"Ilóy! Aking ilóy!"
Sa kalagitnaan ng natatarantang mga taong bayan ay natanaw ko ang isang batang lalaking nananaghoy para sa kanyang ina. Wala pang pahinga o oras upang makakain ang lahat.
Kakaumpisa palang sumikat ang araw at ang mga Lalin ay bumalik sa kanya-kanyang lungga. Hindi ko maiwasang humikbi sa aming kalagayan habang ako'y nakatayo sa harap ng aking mga nasasakupan, Ngunit hindi ito ang panahon upang manghina.
"Aking minamahal na kababayan, akin sanang makuha ang inyong pansin." Malakas kong isinigaw sa kanila.
Lumuhod sila at tinago ang kanilang mga mukha sa akin, liban sa batang lalaking hindi mapigilan ang pagbuhos ng kanyang luha. Tinuro ko siya gamit ang aking kanang kamay."Asan ang mga magulang ng batang iyan?" tanong ko na may halong habag sa tono.
Tahimik ang mga tao, walang sumagot.
"Bata, halika sa aking tabi."
Ang aking mga alagad ay inalalayan siya patungo sa harap. Isang paslit na umaastang binata upang matago ang kanyang kahinaan.Ang kanyang maliit na mukha ay puno ng pasa at sugat, ang kanyang hinabing saplot ay punit-punit, ang kanyang mata ay tila balot ng sindak.
Mahigpit ang pagkakayakap niya sa isang duguang tela nang biglang nalaglag mula sa pagkakatago nito ang isang punyal. Agad niya itong pinulot at tinutok sa akin.
"WALANG LIGTAS SA LUGAR NA ITO, WALANG MGA BATHALA ANG NAKIKINIG. WALA AKONG PINANINIWALAAN!" Si Bang-os, ang isa sa aking matatalik na kaibigan at bantay ay agad na humarang sa aking harap. Akmang bubunot na sana siya ng kanyang armas pero ako'y tumayo at tinapik ang kanyang balikat ng marahan.
"Bata, ibaba mo ang patalim na iyan. Marami nang dugo ang dumaloy kagabi, huwag na sana nating dagdagan pa." Ang kanyang titig sa akin ay hindi natinag, may halong galit at pinaghihinagpis ang kanyang panggigigil.
"Kung gayon, sabihin mo sa akin, aking Hara. Nasaan ang mga bathala at bathaluman na dapat naririto at lumalaban kay Bakunawa?" tanong ng bata sa akin.
Mula nang makain ang anim na buwan sa kalangitan, nawala din ang ikapitong bathaluman ng buwan na si Haliya. Mula din nung araw na iyon ay tumahimik ang lahat ng boses ng mga bathala. Iisang tinig lamang ang aming alam.
Ito ang tinig ng kamatayan.
"Ang Bulan ay pipili muli ng kanyang sugo, tayo'y magdasal parati. Darating din ang pag-asa ng ating kaharian." Ito ang tanging aking nasambit, sapagkat alam kong ang huling sugo ng mahiwagang kampilan na tinatawag naming Bulan ay patay na. Walang bathala ang tumutulong sa amin.
Biglaang bumigay ang katawan ng batang lalaki at siya ay tumumba. Napatakbo ako upang saluhin siy habang kinuha na ni Bang-os palayo ang punyal sa kanyang kamay. Niyakap ko siya at marahan kong pinunasan ang kanyang duguang mukha ng aking kamay.
"Nakita ko siya," bulong ng bata sa akin. "Nakita ko ang aking ilóy na maging kagaya nila, naging kulay pula ang kanyang mga mata at sinigawan niya ako. Hindi na niya ako nakilala." Hindi na niya napigilan ang pagtulo muli ng kanyang mga luha.
"Kailan namatay ang iyong iloy?" Tanong ng isa sa mga mamamayan sa aming tabi. "Hindi ba dapat na sinusunog na ang mga bangkay ng mga namamatay upang di na maging Lalin?" Pagsingit din ng isa pang mamamayan. Puro paratang ng kapabayaan lamang ang narinig ko mula sa mga nakapaligid.
"Tama na! Nangyari na ang nangyari sa batang ito. Huwag na natin ungkatin ang naganap bagkus ay alalayan natin ang isa't isa. Hindi pa dito natatapos ang laban natin sa mga Lalin." Hindi ko napigilan ang aking mga salita, ngunit bilang Hara ng banwang ito batid kong kailangan kong intindihin ang kapakanan ng lahat at iwasan ang paninisi sa iba.
Kinuha na sa aking piling ang nahimatay na bata ng aking mga alagad upang dalhin sa mga babaylan upang gamutin. Nakatayo sa aking tabi si Bang-os na tila naghihintay ng aking susunod na utos.
Tiningnan ko siya nang may halong pangamba habang ako ay tumatayo mula sa aking pagkakaupo. "Gabayan mo ang mga matatanda, sugatan, at bata patungo sa dating tahanan ng mga binukot. Doon muna sila habang inaayos ang mga tarangkahan at kubo ng ating nasasakupan."
"Masusunod po, Hara." Sagot ni Bang-os at madalian siyang umalalay sa isang matandang ginang patungo sa dati kong tahanan.
Puno ang aking isipan ng mga tanong.Bakit naming kailangang mapagdaanan ang mga ito? Isang nakakatakot na bangungot ang lahat ng ito,Hindi ko ito maintindihan. Hindi ko maintindihan ang kalangitan o si Haliya. Sa aking puso at isipan, tumatak ang sakit ng kahapon. Kilalang-kilala ko ang bangungot na ito.Dapat ay may tagapagtanggol ang aming banwa, upang di namin kailangan pang matakot muli sa kadiliman.
Haliya, naririnig mo ba ako?
BINABASA MO ANG
Duyog: Ang Trahedya ng Buwan
Fiction Historique"Nangyari na ang malagim na sakuna ng mga buwan." Panahong 1500s, Sinaunang Pilipinas. Isang di maipaliwanag na sakuna ang lumaganap sa lupain ng Bai-lon nang makain ang anim sa pitong buwan sa langit. Ito ay naging sanhi ng pagkamatay ng maraming m...