Puting Van

54 6 0
                                    

Buong buhay ko ay tinatanong ko ang Diyos kung bakit sa ganitong murang edad ay kailangan kong maranasan ang hirap ng buhay. Bakit ba kailangan kong maranasan ang mga bagay na hindi nararanasan ng isang normal na bata.


Hindi ko man lang naranasan ang mabilihan ng laruan. Ang makakain sa masarap na kainan. Ang maranasang mahalin at pahalagahan ng mga magulang. Sawang-sawa na ako sa buhay ko. 

Sawang-sawa na akong mabuhay sa kalsada at makipagpatintero kay kamatayan. Umabot na ako sa sukdulan. Umabot na ako sa puntong parang gusto ko na lang mawala.

Hanggang sa may nakilala akong tao na nagparamdam sa akin kung paano ang mahalin. Siya si Nanay Celia. Palagi niya akong binibigyan ng pagkain sa tuwing makikita niya ako sa kalsada. 

Hindi ko alam pero para siyang hulog ng langit dahil sa tuwing nakakaramdam ako ng gutom ay nagkukrus ang landas namin.

Dahil kay Nanay Celia ay nakaramdam ako ng kaunting pag-asa. Naramdaman ko na may pwedeng magamahal sa akin. Sa kanya ko naramdaman ang kahulugan ng salitang pamilya.

Isang araw ay tinanong niya ako kung gusto kong tumira sa kanilang bahay at maging anak niya. 

Gusto kong humagulgol pero pinigil ko at niyakap na lamang siya. Sabi niya, mag-isa na lang siya at parehas kaming naghahanap ng pamilya. Sa wakas ay may taong gusto akong alagaan at mahalin. Sa wakas ay hindi na ako matutulog sa kalsada. Sa wakas ay hindi na ako kakain nang tira-tira. Sa wakas ay hindi na ako mag-iisa.

Biyernes iyon at sabi niya, babalikan niya ako nang linggo dahil may mga aasikasuhin pa siya para sa paglipat ko. Pumayag ako dahil ilang araw lang naman iyon kumpara sa ilang taon kong pag-iisa. Habang naghihintay ay ipinangako kong magiging mabuting anak ako kay Nanay Celia.

Linggo ng umaga, habang nakahiga ako sa maruming bangketa ay ginising ako ng isang lalaki na hindi ko kakilala. Ang sabi niya, kaibigan daw siya ni Nanay Celia at hinihintay na raw ako nito kanina pa. Dahil narinig ko ang pangalan ng aking magiging ina ay tumayo ako at sumama sa kanya. Dinala niya ako sa isang puting van na hindi kalayuan. Noong una ay nagdalawang-isip pa ako at tumingin sa lalaki. Pero nawala agad iyon nang bumukas ang pinto ng van dahil nasa loob nito si Nanay Celia. Nakangiti siya at sinenyasan akong tumabi sa kanya. Sumunod ako sa kanya at pumasok sa sasakyan. Niyakap ko siya at tinawag na mama.

Habang nasa byahe ay may inilabas siyang panyo na kanyang ipinahid sa mukha ko dahil marami raw akong dumi sa mukha. Hinayaan ko lamang siya at tumingin sa aking harapan. Mayamaya ay nakaramdam ako ng hilo. Siguro dahil sa aircon...hindi kasi ako sanay. Kahit kagigising ko lang ay nakaramdam ako ng antok kaya sumandal ako kay Nanay Celia.

Paggising ko ay nasa loob ako ng isang kuwarto na medyo luma na. Nanghihina kong nilibot ang aking paningin sa paligid. Umaasang makita roon si Nanay Celia. Medyo madilim kaya hindi ko makita ang kabuuan nito pero napansin ko na kakaunti ang mga gamit. Tatayo sana ako pero nakaramdam ako ng pagkahilo at sakit sa tagiliran.

Nagpahinga lang ako saglit at saka tumayo kahit medyo hindi pa maayos ang pakiramdam. May narinig akong pagkilos sa labas kaya kaagad ko iyong sinilip dahil kung hindi ako nagkakamali ay si Nanay Celia iyon. Pero laking gulat ko noong makita kung sino ang paparating dahil hindi ito ang inaasahan kong makita.

Isang matandang lalaki na may dala-dalang parang planggana. Taga-ibang bansa siya dahil bukod sa maputing balat at napakatangos na ilong, may kulay rin ang buhok niya na kagaya sa mga pelikula.


