Prologue

34 1 0
                                    


Umalingawngaw ang tunog ng mga agong sa dakong timog ng aming banwa. 

Narito na naman sila.


Nagsibagsakan ang mga kawayang tarangkahan nang mag-umpisang lumusob muli ang mga nalalinan sa huling balay ng aming banwa. Umuwing sugatan ang aming mga tagamanman, ngunit hindi nila kami nabalaan sa muling paglusob ng mga kalaban.


Di maikakaila na ang mga Lalin ay hindi pa nakuntento sa kanilang huling pagdaluhong nung huling buwan.  Sila ay mga taong tinamaan ng isang misteryosong plaga.


Hindi pa nakakabawi ang aming mga nasasakupan sa kapangahasan ng mga halimaw na ito. Ang aming kaharian ay dahan-dahang nasasakop ng mga Lalin. Ngayong gabi, marami na namang mamamatay at magiging isa sa kanila.


Ang halaga ng pagtatanggol sa pook na ito ay hindi matutumbasan ng kahit anong bilang ng ginto. Marami ang nagkasakit at namatay, at wala ng magawa kung hindi sila ay paslangin na rin. Lahat ng mga bangkay ay sinusunog.


Ang mga abo ng mga namatay ay isinasaboy sa hangin, umaasang maririnig pa muli ng mga bathala at bathaluman ang aming mga hinaing. Nabatid kong ang mga nangyayaring ito ay naganap dahil sa kasakiman ng mga tao. Ang poot at paghihiganti ay bumabalot sa bathaluman ng buwan na si Haliya, na siyang pinagmulan ng sumpang ito.


Lumakad ako ng marahan, ramdam ng aking mga paa ang putik na mula sa pinaghalong dugo ng mga sugatan at lupang nilalason ng sumpa.


Ito ang lupang aking sinilangan. At dito rin nahimlay ang mga pira-pirasong ala-ala ng dating maringal na banwa ng Amiling, na ngayo'y nalulusaw sa ilalim ng malamlam na mga tala. Ang mga bathala at bathaluman ng kalangitan ang siyang naglikha ng aming mga kapalaran, nakasulat sa mga ulap upang ang aming mga babaylan ay may aawitin para sa aming lahat.


Paulit-ulit, na tila ba magpapaalala sa amin ng malagim na panaginip na sumambulat sa aming paniniwala. At kahit bilang hara ng banwang ito, wala akong kakayahang maibsan ang pagdurusa ng aking mga nasasakupan sa bawat araw na lumilipas. Ang salot na ito ay parusa at inaangkin na ng mga Lalin ang aming mga lupain. Sila ay dating bahagi ng aming banwa, bahagi ng aming kaharian. Ngunit dahil sa sumpa ay sila'y aming naging kalaban.


Ang ngalan ko ay Ibuna, pamangkin ng huling Rajah at asawa ng kanyang pinakamatandang anak na si Datu Daguhay. Ipaghihiganti ko ang kamatayan ng aking poon at lilinisin ko ang lupang ito ng kanyang dumi. Magalit man ang bathaluman sa gagawin ko ay walang makakapigil sa akin.


Sapagka't kung hindi nya kayang ipagtanggol ang aking nasasakupan...


Ako na ang lalaban para dito.

Duyog: Ang Trahedya ng BuwanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon