Chapter 5

40 9 0
                                    

A day before the first day of college, I decided to go to the mall to buy the things I needed for the whole semester. Good thing I listed it down so I won't forget it when I'm already in the mall.

Halos isang linggo na ang nakalipas nang lumipat ako dito sa Casa. Ilang araw na rin ang nagdaan nang huli kong makasalamuha ang magkakaibigan na nakatira rin dito. Hindi ako lumabas ng aking silid sa mga nagdaang araw at kinulong na lang ang sarili. Kapag oras ng agahan ay minamabuti kong matulog lang, hindi pinapansin ang matanda na kumakatok sa pinto. Tuwing alas dos naman ng hapon ako bumababa upang kumain ng tanghalian. Batid kong wala ang mga iyon sa ganoong oras dahil tahimik ang buong bahay. Marahil nagsisiesta ang mga ito o nagliwaliw. Pagkatapos kumain ay huhugasan ko muna ang pinagkainan at aakyat na agad sa kwarto, doon muling magpapalipas ng maghapon kasama si Kelly. Sa hapunan ay ganoon rin ang aking ginagawa. Matapos nilang kumain lahat at tahimik na, ako naman ang bababa. Hindi na naulit ang nangyari noong unang araw ko rito na sa alas dies ng gabi ay kumpleto sila rito sa baba. Sa ganoong oras ay wala ni isa sa kanila ang lumabas ng silid. Laking pasasalamat ko naman at ganoon ang nangyayari dahil naging payapa ang pananatili ko rito.



Sinuot ko ang sweater na bigay sa akin ni Klio noong nakaraang taon. Kinuha ko rin ang bonnet kong itim dahil tiyak na malamig sa labas. Paglabas ng bahay ay naabutan ko pa ang gwardya. Nakatakip ang malaking dyaryo sa kaniyang mukha, na animo'y nagbabasa. Ngunit sa aking tingin ay natutulog lamang ito. Nilagpasan ko siya at nag-abang ng taxi.

Medyo malayo ang SM City Baguio mula rito kaya kailangan kong magcommute. Pang pitong taxi na ang nagdaan ngunit wala pa ring humihinto. Wala namang sakay ang mga ito ngunit hindi sila nag-abalang isakay ako. Kailangan ko ng mahabang pasensya dahil hindi ko naman sila masisisi kung hindi nila gusto ang pasahero. Nakatayo lamang ako sa labas ng gate at sa kabutihang palad, sa ika labing-isang taxi, nakasakay na ako.

Tingin nang tingin ang driver sa akin mula sa rear view mirror. Tila nagdadalawang-isip kung tama ba ang desisyon na isakay niya ako.

Napabuntong-hininga ako bago sabihin kung saan niya ako maaaring ibaba.

Makalipas ang isang oras ay narating ko ang mall. Kung titingnan mula sa labas ay dalawang palapag lang ang mayroon ngunit sa pagpasok ay malalaman mong mas maraming palapag pala ito dahil meron itong underground floor. Marami ang tao at halos puro estudyante. Mga naghahanda na rin para sa pasukan bukas. Hindi na ako nagliwaliw pa, dumiretso na ako sa National Book Store. Wala rin pala akong dalang bag na gagamitin sa eskwela kaya titingin na rin ako sa Department store mamaya.

Habang tumitingin ng binder na siyang gagamitin ko sa buong semester, naagaw ng atensyon ko ang isang bata na sa tingin ko ay nasa apat hanggang anim na taong gulang. Nakaupo ito sa sahig at pinupunit ang mga pahina ng notebook. Nagkalat ang mga punit na piraso sa sahig at apat na notebook na rin ang kaniyang nasira.


Lumapit ako sa kaniya ng kaunti upang kuhanin na lang ang mga napunitan niyang notebook at ako na ang magbabayad ngunit pagkakita sa akin ay bigla siyang umiyak. Hindi ko matukoy kung ano ang dapat kong gawin gayong mas lalo pang lumakas ang iyak niya na nakaagaw na ng atensyon ng iba. Nagbubulungan na rin ang mga nakakita at galit na nakatingin sa akin, iniisip na may ginawa akong masama sa bata. Lumuluha ang batang babae habang binabato ang kwadernong hawak. Sa liit at hina niya ay sa tuhod ko lamang tumama ang notebook ngunit masasabi kong masakit ito dahil dulo nito ang tumama sa aking buto. Hindi ako gumalaw sa aking pwesto at natuod na pinapanuod ang batang umiiyak hanggang sa may isang babae ang humahangos na lumuhod para mapantayan ang bata.

"Why baby? Why are you crying?"

Tinuro ako ng bata at lalo pang umiyak sa bagong dating na babae. Masama akong tiningnan nito, kinarga ang bata at tumayo.

Against All OddsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon