KABANATA I: AKO SI ANNIE.
NAGISING ako sa tunog ng alarm clock. Bago ko tuluyang idilat ang aking mga mata ay pasumandaling naisumpa ko muna ang kung sinumang herodes na nakaimbento ng alarm clock. Ngunit siyempre ay agad ko ring binawi iyon dahil kahit na ano pang inis ang maramdaman ko, kailangan ko pa rin naman talagang gumising nang alas-singko ng umaga. Ibig sabihin, may nag-iingay mang alarm clock sa tabi ko o wala, hindi na mababago ang katotohanan na sa araw-araw ng buhay ko ay kailangan ko talagang magising nang maaga.
Nang sa wakas ay tuluyan ko nang maidilat ang aking mga mata, sinalubong ako ng pamilyar na tanawin—ang puting kisame sa mumunting kuwarto ko. Sa bawat umaga—iyon ang nagiging piping patunay na sa paggising ko ay uulitin ko na naman ang mga bagay na nagawa ko na kahapon, noong isang araw, noong isang linggo at noong mga nakaraang taon. Ang gusto ko lang namang ipunto ay pare-pereho na lang ang nangyayari sa pang-araw-araw na buhay ko. Walang bago. Pero hindi naman ako nagrereklamo o ano. Thankful pa nga ako sa buhay na meron ako. Dahil sa kabila ng lahat ng nangyari ay may isang pamilya na kumupkop sa akin at binigyan ako ng matinong matitirhan.
Bumangon ako mula sa aking papag. Naghikab at nag-inat-inat. Lumabas ako ng aking kuwarto—ang kuwarto na ginagamit ko sa loob na ng sampung taon. Pagkatapos ay nagtungo ako sa banyo na nasa kusina. Doon ay naghilamos ako. Nang matapos ay muli akong bumalik ng kusina at binuksan ang refrigerator. Hinalungkat ko ang mga laman niyon para magkaroon ako ng idea kung ano ang iluluto ko para sa almusal. Habang ginagawa ko iyon ay napansin ko na kailangan ko nang sabihin kay Tita Mia na paubos na ang stock ng pagkain sa ref. Siguro naman ay hindi siya magagalit sa akin kapag sinabi ko ang tungkol sa bagay na iyon. Pero kung iisipin, kahit na ano namang bagay ang sabihin ko kay Tita Mia ay palagi na lang siyang nakaangil sa akin. Kahit pa ang totoo ay wala namang akong ginagawa o sinasabing masama. Pero nasanay na rin naman ako sa pakikitungo sa akin ni Tita Mia. Bale-wala na sa akin ang pagtrato niyang iyon. Minsan naman kasi kapag good mood siya ay nagiging mabait din naman siya sa akin. May mga pagkakataon pa nga na nagugulat na lang ako dahil binibilhan na niya ako ng bagong damit. Ang mumunting bagay na iyon ang dahilan kung bakit hindi ako nagtatanim ng galit kay Tita Mia sa kabila ng mga “karanasan” ko sa pagtrato niya sa akin. Sa totoo lang, ako iyong tipo ng tao na hindi marunong magtanim ng galit sa kapwa. Madali akong makalimot ng atraso sa akin. Madali akong magpatawad.
Nagsimula akong magluto ng almusal. Bacon, hotdogs, sunny-side up eggs at fried rice. Pagsapit ng alas-sais ay nai-set ko na ang hapag. Naghugas muna ako ng kamay at nagpunas sa hand towel bago ako lumabas ng kusina para umakyat sa second floor ng bahay. Una kong kinatok ang pinto ng kuwarto nila Tita Mia at ng asawa niyang si Tito George. Kasunod ay ang kuwarto naman ni Jun—ang bunso ng pamilya. Pumasok ako sa loob niyon at marahan kong niyugyog sa balikat ang natutulog na binatilyo. Kung hindi ko kasi gagawin iyon ay male-late na naman sa pagpasok sa eskuwelahan si Jun. Sumunod na pinuntahan ko ay ang kuwarto ni Laviña. Kumatok ako sa pinto. Hindi tulad sa kuwarto ni Jun ay hindi ako allowed na pumasok sa kuwarto ni Laviña. Magagalit kasi siya sa akin kapag ginawa ko iyon. Ibang magalit si Laviña. Nagiging bayolente siya. Iniiwasan ko rin naman na magkainitan kaming dalawa. Hindi ko gusto na patulan si Laviña. Saka nakakahiya rin naman kina Tito kung papatulan ko pa ang anak nila. Kaya naman pinapabayaan ko na lang na ako palagi ang puntirya ng matalas na dila ng aking pinsan.
“I’m already awake, you stupid bitch!” ang sigaw mula sa loob ng kuwarto ni Laviña. Napailing na lang ako. Gising na ang kondesa.
Muli na akong bumaba at bumalik sa kusina. Nakaupo na sa hapag sina Tito George, Tita Mia at Jun. Nagsimula naman ako na magtimpla ng kape.
“Ate Annie, nalabhan mo ba iyong blue shirt ko? Iyong may print na skeleton?” ang tanong sa akin ni Jun. May laman pang pagkain ang bibig niya.
BINABASA MO ANG
Midnight Kiss
VampireKilalanin si Annie. Isang simpleng babae na may ordinaryong pamumuhay. Ngunit nakatakda iyong magbago dahil makikilala niya ang sikat na gothic rock band na MIDNIGHT KISS. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay malalaman niya ang pinakatatagong sekreto...