Wattpad Original
Mayroong 4 pang mga libreng parte

Tale 🔸 4

17K 1.1K 76
                                    

Alessia's POV

NAGING maingay sa bahay araw-araw lalo na at maraming nagpupunta na kadalagahan para makausap ako.

Tawang-tawa na nga si Honey tuwing aalis na ang mga babae dahil hindi raw nila alam na babae ang kinahuhumalingan nila, pero mas mabuti na rin ito dahil kilala na ako sa buong bayan ng Samona bilang si Ales, ang lalaking pamangkin ni Honey.

Kahit ang mga Valerian Sentinels ay nakilala na rin ako at pumapansin sa akin tuwing nagagawi ako sa bayan para bumili ng mga paninda.

"Ales, sinabi pala sa akin ni Gaspar na kung pwede sumama ka raw sa pangangaso ngayon sa hilagang bahagi ng Samona. Sasama rin daw sina Kairo at Klein," turan ni Honey sa akin habang tinutupi nito ang mga tuyong nilabhan.

"Talaga? Gusto nila akong sumama? Pero hindi ako marunong mangaso," tugon ko naman. Gusto kong sumama pero hindi ko alam kung makakatulong ba ako roon.

"Sinabi ko na iyan kay Gaspar na wala kang alam sa pangangaso. Naiintindihan naman niya dahil bata ka pa, pero sumama ka raw para makita mo kung paanong mangaso," saad niya sa akin.

"Sige, sasama ako," sagot ko na lang at nagpalit na ako ng damit na kulay power blue. Para itong Chinese kimono at may sheer cloth na saya at pants sa loob. Nagmumukha akong artista na napapanood ko sa mga palabas na Chinese drama. May itim na belt at itinali ko na ang buhok ko sa isang ponytail.

"Pumunta ka na doon sa tindahan ni Gaspar. Doon ka niya hihintayin." Si Honey.

"Sige, Honey. Aalis na ako," paalam ko sa kanya at hinanap ko naman si Falix na hindi mahilig magsalita. Pero hindi ko ito nakita kaya tuluyan na akong umalis patungo sa tindahan ni Gaspar.

Naglakad ako patungo roon at may mga nakakasalubong akong mga babaeng biglang natatawa nang mahinhin tuwing nakikita ako. Alam ko ang mga ganoon galawan, pero hindi ko sila pinansin. Patuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa narating ko na ang tindahan.

Nadatnan ko roon na nakatayo sina Klein at Kairo na naghihintay rin kay Gaspar. Hindi kami magkaibigan, pero hindi naman kami galit sa isa't isa.

Nakita nila akong dalawa at tumango lang sila sa akin at pagkatapos ay naging abala na sila sa pag-aayos ng kanilang kagamitan sa pangangaso.

Ang kanilang mga suot ay malayong-malayo sa suot ko. Napanguso naman ako dahil nagmumukha akong mamamasyal nito, pero wala naman akong ibang damit na masusuot.

"Ales, nand'yan ka na pala! Mabuti at maaga kang dumating. Inimbitahan talaga kita para makita mo kung paano ang pangangaso," biglang saad ni Gaspar na lumabas sa isang maliit na daanan mula sa kanyang tindahan. Sarado pa ito dahil mangangaso pa sila para ipagbili sa mga taga-Samona.

"Salamat po sa pag-imbeta, Manong Gaspar," masayang sagot ko sa kanya.

Natawa naman si Gaspar. "Naku, 'wag mo na akong tawagin na manong. Oo, mas matanda ako sa 'yo pero halos hindi naman nagkakalayo ang edad natin sa pisikal na anyo. Kaya Gaspar na lang ang itawag mo sa akin," sagot niya sa akin at binuhat na nito ang isang palaso, pero sa tingin ko, isa itong cross bow.

"Sige po, Gaspar," tugon ko sa kanya.

"Tara, sumakay na tayo sa kariton at ihahatid tayo nito sa bukana ng kagubatan," yaya sa akin ni Gaspar. "Kairo at Klein, bantayan n'yo itong si Ales na huwag maligaw."

"Oo, Gaspar," sabay na sagot naman ng dalawa.

Tinalon lang nila ang kariton at ako naman ay maingat na kumapit at umakyat. Nakatingin lang sa akin si Kairo at Klein na tila inaalisa ang mga galaw ko. I hope they won't find me weird.

Umupo na ako sa bakanteng upuan doon. Si Gaspar ay nasa unahan dahil siya ang magmamaneho ng kabayong magtutulak kariton.

"Handa na ba kayong lahat? Wala na bang naiwan?" tanong naman ni Gaspar.

Wala naman akong dala kaya wala akong maiiwan.

"Ales, maingat ka!"

"Aasahan namin ang pagbabalik mo!"

"Manghuli ka ng marami, Ales!"

Napalingon na lamang ako sa aking likuran ng makita ang mga babaeng nagkukumpulan at ngayon ay nakatingin sa akin. Hindi ko sila napansin na nandoon pala sila at kung kailan sila dumating.

