Killer Clown

237 7 0
                                    

"Sumama ka na Kyle. Maraming bebot doon."

Pamimilit sa akin ng pinsan kong si Neil na samahan siya sa Disco. Ayaw kong sumama dahil pagod ako at mas gugustuhin kong matulog na lang kaysa uminom at sumayaw kasama ang jologs kong pinsan.

Umiling lang ako.

"Bahala ka nga, basta huwag mo akong isusumbong kay lola, ah?" Tango lang ang isinagot ko. Tinatamad kasi akong ibuka ang aking bibig.

"Baka alas-tres na ako makauwi, susulitin ko na ang gabi na 'to. Baka wala nang kasunod, e."

Paglabas niya ay kaagad kong ini-lock ang pinto.

Sa sala ko na lang din piniling matulog upang mas mabilis mapagbuksan si Neil sakaling umuwi siya. Baka kasi hindi ako magising kaagad kung sa kuwarto ako matutulog. Medyo tulog mantika kasi ako.

Nagbasa muna ako ng libro. Iyon kasi ang paraan ko kapag hindi makatulog. Pinapagod ko ang aking utak para dalawin ako ng antok.

Tiningnan ko ang aking relo, alas-dose na pero hindi pa rin ako inaantok. Nakinig na lang ako ng radyo sa cellphone at ipinikit ang mga mata.

Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako hanggang sa gisingin ako ng malalakas na pagkatok.

Tiningnan ko ang oras at eksaktong alas-tres na pala. Nagmamadali akong bumangon upang pagbuksan ang aking pinsan. Pupungas-pungas kong binuksan ang pinto ngunit laking gulat ko nang wala akong Neil na nakita. Sinilip kong mabuti ang labas dahil baka nanloloko lang ang aking pinsan.

Napansin ko ang isang anino na nagtatago sa malaking puno ng narra na nasa aming tapat. Si Neil talaga, kahit kailan ay tatanga-tanga. Manloloko na nga lang, palpak pa.

Isinara ko ang pinto pero hindi ko ini-lock para kung sakali ay pumasok na lang siya. Bumalik ako sa higaan at muling hinanap ang antok.

Mayamaya ay magkakasunod na katok na naman ang aking narinig. Hinayaan ko lang siya hanggang sa tumigil. Wala pang tatlong minuto ay muli na naman siyang kumatok, at mas malalakas na iyon. Sa pag-aalalang baka magising si Lola ay sinabihan ko siya na hindi iyon naka-lock at hindi na niya kailangang kumatok pa.

Habang pinipilit kong muling makatulog ay naramdaman ko ang marahang pagbukas ng pinto. Hindi na ako dumilat upang hindi na niya ako kuwentuhan ng mga nangyari sa Disco. Alam ko naman kasing mang-iinggit lang ang mokong.

Naramdaman ko ang kanyang presensya sa aking ulunan. Balak ko sana siyang gulatin ngunit biglang umubo si Lola nang pagkalakas-lakas mula sa kuwarto nito. Matapos noon ay narinig ko ang mga yabag ng aking pinsan paitaas. Hindi nagtagal ay nakatanggap ako ng isang text. At nagulat ako nang makita kung kanino galing iyon. Kay Neil. "Insan, baka umaga na ako makauwi. Dumiretso pa kami sa motel ng babaeng nakilala ko. Ikaw na bahala kay lola, ah. Kuwentuhan kita pag-uwi ko."

Nanlaki ang mga mata ko sa nabasa. Binasa kong mabuti kung anong oras dumating 'yong text at parehas naman sa kung anong oras ang nasa aking relo.

Kung umaga pa makakauwi si Neil, sino 'yong kumatok nang paulit-ulit at ngayon ay nasa itaas. Bigla kong naisip si Lola. At ang madalas niyang bilin sa amin ni Neil. "Kung may kakatok sa pinto nang alas-tres ng madaling araw. Huwag niyo kaagad pagbubuksan. Tawagin niyo muna sa pangalan at kung sumagot, pakinggan niyong maigi ang boses kung kakilala niyo ba." Dumagundong ang aking dibdib sa sobrang kaba. Nagpapasok ako ng hindi kakilala at wala akong ideya kung sino iyon.

Nanginginig akong tumakbo sa kusina upang kumuha ng kahit anong puwedeng gamiting armas sa hindi kilalang nilalang na kasalukuyang nasa ikalawang palapag ng aming bahay. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung sakaling may masamang mangyari sa aking lola.

Pag Ong's Creepy TalesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon