PITIK: Paano ba maging mahusay na direktor?

17 0 0
                                    

Ilang dekada na ang nakalilipas mula nang gawaran ang unang National Artist of the Philippines for Film sa bansa subalit hanggang ngayon, wala pang isang dosena ang hinihirang ng pagkilalang ito. Maraming direktor na ang nagtampok ng kanilang husay sa teknikal na aspeto ng paggawa ng pelikula, sa pagpapakita ng talento ng mga artista nito, o maging sa pagpapadala ng mensahe sa pamamagitan nito. Gayumpaman, bilang lamang sa dalawang kamay ang mahuhusay na direktor na nagawang pagsabay-sabayin ang mga ito.

Kasama na sa mga direktor na ito sina Ishmael Bernal at Marilou Diaz-Abaya sa mga nagawang mag-iwan ng legasiya sa pamamagitan ng kanilang mga likhang-sining na madarama pa rin sa industriya ng sine at kulturang Pilipino ilang taon matapos ang kanilang paglisan sa mundo. Sa papel na ito, sisilipin namin ang limang elemento ng kanilang mga likha para malaman kung paano nga ba maging isang mahusay na direktor tulad nila: Pelikula (mga teknikal na aspeto), Isyu (mga problemang tinalakay), Tinta (epekto ng pagsusulat ng direktor sa pagsusulat ng kwento ng kanilang pelikula), Ideolohiya (pananaw ng direktor sa isyung tinatalakay), at Kultura (iniwang legasiya sa kultura at pelikulang Pilipino ng mga direktor).

Ishmael Bernal (1938–1996) at Marilou Diaz-Abaya (1955–2012)

Isa sa mga natatanging direktor na gumawa ng mga pelikula para pag-usapan ang mga isyu sa tahanan at sa lipunan, maraming ginawa si Bernal na talagang nag-iwan ng marka sa industriya. Manila by Night (1980) at Hinugot sa Langit (1985) ang gagawin nating pangunahing batayan dito ng kaniyang legasiya.

Kilala naman bilang nag-iisang babaeng direktor sa kaniyang panahon na nirerespeto at tinitingala sa buong industriya, magiging pangunahing batis naman sa pagsusuri sa legasiya ni Diaz-Abaya ang Moral (1982) at Muro-ami (1999).

Pelikula

Gaya ni Diaz-Abaya, nag-aral din ng pelikula sa ibang bansa si Bernal na naging sanhi rin ng pagiging kaisa niya sa pinakamatatas na direktor sa paggamit ng lengguwahe ng pelikula para maiparating ang nais niyang sabihin. Makikita sa Hinugot ang paggamit niya ng mga medium at close-up shots para magpokus sa mga emosyon o bagay na nais niyang tingnan ng mga manonood ng pelikula. Mababatid ang estilong ito sa halos lahat ng pelikula ni Bernal pati na rin ang paggamit niya ng mga panning shot para habiin ang tagpi-tagping elemento sa pelikula para maglahad ng kwento.

Sa kabilang banda, malaki ang pagkakaiba ng ibang pelikula ni Bernal sa Manila. Hindi ito puno ng mga eksenang nakatutok sa mukha ng mga karakter o kanilang mga pag-uusap. Sa halip, mapapansing napakarami nitong mga wide shot at extreme wide shot na ipinapakitang maliit na bahagi lamang ang mga karakter sa masukal na gubat na lungsod ng Maynila. Isama pa rito ang mga pagkakataong mas naririnig pa ang pag-uusap ng mga ekstrang karakter kaysa sa mga 'bida' ng pelikula. Ipinapakita lamang nito ang pagkakaroon ng tapang ni Bernal na hindi sumunod sa mga kombensyonal na alituntunin sa paggawa ng mga palabas dahil lubos na niya itong nauunawaan kaya naman hindi na siya natatakot na magtangkang gumamit ng mga estilong naiiba at panibago sa kaniyang panahon.

Samantala, tila isa namang repleksyon ng mensahe ng kaniyang ipinararating ang pamamaraan ni Diaz-Abaya sa pagbuo ng isang pelikula. Madalas na mapapansing katrabaho niya rin ang asawa niyang si Manolo Abaya sa mga pelikula niya, gaya ng pangangasiwa ng sinematograpiya ng Moral at ng mga kamerang ginamit sa ilalim ng dagat sa Muro-ami. Mababatid ang husay ng pagsasamang ito sa paggamit ng mga leading at tracking shot para subaybayan ang pagdaloy ng storya sa pelikula at ang galaw ng mga karakter. Kapansin-pansin din ang paggamit ng pag-zoom at pag-frame sa mga pelikula ni Diaz-Abaya para ipakita ang mga elementong nais niyang bigyang-pansin para sa mga manonood.

Sa kabila nito, mas mapapansin kay Marilou ang paggamit niya ng musika para ipakita ang mga kahulugang nakapaloob sa mga nililikha niya. Nariyan ang maingay at makulay na musika na bumabalot sa mundo ng Moral pero narito rin ang nakabibinging katahimikan na maririnig sa Muro-ami sa bawat pagsisid na isinasagawa ng mga karakter sa karagatang pumapalibot sa Bohol.

Tinta I: Unang DekadaWhere stories live. Discover now