"Uh, salamat," naiilang na sagot ko sa kanila at inalis ko na ang tingin ko sa mga nakangiting babae.

Nakita ko naman na napataas ang kilay ng dalawang lalaking kasama ko. I know they find me weird pero wala akong pakialam.

"Hiyah!" sigaw ni Gaspar at nagsimula nang umusad ang kariton.

"Gaspar, uuwi ba tayo mamayang hapon?" tanong ko sa kanya habang nakatanaw ako sa unahan na papalabas na ng bayan.

"Dalawang araw tayong mangangaso kaya hindi tayo makakauwi mamaya. Doon tayo matutulog sa kagubatan," sagot ni Gaspar sa akin.

Nagulat naman ako dahil hindi ko alam iyon, pero mukhang alam naman iyon ni Honey dahil pinabaunan niya ako ng damit.

"Ah, ganoon po ba? Marami bang mga hayop doon?" tanong ko ulit.

"Marami kung magiging masipag. Maiilap ang mga hayop sa kagubatan kaya kailangan talagang dalawang araw tayo doon," sagot nito sa akin.

Napatingin naman ako kay Kairo at Klein na nakatungo lang.

"Kayong dalawa, matagal na ba kayong nangangaso?" hindi ko mapigilan na hindi magtanong sa dalawa.

"Mahigit isang libong taon na," sagot sa akin ni Kairo.

"Ako, mga anim na daan pa." Si Klein.

Napanganga naman ako sa naging sagot nila. Hindi pa rin ako sanay sa mga edad ng mga tao dito. Hindi ko alam kung kailan ako masasanay.

"A-ang tagal na pala," kiming sagot ko dahil pakiramdam ko ay isang surot lang ako kumpara sa edad nila. Ngayon ko lang naramdaman kung ano ang ibig sabihin ng ang tagal na pala.

"Bente ka pa?" Si Klein.

"O-oo," sagot ko sa kanya.

"Ang bata mo pa nga, pero habulin ka na ng mga babae." Ngumisi naman si Kairo. Hindi naman iyon tunog sarkastiko.

"Magandang binatilyo kasi," puna naman ni Klein.

Nahiya naman ako sa sinabi nila. Napakamot na lang ako sa aking batok.

"Pamangkin ka ba talaga ni Honey?" seryosong tanong ni Kairo sa akin na sadyang ikinakaba ko.

Hirap akong tumango pero nagawa ko iyon. "O-oo."

"Kung ganoon, bakit hindi mo ako naaalala, at bakit ang layo ng itsura mo noon maliit ka pa?" Diretsong tanong nito sa akin na naging dahilan para halos sumabog na ang puso ko sa kaba.

"H-hindi ko alam. Nawala kasi ang memorya ko habang nasa Waldorf kami ng mga magulang ko. U-unti-unti rin nagbago ang itsura ko habang lumalaki ako...hindi na kasi ako naliligo ng dagat," kiming sagot ko at parang gusto ko nang maiyak dahil sa klase ng titig ni Kairo sa akin. Parang pinagdududahan niya ako.

Nagulat naman ang reaksyon nito. "Nawala ang alaala mo?"

Tumango ako. Ito ang sinabi sa akin ni Honey kapag may nagtanong at parang nagdududa, ito raw ang sasabihin ko.

"Tigilan mo na nga 'yan bata, natatakot na sa 'yo," pigil naman ni Klein at tumingin naman ito sa akin. "Pagpasensyahan mo na itong si Kairo, malapit kayo noong bata ka pa dahil niligawan niya si Honey."

"Hindi mo na kailangan sabihin 'yan Klein," nakasimangot na saad ni Kairo dito.

Natawa naman si Klein. "Patawad."

Ang awkward. Manliligaw pala ito ni Honey, pero bakit hindi sila magkasama? Binasted ba? Siguro.

"'Wag n'yong pagdiskitahan ang bata, baka pag-iitakin kayo ni Honey pag-uwi natin," babala naman ni Gaspar.

"Oo na. Pasensya na Ales, bayaan mo, babawi kami sa iyo mamaya," nakangiting saad naman sa akin ni Klein.

"Sige po," naging sagot ko na lang at itinuon ko na ang tingin ko sa mga tanawin. May mga bundok akong nakikita sa malayo. May mga talahiban at mga matatayog na puno ng pino.

Lumipas ang dalawang oras at narating na namin ang bukana ng kagubatan. Wala nang nakatira sa nayon kaya bumaba na kami sa kariton.

Agad naman na ipinastol ni Gaspar ang kabayo sa maraming damo na pwedeng kainin ng kabayo hanggang sa makabalik kami.

"Papasok na tayo. Huwag kang lumayo sa amin, Ales," paalaala ni Gaspar sa akin.

"Oho, Gaspar," sagot ko sa kanya.

Naglakad na kami papasok. Matatangkad silang tatlo. Hanggang leeg lang nila ako sa taas ko na limang talampakan at limang pulgada.

Nakasunod ako sa kanila at maingat naman silang naglalakad.

"Mauuna muna tayong pumunta sa pagkakampuhan natin bago tayo magsimula sa pangangaso," utas ni Gaspar.

Agad naman kaming tumalima at naglakad pailalim sa kagubatan. May naririnig akong mga kaluskos, huni ng mga ibon at agos ng tubig. Papalapit kami roon hanggang sa narating na namin ang isang bakanteng lugar na pinalilibutan ng mga puno.

Mayro'n din akong nakitang mga sunog na kahoy na palatandaan na may nagsiga dito. Malamang dito talaga ang pwesto nila Gaspar tuwing nangangaso sila.

"Kairo at Klein, ihanda n'yo na ang tent para kung sakaling uulan ay sa loob tayo matutulog mamayang gabi," utos naman ni Gaspar.

Lumapit naman ako. "Ano po ang maitutulong ko?"

May ibinigay naman sa akin si Gaspar na mga tila balat ng hayop pero nakita ko na lalagyan iyon ng tubig.

"Punuin mo ito ng tubig. May lawa d'yan sa unahan, sundan mo lang ang daan na iyan. Bumalik ka kaagad dito," utos sa akin ni Gaspar.

"Sige po," sagot ko sa kanya. Kinuha ko na ang lalagyan ng tubig at tinahak ko na ang daan na sinasabi ni Gaspar.

Isa itong makitid na daan pero makikita mo talaga. Ilang minuto akong naglakad at nakita ko nga ang isang napakalinaw na lawa. Nakita ko naman ang isang maliit na bukal at alam ko na roon ako kukuha ng tubig.

Agad akong lumapit at nagsimula nang lagyan ng tubig ang lagayan. Madali naman itong mapuno kaya mabilis din akong natapos. Uminom na rin ako ng tubig bago ako umalis. Gusto ko sanang magtagal sa lawa pero naalala ko naman na kailangan kong bumalik kaagad.

Nakabalik na ako at tapos na rin sina Kairo sa pagpatayo ng tent. Kung walang ulan, sa labas kami matutulog. Ganito naman talaga ang mga mangangaso, hindi sila maselan pagdating sa mga ganito kaya hindi ko alam kung makakatulog ba ako mamayang gabi.

"Gaspar, ito na." At iniabot ko sa kanya ang mga tubig.

"Salamat, Ales," usal naman ni Gaspar at tinanggap iyon. Ibinigay naman niya iyon kina Kairo at Klein at may ibinigay din siya sa akin. "Aalis na tayo."

Agad na tumungo kami sa mas ilalim pa ng kagubatan. Halos walang ingay ang aming mga yapak. Kahit hindi ako sanay ay pinipilit kong gumaya sa kanila at hindi maging pabigat.

Silang tatlo ay parehong pana ang kanilang mga dala. Kadalasan kaming nagtatago sa mga halamanan o kaya ay sa puno.

Unang nakita namin ay isang usa, pero hindi pwedeng silain dahil walang kumakain ng usa. Kaya naghanap kami ulit. Mayro'n kaming nakitang isang malaking baboy ramo.

Agad na tumira si Klein pero hindi iyon tumama dahil naramdaman iyon ng baboy ramo at tumakbo ito palayo.

"Sayang," bulong ni Klein.

Maingat na naglakad kami ulit at may nakita naman kaming mga pato. Mabilis na gumalaw silang tatlo at agad silang nakatama ng tatlo at magsiliparan naman paalis ang iba.

Agad na lumapit si Kairo at pinulot niya ang mga tinamaan na mga pato na ngayon ay buhay pa at inilagay iyon sa loob ng parang sakong marumi na gawa sa tela. Napapakunot-noo ako dahil hindi ito duguan, sa halip, parang naparalisa lang ang kanilang katawan at hindi makagalaw.

"Bakit buhay pa sila?" hindi ko mapigilan na magtanong. Ang nakikita ko kasi sa Discovery Channel, patay talaga ang hayop pagtinamaan ng mga pana.

"Hindi namin pinapatamaan ang nakakamatay na parte ng kanilang katawan. Pero may lason ang aming pana na nakakaparalisa sa kanilang katawan, kaya buhay sila hanggang sa susunod na araw at doon na sila sa tinadahan kakatayin," sagot ni Gaspar sa akin.

"Hindi ba iyon nakakasama sa katawan ng mga ta—Wysterian?" tanong ko sa kanya.

Umiling ito. "Ang lason na ito ay hindi nakakasira sa katawan ng tao. Ang lasong ito ay mula sa halaman na hindi kinakain ng mga hayop dahil mapaparalisa sila, pero pwede itong kainin ng imortal," paliwanag niya sa akin.

"Ganoon pala," tugon ko.

Naghanap ulit kami ng mga hayop na pwedeng hulihin hanggang sa inabot kami ng takipsilim.

©️charmaineglorymae

Immortal's Tale |Immortal Series One|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon