"Hindi kita gusto." Ang sabi niya. Napatigil ako saglit at tinignan ko lang siya. Maya maya pa'y mapait akong ngumiti at dahan dahang tumango.
I expected the worse kaya hindi na ako nabigla. Yun nga lang, masakit. Sobra. Parang gusto ko na agad umiyak pagkasabi niya pa lang ng mga katagang iyon pero pinigilan ko.
Tumingin ako kay Pam, inaalala lahat ng mga sinabi niya sa akin, pero hindi niya ako magawang tignan. Ang dami kong gustong itanong sa kanya ngayon. Para saan lahat ng mga sinabi niya? Nagsinungaling lang ba siya sa akin? Bakit niya ako ako itinaas ng ganon? Ginago niya lang ba ako?
Pero mas pinili ko nalang tumakbo palabas ng cr, para umiyak. Doon ko lang narealize na tama nga silang lahat, ang tanga tanga ko nga. Feeling ko napahiya ako. Tinawanan ko ang sarili ko na umiiyak sa isang cubicle. Para akong sinampal ng mga salita nila. Ang sakit.
Umiiyak lang ako doon hanggang sa kinatok ako nila Cara.
"Ven? Ayos ka lang?" Tanong nila. Paano ako magiging ayos? Paano akong magiging okay? Pinunasan ko ang basa kong mga pisnge bago ko binuksan ang harang ng cubicle. Inilahad agad ni Cara ang mga braso niya para alukin ako ng yakap kaya niyakap ko agad siya, at doon umiyak sa kanya. Pinapatahan nila akong lahat.
Hindi ako nagsalita at hindi rin naman na sila nagtanong. Alam naman na nila siguro kung ano ang iniiyakan ko. Pinatahan lang nila ako hanggang sa maging okay ako. Hindi na tuloy kami nakapasok sa isang subject.
Nung humupa na ang namamaga kong mga mata, bumalik na kami sa classroom. Tahimik lang ako buong maghapon at tinabihan lang ako nila Quinn at Rio para protektahan ako sa mga magbabalak na magtanong kung anong nangyari.
Para akong pagod na pagod nung umuwi ako ng bahay. Humiga ako agad sa kama ko at tumunganga sa kisame, malalim ang iniisip. Akala ko masasagot na yung tanong ko nung sinabi ni Grey yun pero mas lalo akong naguluhan, mas lalo akong napaisip.
Naisip ko yung mga pagkakataon na kung saan laging nagtatama ang mga mata namin, yung pag-uusap namin tuwing gabi, yung mga simpleng pag-aalala niya, yung simpleng pagkamiss niya sa akin. Para saan ang mga iyon? Wala lang ba iyon? Wala lang ba talaga?
Nagsimula nanamang tumulo ang mga luha ko habang iniisip ang mga iyon.
Natatawa nalang ako . Sinampal na nga ako ng katotohanan pero pilit na nakikipagtalo pa rin ako sa sarili ko. Baka inaassume ko lang ang lahat ng mga bagay bagay. Doon naman ako magaling e, ang mag-assume.
At saan ako dinala ngayon ng pag-aassume ko na yun?
KINABUKASAN. Sabado ngayon at naglakas loob akong yayain si Pam para makapag-usap kami. Madami akong tanong sa kanya, madami akong gustong marinig na paliwanag, madami akong gustong sabihin dahil hindi pa rin malinaw sa akin ang lahat.
"Pam, may hindi ka pa ba sinasabi sa akin?" Nandito kaming dalawa sa baywalk, nakaupo sa may hagdanan na papunta sa dagat. Parehas lang kaming nakatulala sa kawalan, parehas na malalim ang iniisip.
"Ano yung sinasabi mong tamang panahon? Ano yung sinasabi mong gusto rin ako ni Grey at maghintay lang ako? Ano yun?" Sarkastiko akong napangiti, inaalala kung gaano ako natutuwa habang nakikinig sa kanya noon. Para akong gago.
"Pam, magsalita ka naman oh." May halong pagmamakaawa ang boses ko. Gusto ko lang naman sabihin niya sa akin ang totoo. Gusto kong linawin niya sa akin ang lahat dahil kung hindi, baka patuloy pa rin akong kumapit sa lahat ng mga sinabi niya. Baka patuloy pa rin akong magtiwala sa kanya. Baka patuloy pa rin akong magpakatanga.