganda talaga niya, kaya naman marami akong naging kaagaw. Hindi ko pa rin matanggap na ipinagpalit niya ako sa guwapo naming propesor.

Sabi niya ay nagising na lang siya isang araw na hindi na niya ako mahal. Nabaling na raw ang pagtingin niya sa iba. Punyeta siya. Ayaw pa niyang aminin na malandi siya.

Biglang sumulpot ang kapitbahay kong si Pongpong. Siyam na taong gulang. Sanay na talaga siyang hindi kumakatok sa pinto at basta-basta na lang pumapasok.

Okay lang naman sa akin dahil kahit papaano ay nalilibang ako tuwing magpapakuwento siya o kaya naman ay makikipaglaro.

Ang pamilya niya ang pinaka-matagal na nangungupahan sa compound na ito, at noong bagong lipat pa lang ako ay nakasundo ko na siya.

"Kuya Aries, naniniwala ka ba sa multo?" tanong niya matapos niyang magpagawa ng eroplanong papel.

Napaisip ako nang sandali. Hindi ko kasi alam ang isasagot sa kanya.

"Hindi," sagot ko.

"Bakit hindi?" segunda niyang tanong.

"Kasi ginawa lang naman talaga ang konsepto ng multo upang ipanakot sa mga makukulit na batang kagaya mo," sabay kiliti ko sa kanyang tagiliran.

Tawa siya nang tawa habang hindi mapakali ang katawan na para bang isang kiti-kiti.

Bigla siyang tumakbo at tumingin sa kanyang kaliwa kung nasaan ang aking banyo. Bigla siyang naging seryoso.

"Kuya. May nakikita akong lalaking nakabitin sa banyo mo." Kaagad niyang iniwas ang tingin sa banyo.

"Ha? Seryoso ka ba? Ano'ng hitsura?" Bigla akong nakaramdam ng kilabot sa buong katawan. Ngayon lang kasi siya nagkuwento nang gan'on buhat nang makilala ko siya. Hindi kaagad ako tumingin sa banyo dahil aaminin ko, natakot ako sa sinabi niya.

"Opo, kuya. Ayaw ko na pong tingnan kasi parang nakadilat yung mga mata niya."

Pilit kong pinapasok sa isip ko na guni-guni lang niya iyon. Mag-isa lang ako sa bahay kaya ayaw kong takutin ang sarili ko dahil doon. Pero naglakas-loob na rin akong lumingon sa aking banyo para masigurado na namalikmata lang siya.

Paglingon ko ay mistulang binuhusan ang buo kong katawan ng yelo—dahil ang lalaking nakabitin sa banyo... ay ako.

Pag Ong's Creepy TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon