Lumaki sa isang pamilyang nagmula sa samu't saring pangkat-etniko, naging makulay ang aking kabataan dulot ng pinagsama-samang tradisyon sa aming tahanan. Isang Batangueño ang ama ko na may mga magulang na Capiznon, isa sa kanila ang may dugong mestiza de español. Mula sa kanila, napamana sa akin ang wika ng mga Kastilang patuloy na ginagamit namin ng aking ama at naging malaki rin ang parte ng paniniwalang Katoliko sa buhay naming pamilya. Sa aking nanay naman, isinilang siya sa Maynila mula sa kaniyang ama na mestizo de sangley at inang Maynileña. Dulot nito, nakuha rin namin ang mga tradisyong Tsino gaya ng mga paniniwalang mula sa fēngshuǐ at paghahanda ng tikoy tuwing darating na ang Bagong Taon. Dagdag pa sa mga samu't saring kulturang mga nabanggit ko, isinilang din ako sa Makati at lumaki naman sa Cavite. Bunsod ng mga ito, masasabi kong nananalaytay sa aking dugo ang magkaibang kultura mula sa iba't ibang aspeto ng pagiging isang Filipino subalit sa kabila nito, hindi rin maikakailang nagdulot din ang mga piyesang ito ng pagkalito hindi lamang sa aking pagkakakilanlan kundi pati na rin sa identidad ng isang Filipino.
Magmula pa nang bata ako, binabalot na ng pagkalito sa aking pagkatao na tila ba mayroong hidwaang nangyayari sa kalooban ko. Dulot ng aking lipi, kadalasan akong nagkakaroon ng pag-aalinlangan kung ano nga ba ako. Bagamat masayang maranasan ang kultura ng iba't ibang pangkat-etniko ng bansa habang lumalaki ako, hindi maikakailang mahirap makibagay sa mga tao sa iyong paligid kung hindi mo lubos na naiintindihan ang lugar mo sa kanila. Sa mga Bisaya, hindi ko rin magawang angkinin ang dugo kong Hiligaynon sapagkat hindi ako natutong gumamit ng wikang Ilonggo. Sa Katagalugan naman, lagi kong pinagdududahan ang sarili kong sabihin na Tagalog ako sapagkat lumaki ako noong mapurol ang kakayahang gamitin ang wika nila dahil na rin mas madalas gamitin ang wikang Ingles sa aming tahanan. Sa kabilang banda, naging bihasa man ako sa paggamit ng ating wikang pambansa, nananatili rin sa aking isipan na kaya ko ring magsalita gamit ang lengguwaheng ginamit ng mga banyaga upang alipinin ang ating mga ninuno. Dagdag pa riyan, pinalaki rin akong relihiyoso na taos-pusong sumasampalataya sa paniniwalang Katoliko subalit matatandaan din nating ang mga prayle ng nasabing simbahan ang nang-alipusta sa mga kababayan natin at pilit binura ang kanilang mga ritwal at tradisyon. Sa mga kadahilanang ito, madalas na sumasagi sa aking isipan kung nararapat nga bang tawagin kong Filipino ang sarili ko o isa lamang ba akong batang ipinanganak at lumaki sa Pilipinas? Kalakip nito, papasok din sa aking isipan ang tanong na "Ano nga ba ang Filipino?"
Kung titingnan, wala namang bansang Pilipinas sa ating kapuloan noon at kung tutuusin pa nga, binubuo pa noon ang arkipelago natin ng higit sa isang dosenang kaharian, sultanato, tribo, at iba pang uri ng pamahalaan. Bawat isa sa mga ito ang may kaniya-kaniyang kultura, tradisyon, wika, at pamamaraan ng buhay. Makikita mula rito ang pinagmulan ng rehiyonalismo sa ating bansa na nagpapatuloy hanggang ngayon; madalas na uunahin ng mga miyembro ng isang pangkat-etniko ang sarili nilang rehiyon kumpara sa ikabubuti ng bansa. Nagiging malinaw ito tuwing halalan kung saan malimit suportahan ng isang pangkat-etniko ang kanilang mga kababayan, partikular na ang mga angkang matagal nang namumuno sa kanilang rehiyon. Pinatunayan ito nang makita natin ito mangyari sa eleksyong 2022 sa pamamagitan ng Solid North ni Bongbong Marcos, ang One Bicol ni Leni Robredo, at mga tagasuportang Cebuano ni Sara Duterte.
Samantala, mababatid din nating malaki ang papel na ginampanan ng relihiyon sa kasaysayan ng ating bansa. Hindi maikakailang isa ang mga kapatid nating Moro sa mga puwersang nakibaka at lumaban upang makamtan natin ang ating kasarinlan. Gayumpaman, makikitang nagpapatuloy pa rin ang kanilang pakikipaglaban sa hindi patas na pagtrato sa kanila ng pamahalaang hindi naman makakayang mamuno ngayon kung walang pagkilos na ginawa ang mga kapatid nating Muslim sa Mindanao upang labanan ang kolonyalismong dala ng mga banyaga. Nananalaytay pa rin sa sistema nating dinala rito ng mga Katolikong Kastila at Protestanteng Amerikano ang pagbibigay ng higit na kahalagahan sa mga Kristiyano kumpara sa mga nananampalataya sa paniniwalang Islam. Sa halip na makinig sa kanilang mga hinaing at tulungan sila, tinuring pang terorista ang mga kapatid natin sa Mindanao na napilitan lamang na makibaka muli dulot ng karukhaan at karalitaan.
Dagdag pa riyan, makikita rin natin ang epekto ng ilang siglong mapaniil na sistema sa edukasyon sa lipunan ngayon. Mababatid ang pagkiling ng ating mga mananakop sa kanilang wika samantalang ipinipinta naman ang mga wika natin bilang mga lengguwaheng mas nakabababa. Sa kasalukuyan, madalas na tinutukso ang mga taong mapurol ang kakayahang gumamit ng wikang Ingles, ang idyomang dinala rito ng mga Amerikano, at itinuturing namang mas matatalino ang mga bihasa gumamit nito.
Gayumpaman, nagdulot din ang patong-patong na suliranin na mga ito upang magkaroon ng iisang pagkakakilanlan ang mga tao sa Pilipinas. Sa kabila ng paghihikahos na kanilang dinanas sa ilalim ng pamumunong banyaga, maipapakita ng kasaysayan kung paano tayo nagkaisa bilang iisang lahi upang masupil ang kolonyalismo at paano tayo nakibaka para sa kasarinlan ng isang bansa na nagsisilbing tahanan nating lahat. Dulot ng ilang siglong pagdurusa, nagsilbing inspirasyon ang mga bayani natin para naging likas na sa mga Filipino ang maging matatag at matibay sa kabila ng mga unos na ating kinahaharap. Sa pamamagitan ng pagsilip sa ating kasaysayan, mababatid natin ang resulta ng nakaraan sa ating lipunan at kung paano patuloy na nakaaapekto sa buhay nating mga Filipino ngayon ang mga aksyon at desisyong ginawa ng mga ninuno natin.
Official entry to the 36th Annual DLSU Literary Awards: 2nd Place - Sanaysay
YOU ARE READING
Tinta I: Unang Dekada
General FictionA compilation of DukeofAsia's notable written works from 2013, starting from short stories he wrote when he was a 10-year-old novice, essays he wrote as an artistically perplexed teenager, and poems he wrote during his first year in the 20s in 2023...