Tulala lang akong naka-upo sa sofa habang nakatanaw sa hardin mula sa balkonahe ng bahay nila Lolo sa Davao. Apat na araw na ang nakalipas mula sa huling tagpo namin ni Jhon sa harap ng condo unit ko.
Hindi parin niya ako binitawan ilang minutong lumipas. Patuloy lang siyang humingi ng tawad sa akin.
Alam niya ang pinagdaanan ko at gaano ako nasaktan nang nalaman kong pinatay ang mga magulang ko. Kung paano ko pinangako sa aking sarili na hahanapin ko ang hustisya para sa kanila.
Siya ang nandoon. Saksi siya roon.
Sana man lang nag-isip siya bago nagdesisyon na huwag sabihin sa akin ang totoo.
"Sonny, apo, kanina ka pa riyan." Saka ko lang napansin na pa gabi na pala. Lumingon ako kay Lola. "May problema ba?" Tumabi sa akin si Lola sa pag-upo at tinanaw ang maaliwalas na tanawin.
"Wala lang po 'to, La," sagot ko sa tanong ni Lola na may pagod na ngiti sa labi.
"Sonny, ako na ang halos nagpalaki sayo. Kilalang-kilala kita." Lumingon ako kay lola at gayon din siya sa akin. "Alam mo naman na pwede kang masabi sa akin kahit na ano diba?"
Tumango ako bilang pagsang-ayon bago humilig sa balikat ni Lola. Alam niya kung kailan merong bumabagabag sa akin.
"La, nagsinungaling po si Jhon sa akin," pagsusumbong ko.
Saka ko lang namalayang may tumulong luha nang pinunasan ni lola ang pisngi ko. "Alam namin ng Lolo mo, iha."
Biglang bumalik ang lahat ng sakit. Ako lang ang walang alam. Ako lang… mismong anak pa nila.
Sana nasa tabi man nila ako tuwing nahihirapan sila.
Hindi man lang ba ako sapat upang lumaban sila. Na merong anak na umaasa at naghihintay sa kanila kapag na-ayos na ang lahat.
"Masakit sa amin ng lolo mo ang nangyari, apo. Walang kapantay."
Tahimik na umiyak si Lola. Pareho kaming nawalan. Nawalan ako ng magulang at nawalan sila ng anak ni lolo. At walang magulang ang nais maglibing ng sarili nilang anak.
"Sinabi agad sa amin ni Jhon nang lumabas ang imbestigasyon at autopsia mula sa mga magulang mo." Tumingin ng malumanay sa aking mga mata si Lola bago nagpatuloy.
"May sulat… ayaw nilang malaman mo ang ginawa nila, Sonny."
"Naduwag kami ng Lolo mo, Apo," humahagulgol na sabi ni lola. Hindi ko kayang makita siya sa kalagayang ito, silang dalawa ni Lolo. "Natakot kami ng Lolo mo na sa oras na malaman mo ang ginawa ng mga magulang mo, baka mawala ka rin sa amin. Hindi na namin kakayanin iyon, Apo."