OCTOBER. Isang linggo na ang nakalipas matapos ang gulong iyon tungkol sa Florante at Laura. Pinagalitan din kami ng teacher namin dahil doon. Kaya napagdesisyunan namin na hatiin nalang ang role sa mga diwata.
Si Ella, Julie at Anne pa rin ang magdidiwata. Dadagdagan nalang galing naman sa mga pabebe girls para hindi na sila magreklamo.
Isang linggo na rin ang nakalipas matapos ang huling usap namin ni Grey sa tawag. Hindi niya ako tinawagan yung gabing iyon, at nung sumunod pa, at nung sumunod pa. At nalungkot ako dahil doon.
Nasanay nanaman kasi akong magkatawagan kami gabi gabi tapos bigla nalang, hindi na ule. Wala naman akong karapatang magsabi sa kanya ng kung ano-ano dahil kasalanan ko naman iyon. Saka, sino ba ako di ba?
Si Pam nalang ang nakakausap ko tungkol doon. Ang sabi naman niya, kailangan lang daw ng oras ni Grey para mag-isip. Mag-isip ng ano? Mag-isip ng tungkol saan? Tungkol ba sa nararamdman niya sa akin?
Ang sabi rin ni Pam na hintayin ko lang daw si Grey. Anong hihintayin ko sa kanya? Maghihintay ba ako sa wala o ano?
Gusto ko na sanang pigilan tong nararamdaman ko sa kanya pero sinasabi sa akin ni Pam lagi na huwag akong susuko kasi dadating din daw ang tamang panahon. At dahil nga doon, ipinagpatuloy ko lang ang nararamdaman ko para kay Grey.
Nandito kami ngayon ng mga tropa ko, nakatambay sa labas ng pintuan. Wala kasi kaming teacher ngayon. Yung ibang mga kaklase ko, gumagawa na rin ng props para sa Florante at Laura.
Taghirap kami ngayon dahil sampung piso ang kinokolekta sa amin tuwing umaga at hapon para lang sa mga props na gagamitin namin. Wala nalang kaming magawa dahil para sa grades din naman namin iyon.
"Sama ako!" Ang sabi ko kela JB at Caspian na naglalaro ng basketball, gamit ang bote na may lamang bato bilang bola, at yung pinaglagyan ng fire extinguisher bilang ring.
Kahit malalaking tao tong mga ito, nakikipag-agawan pa rin ako sa kanila. Hanggang sa umayaw na si Caspian, dahil may nilalandi yan sa room. Kaya dalawa nalang kami ang natira.
"Tangina!" Singhal ko sa kanya ng daganan niya ako sa mismong sahig nung pinulot ko yung bote. Napatayo naman siya bigla nung lumabas si Grey ng room at napatigil nung nakita kami.
Napairap nalang ako at nilagpasan ko si Grey at pumasok ng classroom. Ayan nanaman siya, umaasta na parang may gusto sa akin. Pero umaasta ba siya na may gusto sa akin? O ako lang tong tanga na nag-aassume?
Mamaya maya, nagsipasukan na rin yung iba kong mga kaklase dahil paparating na yung susunod naming teacher. Napalingon ako sa likod, sa direksyon ni Grey. Napairap ako sa sarili ko at tumayo.
"Doon ako sa likod uupo." Ang sabi ko kay Rio. Naglakad ako papalapit kay Grey at tinitignan niya lang naman ako habang papalapit ako sa kanila.
Pagkalapit ko doon, sinenyasan ko yung tropa niya na umalis dahil tatabihan ko si Grey. Umalis naman na siya agad at umupo ako dun sa tabi niya. Wala namang sinabi si Grey tungkol sa pagtabi ko sa kanya.
Hindi ko siya kinausap, tinabihan ko lang siya doon. Wala akong masabi na kung ano, kabaliktaran ng mga naiisip ko sa utak ko. Wala akong masabi dahil nag-aalangan akong magsalita.
Hindi naman ako ganito tuwing tatabi ako sa kanya. Madalas, kunukulit ko siya. Or 'nilalandi' ang tawag nga nila. Pero ngayon, walang gustong lumabas galing sa bibig ko.