Bumilis ang tibok ng aking puso dahil hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ako makagalaw. Buti na lamang ay sa ibang pinto siya pumasok. Bahagya ay nakahinga ako nang maluwag.

Dahan-dahan akong lumabas ng kuwarto upang hindi niya malaman na gising na ako. Noong mga oras na iyon ay gustong-gusto kong makatakas. Gusto kong mabuhay para balikan ang taong nagdala sa akin sa sitwasyong iyon. Gusto kong itanong kung bakit niya iyon nagawa sa akin. Tumutulo ang luha ko dahil hindi ko akalaing magagawa sa akin iyon ni Nanay Celia.

Makakaalis na sana ako nang biglang makarinig ako ng isang malakas na hiyaw. Hindi ko natiis ang sigaw na iyon dahil para itong nanghihingi ng tulong. Hindi ko kayang talikuran ang sinumang nanghihingi ng saklolo.

Sinilip ko ang kuwarto kung saan pumasok ang lalaki at nakita ko ang isang bata na nakahiga sa puting kama. Wala na itong buhay habang iniisa-isa ng lalaki na kunin ang mga lamang-loob nito. Marahan niya itong inilalagay sa isang planggana. Naduwal ako sa aking nakita. Wakwak ang katawan ng bata na halos kasing-edad ko lamang. Nanginginig ako habang pinapanood ang kalunos-lunos na sinapit nito.

Muling umalingawngaw ang isang sigaw at doon ko nalaman na buhay pa pala ang bata na narinig kong humihingi ng saklolo. Hindi pa rin siya tumitigil sa kagustuhang makawala. Nag-isip ako kung paano ko siya matutulungan. Hindi ko man mailigtas ang buhay ng batang kasalukuyang kinakatay ng lalaki, may pagkakataon pa naman ako para mailigtas ang isa pa.

Dahan-dahan akong pumasok sa kwarto para hindi ako maramdaman ng matandang lalaki. 

Marahan lang ang kilos ko pero nakita ko na lang ang batang lalaki na nakatingin sa akin. Nanlalaki ang mga mata niya na para bang nakakita ng isang multo.


Nagtago ako sa likod ng isang cabinet na malapit sa pinto. Nakatingin pa rin sa akin ang bata. 

Hindi ko na lang pinansin iyon at naghintay pa rin ako sa tamang pagkakataon. Hanggang sa lumabas na ang lalaki bitbit ang mga lamang loob na nakuha nito. Tinakpan pa niya ng isang puting tela ang buong katawan ng patay na bata.

Nang makaalis ay saka ako lumapit sa umiiyak na bata. Pinakawalan ko siya at tinulungang makababa sa kama. Nang makita ko ang bintana ay lumapit ako rito at tiningnan kung bukas ba. Masuwerte kami dahil bukas ito kaya doon kami dumaan para makalabas. Pinauna ko siyang lumabas. Kung gaano karahan ang kilos ko ay siya namang bilis ng tibok ng puso ko.

Nang umaakyat na ako sa bintana ay narinig ko ang paggalaw ng door knob. Nagmadali akong tumalon sa bintana at kaagad na yumuko. Nakita ko ang bata na tumatakbo palabas ng gate. Bago pa ako mahuli ng lalaki ay mabilis akong sumunod sa bata.

Nang medyo malayo na kami sa bahay ng lalaki ay sinigawan ko 'yong bata. Pero hindi ito tumitigil sa pagtakbo.

Binilisan ko ang pagtakbo para mahabol siya. Pero imbes na tumigil ay mas lalo siyang kumaripas ng takbo. Sa sobrang bilis niya ay natalisod siya at nawalan ng balanse. 

Nagpagulong-gulong siya sa sahig. Akma ko siyang tutulungan nang sabihin niyang, "Huwag kang lalapit! Hindi ka totoo. Hindi ka totoo!"

Nagulat ako sa sinabi niya. Hindi ko siya maintindihan.

"Teka, bata. Ano'ng sinasabi mo?" Tanong ko habang papalapit dahil hindi ko siya pinakinggan.

"Patay ka na! Patay ka na! Nakita ko yung katawan mo kanina habang tinatanggalan ng lamang-loob. Patay ka na!" Kinilabutan ako sa sinabi niya. Nabigla. Natulala.

Itinaas ko ang damit ko at nakita ko ang mahabang sugat sa aking tagiliran. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa kaniya. Hindi ko alam dahil noong huling beses na naniwala ako sa isang tao, hindi ito nagsabi ng totoo.

Pag Ong's Creepy TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon